Naglatag si Jennalisa ng kutson sa sahig, sa tabi ng kama kung saan nakaratay si Vic, naghahandang matulog sa gabing iyon.
"Walang pakinabang," kanyang bulong sa ilalim ng buntong-hininga. "Inutil."
Kapapainom lang niya ng gamot sa asawang maysakit, at katatapos lang niyang langgasin ang mga sugat nito sa balat na dulot ng matagalang paghiga sa kama.
Pagkauwi sa bahay mula sa simbahan, pinasalamatan ni Jennalisa sina Raisa at Trisha na nagbantay kay Vic habang siya'y wala.
Ang dalawang dalaga'y anak ni Eduardo, at mga pamangkin ni Vic.
Nang makaalis ang magkapatid, si Jennalisa naman ang humarap at nag-asikaso sa asawa.
Pinakain niya ito, pagkatapos ay pinunasan, nilinis at pinaltan ng damit, sapagkat hindi na ito napapaliguan.
Kasunod nito'y pinainom nga ng gamot, at nilanggas ang mga sugat sa balat.
Umuungol si Vic, dumaraing sa sakit na dinararanas.
Tinignan lamang siya ng maybahay niyang naghahandang matulog.
Pagkatapos ay uutal-utal na nagsalita ang lalaking nakahiga, wari umuusal ng dalangin.
Walang naunawaan si Jennalisa sa pinagsasabi. Hinayaan lang niya ito dahil baka nagdarasal nga.
Hindi makasalita nang maayos si Vic. Ngunit hindi siya ganito dati.
Madaldal siya nuon, lalo na sa klase.
Marami masyadong sinasabi, puro satsat.
Ang tawag sa kanya ng mga estudyante ay 'Sir V'.
Habang ang bansag kay Vic nu'ng elementarya at high school ay Apeng Daldal.
Dahil siya ay sadyang madaldal, at kamukha niya rin talaga si Apeng Daldal.
Pero nang siya'y isa nang guro, bilang paggalang, walang makapanukso kay Vic na kamukha niya si Long Mejia.
Ayon nga sa mga estudyante, "Kahawig talaga ni Sir V si Long!"
Wala lang maglakas-loob na magsabi nito sa guro.
Madalas ikuwento ni Vic sa klase. "Apat na taon na akong CKD-Stage 5 patient. Dinadala ako sa dialysis dalawang beses sa isang linggo."
Ang CKD ay Chronic Kidney Disease o mas kilalang 'sakit sa bato', at ang Stage 5 ang pinakamalalang antas ng sakit na ito.
"Hindi gawang biro ang magkasakit," patuloy ni Vic. "Pinagdaraan ko ay isang mahigpit na pagsubok. Totoong magastos ang dialysis, bukod pa ang gamot at mga laboratory tests."
"Ang aking hypertension ay nauwi sa pagkasira ng kidney ko," dagdag pa niya. "Kaya bawasan niyo ang pagkaing maaalat. Nakakasira ito ng bato at nakakapagpataas pa ng blood pressure.
"Lalong iwasan niyo pag-inom ng painkiller kung walang reseta ng doktor," paalala ni Vic. "Ito talaga ang nakitang sumira sa kidneys ko."
Tuwing ikinukwento ang kanyang sakit sa bato, nagbabaka-sakali siyang makatanggap ng simpatya mula sa nakakapakinig.
Ang KAPUTOL ng kapitulong ito ay nasa SUSUNOD NA BAHAGI.
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Terror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.