Nuong pinayagan si Padre Felix na palabasin ng ospital, nagbilin ang pulmonologist sa kanya.
"Magpahinga ka nang husto. Obserbahan mo ang kalusugan mo. Bumalik ka sa susunod na buwan, Nobyembre, para matignan natin kung gumaling ka na ngang tuluyan."
Idinagdag din ng doktor kung saan siya pupuntahan.
"Sa Holy Infant Hospital, sa may Laong Laan, 'yung malapit sa UST."
Sapagkat du'n s'ya nakatalaga sa mga araw na yaon.
At du'n nga'y sinadya siya ng pari.
Dala-dala ni Felix ay resulta ng X-ray, at mabuting pakiramdam dahil hindi na siya madaling hapuin.
Nang ang pari'y nasa opisina na ng pulmonologist, idinikit sa kanyang likod ang stethoscope, at inilipat-lipat ito sa ibang bahagi ng likod, upang mapakinggan ang tunog ng baga't paghinga.
Pagkuwa'y inilagay naman ang stethoscope sa dibdib ng exorcist.
Lumipas ang ilang saglit, itinabi na ang medikal na gamit.
Matapos ito'y nagtanong ang doktor habang tinitignan ang resulta ng X-ray.
"Kumusta ka naman? May kakaiba ka bang nararamdaman?"
Nag-alangan si Felix bago sumagot. Alam naman nitong pulmonologist na isa siyang exorcist, at maraming kakaibang nararamdaman, mga di maipaliwanag na kababalaghan.
Ngunit tumugon pa rin siya nang naaayon sa kausap.
"Hindi na ako hinahapo."
"Mukhang magaling ka na agad."
Lalong lumuwag ang paghinga ng Felix nang marinig ang sinabi ng doktor.
"Bilib ako sa kalusugan mo, Padre, hindi halata ang edad mo."
Totoo ito. Limampung taon na si Felix, pero
hindi mapapansin. Matikas pa rin sa paglipas ng mga taon."Parang 10-15 taon na mas bata ang kalusugan mo kaysa sa aktuwal na edad mo," komento ng doktor. "Samantalang yung iba, kaybabata pa pero kaydami nang idinaraing. Gusto nila ng mabuting kalusugan pero pinababayaan naman ang sarili."
Nagpatuloy ang kausap.
"Antitigas pa ng mga ulo. Ayaw magsikinig. May nabasa lang kaunti kung saan tungkol sa sakit nila, may narinig lang kaunti kung kanino— Aba! Eksperto na agad tingin sa sarili! Mas marunong pa sa aming mga doktor. Napakahirap nilang paliwanagan. Kulang na lang resetahan ang sarili."
Tahimik na nakinig si Felix sa mga ipinupunto nitong kausap, subalit nabigla siya sa sumunod na sinabi. Hindi niya ito inasahan.
"Paano nila matatagpuan ang paghilom at kagalingan sa kanilang mga karamdaman kung ayaw nilang sundin ang sinasabi ng totoong marunong at higit na nakakatanto?"
Tumango ang exorcist, sumang-ayon sa espesyalistang kausap, sapagkat gayundin ang kanyang saloobin sa sinasapiang dalaga ng Sirang Lupa.
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.