KAPITULO XIV: TUMIRIK ANG BUS

890 46 0
                                    

Madilim pa, ngunit unti-unti nang nagkakaliwanag.

Alas singko y medya ng umaga, nakatayo si Felix sa puwestong hinihintuan ng pampublikong bus sa EDSA, nag-aabang ng bus na bumibiyahe papuntang probinsya ng Laguna.

Napagpasyahan ng kura na sumakay na lang ng bus, sa halip na magmaneho ng sariling sasakyan, sapagkat nag-iingat na tumirik ang kanyang kotse habang nasa biyahe. May tsansang mangyari ito dulot ng mga demonyong masasamang espiritu na pinipigilan siyang makarating sa tahanan ng mga Narciso.

Hindi ito bago, karaniwan lang sa katunayan, na masiraan ang sasakyan ng exorcist habang papunta sa bahay ng maysapi.

Nuo'y ika-24 ng Mayo, Miyerkules. Ito ang piniling araw ni Felix dahil ito'y 'Kapistahan ng Santa Maria Mapag-Ampon sa mga Kristiyano'.

Humihiling ang kura ng gabay sa Mahal na Inang Maria na dahilan ng ginugunitang kapistahan.

Buti na lang, pumayag si Jennalisa sa araw na nais ni Felix, at gagawan daw nito ng paraan na lumiban sa trabaho.

Pagkatapos suriin ng pari ang kanyang mga nakalap — dokumentong medikal mula sa mga ospital, halos isang oras na panayam sa pamilyang Narciso, reaksyon sa simpleng blessing, mga nilahad ni Rowena — madali siyang lumukso sa konklusyon na tunay ngang sinasapian si Annalyn.

Kusang sumapit ang desisyon na bigyan ng ganap na exorcism ang dalaga.

Walang isang minuto, mayroong dumating na pampasaherong bus. Maiksi lang naghintay si Felix sa bus stop. Siya'y nakasakay agad.

Maluwag sa loob, iilan lang ang pasahero.

Tuloy-tuloy ang takbo ng bus, magaan ang daloy ng mga sasakyan sa SLEX.

Kumportable sa upuan si Felix, at kampante ang pakiramdam na makakarating siya nang tiwasay.

Sa loob lamang ng kinse minuto, makakapangalhati na sila ng biyahe papuntang Calamba.

Pero pagdating sa kalahati ng paglalakbay, nangyari ang iniisip ni Felix na mangyayari kung nagmaneho siya ng sariling sasakyan.

Umusok ang makina ng bus, huminto sa pag-andar.

Tumirik ito sa expressway.

Humingi ng pasensya ang drayber at konduktor.

"Napakadali ngang nakasakay ng bus, pero tumirik naman ang nasakyan ko sa kalagitnaan ng biyahe," puna ng dismayadong pari sa nangyari, pero pinili niyang huwag mainis.

Isa't kalahating oras silang naghintay ng isa pang bus na malilipatan at maghahatid sa kanilang destinasyon.

Sobra-sobrang inip at buwisit ang inabot ng mga pasahero.

Buti na lang, sinadya ni Felix na madaling-araw bumiyahe, kahit ang itinakdang oras ng exorcism ni Annalyn ay ikasiyam ng umaga.

Ang orihinal niyang plano ay umalis nang maaga, bumiyahe nang dalawang oras papuntang Laguna, at umupo't maghintay saanmang lugar hanggang bago sumapit ang alas nuwebe.

Ito'y upang maiwasan ang pagkaantala. Inaasahan niyang may maglalagay ng sagabal para hindi siya makarating sa Sirang Lupa.

At tiyak ngang may humahadlang sa kanya nang tumirik ang bus.

Ilang minuto makalipas ang alas otso nang makatapak si Felix at ibang pasahero sa himpilan ng bus sa Mayapa. Bumigat na ang daloy ng mga sasakyan nang masundo't maihatid sila ng humaliling bus.

Gayunpaman, nagpapasalamat pa rin ang pari na may sapat pa siyang oras para makaabot sa tahanan ng mga Narciso, at kanyang nalusutan ang unang pagsubok sa umagang iyon.

Sumakay siya ng tricycle papuntang Sirang Lupa.

Pagkarating ng pari sa tarangkahan ng mga Narciso, umibis siya sa sasakyan, at lumingon sa palibot upang hanapin si Raul.

Sa kabutihang-palad, wala ang palaboy, pero mayroong asong nakawala sa kalsada. Kahol ito nang kahol na parang itinataboy siya.

Tinignan niya lang ito. Hindi pinatulan.

Agad namang bumukas ang tarangkahan. Naro'n si Andrea upang papasukin ang kura.

Kumakahol pa rin ang aso.

"Puro kahol, wala namang kagat," pabulong na puna ni Felix sa maingay na hayop.

Lumakad sila ng bata sa malawak na bakuran.

Tumanaw ang pari sa kubong nasa gitna ng bukid, at tumindig ang kanyang balahibo sa batok nang walang dahilan.

Umayon ang kanyang kalooban sa sinabi ni Weng na mayroon ngang maligno sa lugar kahit wala namang nagpakita't nagparamdam.

Hindi mabuti ang kanyang kutob sa kubong iyon.

Sa labas ng bahay nina Andrea, pinagkakape ang apat na lalaki — tatlong tiyuhin at isang pinsan — na magmamasid at tutulong kay Felix sakaling may mangyaring hindi inaasahan.

Sina Eduardo, Napoleon at Ronaldo ay mga tiyuhin dahil kapatid nila si Vic. Si Jon Ronald ay pinsan na kaedad ni Annalyn.

Magalang silang bumati ng 'magandang umaga' sa dumating na pari.

Sumalubong si Jennalisa, at pinatuloy sa loob ng bahay si Felix.

Nasa salas si Annalyn. Kalmado itong nakalugmok sa sofa.

Pinaupo sa isang silya ang kura, sa tapat ng dalaga.

Ikinuwento ng ina sa pari ang nangyari sa kanila nu'ng nagdaang gabi.

Habang nagsasalita si Jennalisa, nakatungo at matamlay si Annalyn.

Ngunit itong dalaga'y dagling tumitig kay Felix, nanlilisik ang mga mata, mapaghamong bumuka ang bibig at bumitaw ng masamang salita.

"Putang ina mo," sabi nito, mga mata'y malaahas tumitig — tingin ng nais pumatay ng tao.

Napasulyap ang kura sa dalaga, at sinidlan ng kaba.

"Kumakain ako ng pari sa umaga," nagngangalit na binigkas ni Annalyn, parang nakaambang tumuklaw.

Tumindig ang balahibo ng pinagbantaan.

Subalit sa isang kurap, nanumbalik sa anyong nakatungo't matamlay si Annalyn, at patuloy pa rin sa pagkukuwento si Jennalisa.

Tila si Felix lang ang nakamasid ng pagbabagong-kilos.

"Namalikmata ba ako?" tanong na tumawid sa isip ng nahintakutang pari.

ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon