KAPITULO LVII: SA ILALIM NG BUWAN

565 27 1
                                    

Nagmulat ng mata si Andrea, at namasdang napalibutan siya ng dilim.

"Nasaan ako?" takang-taka ang batang dose anyos.

Wala siyang makita, parang bulag, naninibago ang mga mata sa lugar na walang liwanag.

Tahimik ang paligid. Tanging mga kuliglig lamang ang maririnig.

Tumingala ang batang babae sa langit.

Naro'n ang buwan, taglay ang kabuuan at kabilugan, tinatanglawan ang gabi, at lumilikha ng mga anino sa kapaligiran.

Ang banayad nitong liwanag ay natatakpan ng mayayabong na mga punongkahoy. Kaunti lang ang lumulusot sa mga siwang ng makakapal na sanga't dahon, kaya't kulang ang liwanag na bumabagsak sa lupa para maaninag ng paslit ang mga bagay na malapit.

"Nasa gubat ba ako? Bundok Makiling?" hinuha ni Andrea'y naliligaw siya sa kakahuyan.

Humakbang dahan-dahan ang batang babae, nangangapa sa kadiliman.

Nakarinig siya ng huni ng daga. Matulin itong tumawid sa kanyang paanan.

Lumakad pa siya nang kaunti, at biglang mayroong nagkakahulang mga aso sa malayo. Ginambala nito ang gabi.

Napahinto si Andrea, pinakikinggan kung saang dako galing ang ingay na iyon.

Nang humupa't maglaho ang mga kahol, bago siya humakbang muli, bigla namang iyak ng sanggol ang bumasag sa katahimikan.

Ang tunog ay di kalayuan, at ang unang pumasok sa isip niya ay 'tiyanak'.

Sinidlan siya ng pakiramdam na may nakaambang panganib.

Agad kumilos ang batang babae upang iwasan ang iyak ng sanggol.

Dahan-dahan, lumakad siyang palayo sa tunog ng hinihinalang tiyanak.

Nang makailang hakbang siya, napansin niyang may sumusunod sa kanya — pagaspas ng pakpak.

Inisip niyang ito'y ibon, tulad ng uwak, ngunit wala siyang narinig na huni.

Gusto niyang paniwalaang paniki iyon, ngunit hindi niya nakumbinsi ang sarili.

Kinutuban siyang sinusundan siya ng aswang.

"Aswang nga ba? o tiktik?" nalilitong tanong ni Andrea sa sarili. Hindi niya tiyak, at di niya maalala.

Malapit lang ang nilikhang ingay ng pakpak. Tila nasa ibabaw ito ng mga sanga't dahon sa itaas ng ulo ni Andrea.

Unti-unting lumalayo ang tunog nitong nilalang na lumilipad.

At ito ang lalong nagpakaba sa bata.

Sapagkat ang turo kay Andrea ng nakatatandang pinsang babae na si Diozel tungkol sa aswang o tiktik — kapag malapit ang tunog ng pagaspas, malayo ang nilalang, pero kung malayo ang tunog ng pakpak, nangangahulugang malapit lang ito.

Naiiyak sa takot, nangangapa't natatarantang lumakad si Andrea sa dilim. Hindi alam ang gagawin.

Walang pupuntahan.

Walang pagtataguan.

At siya'y nadapa, sumubsob sa lupa. Tuluyang sumabog ang luha ng bata sa sobrang takot.

Nakapagtatakang nawala naman ang pagaspas ng pakpak.

Tumahimik ang paligid. Tanging mga kuliglig lang ulit ang maririnig.

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon