Ala una ng tanghali, katirikan ng araw, nagkalat sa expressway ang yupi-yupi't pira-pirasong bahagi ng bumanggang mga sasakyan, pati na rin mga basag na salamin nito.
Walang namatay, ngunit mahigit limampu ang sugatan.
Dumating naman agad ang mga ambulansya. Inampatan ng paunang-lunas ang mga nasugatan, sinagip ang mga naipit sa sasakyan, at isinugod sa ospital ang mga malubha.
Ayon sa mga nakasaksi, humaharurot ang mga kotseng kasunod ng pampasaherong bus.
Bumubulusok. Nagmamadali't nag-uunahan. Humahataw sa kalsada.
Kaya't nang biglaang tumirik ang bus, sumalpok ang mga kasunod na kotse sa puwitan nito.
Karambola ng walong sasakyan ang kinahinatnan, at ito ang naging sanhi ng matinding trapik sa SLEX.
Pinagmamasdan ni Felix ang malalang pinsalang idinulot ng demonyo.
Nasa labas ng pampasaherong bus ang pari, at tinitignan ang aksidenteng naganap sa kalsada. Sa isip niya, "Nais akong paslangin ng diyablo, gayundin ang mga tao sa palibot ko. Kayang-kaya lumikha ng malakihang sakuna!"
"Parang katapusan ng mundo," puna ng exorcist. "Sobrang madugo ang trapik dito sa expressway, O Diyos ko, salamat po, buhay pa ako!"
Wala siyang galos o anumang gasgas, kaya lang hindi niya alam kung paano siya uuwi.
Kanina'y hiningan siya ng salaysay ng mga pulis.
Pagkatapos nito'y wala nang umintindi sa mga pasahero kung paano makakarating sa patutunguhan.
Ang hangad lamang ng pari sa oras na iyon ay makarating sa EDSA, makaabot ng Buendia o Ayala, makatapak kahit sa Magallanes lang.
Patingin-tingin sa paligid si Felix, nang matanaw ang isang bus na naipit sa mabigat na trapik. Kaunti lang ang pasaherong sakay nito, at papunta itong Cubao.
Parang hulog ng langit kay Felix ang masasakyang iyon. Hindi nag-atubiling lumulan ang kura.
Pagkaupo niya sa loob ng bus, nagtanda s'ya ng krus sa sarili. Humiling sa Diyos na makarating sila nang ligtas sa destinasyon.
Agad naman siyang pinuntahan ng konduktor para tiketan at pamasahe ay singilin.
Samantala, sa Sirang Lupa, mabuti ang pakiramdam ni Andrea. Masaya siyang naghuhugas ng pinggan pagkapananghalian.
Bago umalis ang exorcist sa bahay ng mga Narciso, binanggit nito kay Jennalisa na nabawasan ng lakas ang diyablo kahit may mga kasalanang hindi naikumpisal si Annalyn.
Ito'y ikinuwento naman ng ina sa bunsong anak.
Tunay na ikinatuwa ni Andrea ang ibinalita sa kanya.
Wala ang paslit sa ikalimang eksorsismo, kaya't hindi niya ito natunghayan. Naro'n siya sa bahay ng Inay Lourdes, katulad nu'ng ginanap ang una.
Nu'ng ikalawang eksorsismo, ang bahaging dulo lang ang kanyang inabutan.
Habang sa ikatlo at ikaapat, aksidente lang na nandoroon siya sa session.
Ang paniwala ng batang babae, nagbunga ng mabuti ang pagdarasal niya ng rosaryo, kahit puro Aba Ginoong Maria lamang ang kanyang binubuno.
Sa kanyang isip, humina ang diyablo dahil dininig ng Diyos ang kanyang dalangin.
Sa kabila ng tuwa ni Andrea, at lingid sa kanyang kaalaman, siya ay akmang pupunteryahin ng masasamang espiritu.
ITUTULOY
Ang susunod na kapitulo'y ilalabas sa Linggo, 23 Enero 2022.
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.