KAPITULO XI: ANG KASO NI ANNALYN

888 50 0
                                    

"Ito ang pusa sa Sirang Lupa at ito ang pusa sa gasolinahan," tanto ng isip ni Felix.

Dali-dali siyang pumunta sa opisina, bitbit ang kanyang mga gamit.

Pagpasok ng opisina, binuksan niya ang ilaw, at isinaradong maigi ang pinto. Tinignan din niya kung may nakabukas na bintana.

Tiniyak niyang walang mapapasukan ang pusa.

Sinilip din niya ang mga sulok, gilid, ilalim ng mesa't upuan. Sinipat din niya kung may lagusan sa kisame. Nangangamba siyang biglang sumulpot kung saan ang pusang itim.

"Aswang yun marahil," namumuong suspetsa sa isip ng pari. "Maaaring pusa ng mangkukulam."

Walang tao. Tahimik ang buong opisina. Ang maririnig lamang ay ang tunog ng kanyang paghinga.

Nang masiguradong walang sinumang naro'n, kumuha siya ng isang partikular na papel.

Gagawa si Felix ng rekord ng kaso ni Annalyn.

Itong partikular na papel ay humihingi ng mga personal na impormasyon, at pinunan naman ni Felix. Matapos niya itong sagutan, ikinabit naman niya ang mga dokumento't papeles ni Annalyn na nakuha sa mga ospital.

Si Annalyn ay dinala na sa iba't ibang pagamutan. Pinatignan siya sa Calamba Medical Center, Calamba Doctor's Hospital, First Cabuyao Hospital and Medical Center, Santa Rosa Hospital and Medical Center, Saint James Hospital sa Santa Rosa, Biñan Doctors' Hospital at Perpetual Help Medical Center sa Biñan.

Lahat ng tumingin sa dalaga, iisa lang ang kanilang natamong resulta — negatibo sa sakit sa pag-iisip si Annalyn.

Pero napag-alaman nilang 'si Annalyn ay naniniwalang may mental illness siya na anxiety,' kahit wala naman talaga.

Pagkatapos gawin ang rekord ng kaso ni Annalyn, lumipat ang pari sa tabi ng telepono. Tatawagan niya si Rowena upang sumangguni.

Nahihiwagaan si Felix sa kaso ni Annalyn, sapagkat nauna ang pahintulot ng bishop bago ang aktwal na panayam sa pasyente. Karaniwan kasing kakausapin muna niya ang pasyente at kukunsulta sa psychiatrist, bago iakyat ang kaso sa bishop para humingi ng pahintulot na bigyan ng exorcism.

Idagdag pa ang mga nakapagtatakang natunghayan sa Sirang Lupa — siraulo, kubo, naligaw ng landas at napakasalimuot ng sinuong bago nakabalik sa opisina.

Hindi rin mabuti ang pahiwatig sa kanya ng pusang itim. Ang kutob talaga niya'y sinundan siya ng nilalang na ito.

'Ang hayop na iyon ay hindi pangkaraniwang alaga sa bahay,' hinalang tumawid sa isip ni Felix.

Pumindot siya sa telepono, at nag-ring sa kabilang linya.

Sumilip ang kura sa pinunan niyang papel, binasa ang dalawang pangunahing nakasulat dito.


Pangalan ng Pasyente:   NARCISO, ANNALYN

Estado ng kaso / Petsa:   OPEN, Mayo 14 2017


Hindi tiwala ang kura sa kawalan ng reaksyon ni Annalyn sa simpleng blessing.

Tuso ang demonyo. Mayroon talagang pagkakataong nagtatago ito sa umpisa para makaiwas sa posibleng exorcism.

"Mapanlinlang si Satanas," madalas na paalala ni Felix tuwing homiliya sa mga nagsisimba.

Biglang mayroong boses ng babae na sumagot sa kabilang linya. Nauna itong magsalita, bago pa makapagpakilala ang pari.

"Father Felix," bungad ng babae. "Kagabi ko pa nararamdamang tatawag ka."



ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon