KAPITULO LXIV: UNDAS

550 21 1
                                    

Tangay nina Angel at Ann ang luma't laspag na Mitsubishi Adventure.

Bumibiyahe sila papuntang Padre Pio Shrine sa bayan ng Santo Tomas, probinsya ng Batangas.

"Ang galing mo! Pinayagan ka agad-agad!" bilib na bilib si Ann sa nakakatandang kapatid. "Anlakas mo mambudol! Hahahaha!"

"Ako pa ba ang hindi mapagbigyan??" iniyabang ng panganay.

Ang binanggit ni Angel kay Jennalisa ay napakainam na paraan. Matuturing na diskarteng mahusay upang manipulahin ang kapwa.

'Gamitin ang ngalan ng Diyos o anumang
may kaugnayan sa Diyos upang makamit
ang hangarin,' ito ang sandatang mapanlinlang na tangan ni Angel nang makipag-usap sa ina.

Napaniwala si Jennalisa na mabuti ang gagawin ng anak, kaya't agad siyang pumayag ipahiram ang sasakyan.

Wala siyang kamalay-malay na gusto lang nitong gumala.

Pagdating ng magkapatid sa Padre Pio Shrine, kumuha sila agad ng litrato bilang patunay na pinuntahan nga ang lugar na iyon, sakaling mag-usisa ang kanilang nanay.

Hindi sila nagsimba.

Walang kandilang itinirik ang magkapatid.

Pagkatapos makuhanan ng litrato, dagli silang umalis para humanap ng mabibilhan ng kape.

Ayon kina Angel at Ann, sila ay mga coffee-lover, kahit ang alam lang naman nilang inumin ay iced coffee ng McDo at frappuccino ng Starbucks.

Ignorante silang pareho sa kapeng barako ng Batangas.

At bumili nga ang magkapatid. Habang gumagala lulan ng lumang kotse, may tig-isa silang kapeng nanlalamig at walang tapang.

Binagtas nila ang mahabang highway ng Batangas, hanggang tumawid pabalik sa lalawigan ng Laguna, sumapit sa Alaminos at San Pablo.

Ginugol nila ang maghapon sa walang kabuluhang paglilibot. Sinuong ang sobrang bigat na daloy ng trapik sa iba't ibang bayan, sapagkat dagsa ang mga tao sa kalsada — mga dadalaw sa yumao.

At nang sila'y nasa Calamba nang muli, sinadya nila ang Dampa.

Du'n ay nagpaluto sila ng alimango, hipon, baked tahong at tinausihang pompano para ipasalubong at pagsaluhan sa bahay.

Malapit nang mag-ikaanim ng gabi nang makauwi sina Angel at Ann.

Tuwang-tuwa si Jennalisa nang makita't malanghap ang pagkain mula Dampa.

Maski si Andrea, napangiti rin kahit may iniindang sakit sa balat.

Habang kanilang hinahapunan ang pasalubong na pinaluto sa Dampa, kumatok sa kanilang pinto si Jon Ronald upang maghatid ng isang plato ng iba't ibang ulam mula sa bahay ng Inay Lourdes.

Si Ann ang humarap sa pinsan para tanggapin ang iaabot na pagkain mula sa handaan.

"Tara sa bahay ni Inay," anyaya ni Jon Ronald.

"Aba, sige," nagpaunlak agad-agad ang dalagang pinsan.

"Ate Angel, sunod ka na lang sa kabila!" pasigaw na sabi ni Ann. Hindi niya tinapos ang hapunan kahit may laman pa ang kanyang pinggan.

Nalungkot sina Jennalisa at Andrea, gayundin si Angel.

Ngunit hindi nagtagal, lumipat ang panganay sa bahay ni Inay Lourdes.

Dinatnan niyang tinitimpla ni Jon Ronald ang yakult, sprite, at soju.

Kaharap nitong abalang pinsan sina Diozel, Ann at Jopay.

Pagkalipas ng ilang sandali, silang apat ay nagsimulang mag-inom.

Nang maubos nila ang tinimplang nakakalasing, naglabas si Jon Ronald ng Emperador coffee brandy.

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon