Takang-taka si Jennalisa. "Anong nangyari? Bakit ka po narito, Padre?"
Nagpaliwanag si Felix sa babaeng nasa pinto at kadarating lang.
"Sinumpong sandali si Annalyn. Hindi naman siya nagwala. Kung ano-ano lang ang sinabi sa akin ng espiritung sumapi sa kanya. Pero hindi naman 'yun bago. Walang dapat ikabahala."
Hindi binanggit ng pari ang ipinahayag na tatlong taon mula sa tagpong iyon, mamamatay si Marites. Ayaw niyang mag-alala ang pamilya't ibang mga kamag-anak.
Unang-una, tanging Diyos lamang ang nakakaalam kung kailan darating ang kamatayan ng isang tao.
Pangalawa, hindi dapat paniwalaan ang diyablo, sapagkat sinungaling ito, mapanlinlang.
Subalit batid ni Felix na kapag nagbubunyag ang demonyo ng mga bagay na hindi pa nangyayari, mayroong mga pagkakataong nagkakatotoo ito.
Hindi malinaw kung si Satanas at mga kampon nito ay may kapangyarihang sumilip sa mga bagay na hindi pa nagaganap, o sadyang nailahad na ito sa kanila kaya't kanilang nalalaman.
Hindi ipinahalata ng pari, ngunit tunay siyang dinagukan sa dibdib ng sinabing ito ng diyablo— "Hindi siya pupunta sa Paraiso, sisiguraduhin namin, ni hindi sisilip si Marites sa purgatoryo."
Sapagkat ang pinakamasaklap na trahedya sa lahat ay ang mawalay sa Diyos at itapon ang kaluluwa sa impyerno.
"Anong amoy yun?" mayro'ng nalanghap si Jennalisa. "May nasusunog?"
"Asupre," sagot ng kura.
Lalong nagtaka ang babae.
"Mawawala rin marahil mamaya ang amoy. Napuna ko rin ito sa kotse bago ako pumasok dito sa inyong bahay. May amoy asupre bago sinumpong si Annalyn."
Bumaling siyang saglit sa dalagang nasa kusina. Bangag na bangag pa rin ito. Tila wala sa sarili.
"Minsan, ang amoy ng asupre ay pahiwatig na may nagbabadyang masamang espiritu," dugtong ng exorcist.
Pinuntahan ni Jennalisa si Annalyn upang tignan kung maayos ba ang lagay nito, ngunit umiwas ang dalaga sa ina. Tumayo itong bigla at pumasok sa kuwarto.
Napahiya ang nanay.
Kaya't nagsalita agad si Felix para huwag ipahalatang nasaksihan niya ang pangyayari. Sinabi niya kung bakit siya pumaroon sa mga Narciso. "Kailangan kitang makausap, Jennalisa."
Lumipat sila sa silid ng mag-asawa kung saan nakaratay si Vic, dahil ang pag-uusapan ay may kinalaman sa kabiyak na maysakit.
Sinundan sila ni Andrea.
Iniwan nilang bukas ang pinto ng silid, at sa gilid nito pumwesto ang bunsong anak. Nakatayo ang bata, mulat ang mata at nakikinig nang maigi sa kanilang bawat salita.
Sa loob ng kuwarto, nasa magkabilang panig ng kama sina Felix at Jennalisa. Kapwa nakaluklok sa silya, napaggitnaan nila si Vic na nakahiga't hindi makagalaw.
Hindi sinasadyang nasilip ng kura ang baku-bakong kaliwang braso ng paralisadong tatay. Maraming bakas ng butas na pinagtutusukan ng malalaking karayom at pinagtutubuhan tuwing dialysis.
"Tungkol ito sa kalagayan ni Vic," pasimula ng pari. "Dumating sa opisina ang liham na naglalaman ng rekomendasyon ng mga doktor."
"Sabi sa sulat," patuloy niya. "Walang stroke si Vic, at hindi matukoy ang kanyang sakit."
Idinagdag pa niyang ang mga espesyalistang doktor na ito ay nahihingan na nuon ng opinyon ng ibang mga exorcist.
At nababatid nilang mayroong mga pambihirang kaso kung saan walang sapat na tulong-medikal ang makakapagpalaya sa pasyente mula sa dusa't sakit na dulot ng maruruming espiritu.
Alam nila ang hirap na dinaranas ng mga pasyenteng hindi malaman kung ano ang karamdaman.
"Kung susuriin," dugtong ng exorcist. "Dumapo itong di matukoy na sakit kay Vic kasabay ng mga unang sumpong ni Annalyn. Kaya't humantong ako sa konklusyong kinulam nga siya."
"Ang tamang hakbang ay bigyan siya ng mga partikular na panalangin ng exorcism para sirain ang bisa ng kulam. Kaya lang, sinabi rin sa liham na sobrang bumagsak ang kanyang kalusugan. Ang rekomendasyon ng mga doktor ay huwag bigyan ng exorcism o anumang ritwal na katulad nito."
"Hindi natin alam ang magiging reaksyon ng katawan ni Vic sakaling bigyan siya ng eksorsismo," paliwanag ng pari. "Alam nating bayolente minsan ang epekto nito. Baka di niya kayanin."
Nalungkot si Jennalisa sa narinig.
Nang kausapin siya ni Felix tungkol rito, pagkatapos ng ikalawang exorcism nuong Hunyo 24, nabanggit sa kanya na mayroong mga panalangin ng exorcism na binabasag ang bisa ng kulam na nagpapahirap sa biktima.
Umasa tuloy itong maybahay na matutulungan ang kanyang asawa.
Bilang bawi, sinabi ni Felix kay Jennalisa na itutuloy pa rin ang eksorsismo sa dalagang anak.
"Baka sakali, himalang umigi ang kalagayan ni Vic kapag napalayas ang sumasapi kay Annalyn," pampalubag-loob ng pari.
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.