KAPITULO IX: PUSANG LIGAW

952 47 0
                                    

Naiwan sa silid ang mag-amang Vic at Annalyn.

Nakaratay ang tatay, habang nasa upuang malapit sa kanyang tabi ang anak na dalaga.

Uuwi si Felix na natunghayang si Annalyn ay walang reaksyon sa tinanggap na simpleng blessing.

Kasabay ng pari na lumabas ng bahay si Andrea. Ihahatid siya nito sa tarangkahan. Kasunod naman nila si Jennalisa.

Tumanaw ulit ang kura sa matandang kubo sa dakong gitna ng bukid.

Itong kubo ay may taglay na di maipaliwanag na karimlan. Sa biglang tingin, ito wari'y abandonado't minumulto, pinabayaan at tinitirhan ng mga nilalang na kagimbal-gimbal.

Bumaling si Felix kay Andrea. Diretso lamang ang tingin ng bata.

Nahalata ng pari na umiiwas itong tumingin sa gawi ng kubo.

Bago sumapit sa tarangkahan, namataan naman ng kura ang pusang itim na nakatuntong sa bakod. Nakatitig itong hayop sa kanila, parang nagmamatyag, binabantayan ang kanilang bawat kilos.

"Hindi po amin ang pusang 'yan," biglang paliwanag ng batang babae kahit hindi naman nagtanong si Felix. "Napadpad lang po 'yan dito."

Marahang lumabas ng tarangkahan ang pari, nag-iingat sapagkat nangangambang makaharap na naman ang Raul na palaboy. Pero wala na ito, kaya't tiwasay na nakatapak sa labas si Felix.

Nakailang hakbang pa lang siya nang matanaw sa malayo si Raul. Nakatayo ito, walang kagalaw-galaw, nanlilisik ang mga mata, nakatitig kay Felix.

Natigilan ang pari.

At sa isang dagling kurap, naglaho ang palaboy.

Namalik-mata lang pala ang kura. Nakahinga siya nang maluwag.

Nagsalita ang nanay na si Jennalisa.

"Maraming salamat po, Padre," taos-pusong pabatid nito. "Ingat po."

Tumango ang kura, at nagtungo sa kanyang sedan. Naramdaman niyang may mga matang nagmamatyag sa kanya bukod sa pusang nasa bakod.

Nadagdagan ang mga kapitbahay na nag-uusyoso. Patay-malisya silang sumisilip-silip, inaabangan ang paglabas ng bumisita sa mga Narciso.

Hindi sila tinignan o binilang ni Felix. Kumaway lang siyang mabilis sa mag-inang naghatid sa kanya sa tarangkahan, at sumakay agad sa kotse.

Umugong ang makina, at nagmaneho palayo si Felix. Kanyang muling binagtas ang Don Bosco Street.

Iwas-tingin sina Jennalisa at Andrea sa mga kapitbahay, at magkasamang binalikan ang mag-amang naiwan.

Nang sila'y makaalis, lumundag ang pusang itim pababa ng bakod, at gumalaw sa direksyong tinahak ng pari.

ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon