KAPITULO XXI: PAGHUHUGAS AT PAGLILINIS

756 38 0
                                    

Tumatak sa gunita ng kura ang pangyayaring sumuka ang sinasapian.

Kitang-kita ng kanyang mga mata ang ibinugang likido mula sa bunganga nito.

"Minsan kailangang isuka ang masamang nakain para gumaling ang karamdaman at guminhawa ang pakiramdam," tumawid sa isip ng exorcist habang nagpapahinga't nagninilay mula sa matinding pagtutuos nila ng diyablo.

Nakaluklok si Felix sa isang mababang bangkito sa labas ng tinitirhan nina Andrea, pinagmamasdan ang luntiang paligid at bukid.

Nagsipag-uwian na ang mga kamag-anak na Narciso.

"Natutulog na si Annalyn sa kuwarto," sabi ni Jennalisa sa kanila, kahit hindi ito totoo. Ang tunay niyang ibig sabihin ay nasa kama ang dalagang anak — nakahiga, mulat at tulala sa kawalan.

Sa loob ng bahay, abalang naglilinis ang nanay at ang bunsong anak. Sinasabon, binabanlawan at nilalampaso ang sahig upang tanggalin ang masamang amoy.

Pinawi muna nila ang suka ni Annalyn gamit ang basang basahan, at paulit-ulit nilang pinunasan hanggang wala nang naiwan.

Inalok sila ni Felix na tulungang maglinis ng pinagsukahan, subalit tinanggihan nila ito. Hiyang-hiya ang nanay na paglinisin ang panauhing pari.

Ayaw na ayaw pa man din ni Andrea ang gawaing maglinis, kaya lang walang magawa ang bata kundi gawin ito. Hindi siya nagreklamo. Tahimik lang na gumawa.

Lingid sa kanyang kaalaman, hindi pa siya tapos pahirapan ng natunghayang pagsusuka ng nakatatandang kapatid.

Takang-taka si Andrea kung paano nangyaring ang ikinalat ng kanyang Ate Ann ay kasingdami ng isang timba, kahit halos wala naman itong kinakain at iniinom araw-araw.

"Ayaw nila akong pakainin!! Ayaw nila akong pakainin!!" Ito ang ipinagsisigawan ni Annalyn nuong nag-uumpisa pa lang siyang sumpungin, anim na buwan na'ng nakalipas. Isinusuka niya kahit anong lunuking pagkain.

"Sinong sila? Sino'ng? Ann—?" ang tanging naitugon nilang tanong.

Kaylaking hiwaga rin sa bunsong kapatid kung paano nangyaring ang isinuka ng kanyang Ate Ann ay parang pinaghalong sabaw na panis, laway at katas ng kaning-baboy.

Sobrang tindi ng kapit ng amoy-masangsang sa loob ng kanilang pamamahay.

Pinili na lang ng bata na huwag umangal at huwag huminga sa ilong, at kanya na lamang tapat na ginawa ang dapat gawin.

Mula sa kinauupuan, naririnig ni Felix ang pagtitiyaga at paglalampaso ni Andrea.

"Sa purgatoryo, hinuhugasan at nililinis ang kaluluwa ng mga makasalanan, bago papasukin sa langit," nabanggit ng pari sa sarili.

Wala pang alas nuwebe ng umaga sa mga sandaling iyon, kaya't naisipan ng kura na pagkatapos maglinis ni Jennalisa, kakausapin niya ito tungkol sa mga karamdaman ng asawa, at ang posibilidad ng kulam.

ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon