Para kay Felix, ang ikalimang eksorsismo ni Annalyn ay napugtong pagtutuos.
Naputol.
Naudlot.
Itutuloy sa ibang petsa.
Ngunit para sa diyablo, hindi natatapos ang pagtutuos. Tuloy-tuloy itong binubuno ng demonyo.
Walang putol.
Hindi humihinto.
Isang napakahabang sagupaan, matutuldukan lamang sa katapusan ng mundo, sa huling paghuhukom.
Para sa mga diyablo, magkakarugtong ang bawat eksorsismo at ang dumaang mga oras sa pagitan ng mga ito'y katumbas ng wari isang kurap lamang.
Ang mga espiritu — anghel, demonyo — ay hindi apektado ng paglipas ng oras at panahon.
Sapagkat sila ay nasa estado ng 'walang hanggang kasalukuyan'.
Walang kahapon at walang bukas.
Mayroon lamang 'ngayon'.
Halimbawa nito'y ang karaniwang nangyayari — isang batang babae ay kinaibigan ng engkanto, at sila nga'y naging magkalaro, subalit nang tumagal, nawalan ng interes ang paslit.
Nabalewala ang kalarong engkanto, at ito'y naglaho.
Ang engkanto ay espiritwal na nilalang kagaya ng duwende, elemento at diwata.
Nang lumaon, tumuntong ang batang babae sa hustong gulang.
Pagsapit sa kanyang 40's, siya'y isang ginang na, nagpakitang muli ang engkanto at nagpapakilalang ito ang nakipagkaibigan sa kanya nu'ng siya'y musmos pa lamang.
Sa gunita ng babae, mahigit tatlong dekada ang lumipas buhat nang kaibiganin siya nitong espiritwal na nilalang.
Subalit para sa engkanto, tila isang iglap lang ang lahat.
Masasabi rin na silang mga espiritung nilalang ay hindi nagbabago — kung ano sila sa simula, ganoon pa rin sila sa huli.
Hindi tulad ng tao — dumadaan sa pagkabata, tumatanda't nag-iiba ang mga katangian sa paglipas ng mga taon.
Ang diyablo ay sukdulang kabuktutan buhat nang una siyang sumuway sa Diyos hanggang ngayon sa kasalukuyan — gayundin bukas, hanggang ang lahat ay magwakas.
At alam na alam ito ni Felix.
Kasagsagan ng tanghali, habang nasa bus pauwi ang pari, hindi niya mapigilang isipin at balik-balikan ang mga binanggit na lagusan ni Annalyn.
Ang buong akala niya'y occult — tarot at ouija — ang siyang nilagusan. Mali ang kanyang hinala.
"Dumaan ang diyablo sa bunganga ni Annalyn," wika ni Felix sa isip. "Na tumuloy sa pitong lagusan."
Siete puertas de la puta, ika nga.
"Sugapa sa alak... Malandi... Sinungaling... Hudas... Bukambibig ang diyablo."
Nababahala si Felix. "Mabibigat na kasalanan ang mga 'yon. Ano ang dalawang kulang?"
Ang makasalanang pamumuhay ay tunay na umaakit sa diyablo para lumapit at ligaligin ang tao.
Ito ay isang imbitasyon para sa kanila.
Higit na lumalalim ang kapit nila kung ang tao'y walang intensyon tumalikod sa kasalanan.
Nahumaling sa kasalanan, ika nga. Kusa nang nagpaalipin sa masasamang gawa. Nagpagapos nang lubos sa mga makamundong bisyo, makasariling hangarin at kalayawan.
Kapag ang tao'y lalo pang tumagal sa makasalanang pamumuhay, maaaring mapako na siya sa ganoong sitwasyon at manahan na sa kanya ang diyablo habambuhay.
Batid din ni Felix na kapag hango sa Bibliya ang pangalan ng demonyo, kagaya ng Beelzebub, maituturing itong 'bigatin' o sadyang napakahirap palayasin.
Kaya't napakalaking palaisipan para kay Felix kung paanong humina ang diyablo, kung hindi pa rin nagpunta sa sakramento ng kumpisal si Annalyn. Naisiwalat pa nga diyablo ang mga kasalanan niya.
Naobserbahan ng exorcist na natatalo ang diyablo kahit hindi tinupad ni Annalyn ang espiritwal na gawain.
At gumugulo sa isip ni Felix ang binanggit na isinugo ng Birheng Maria kay Annalyn ang diyablo.
"Napakahirap paniwalaan!" sambit ng kura, sapagkat nababatid niyang may mga santong pinahintulutan ng Diyos na pahirapan ng diyablo upang sila'y maging ganap na banal. Ngunit ito'y mga kasong bihirang-bihira.
Ilang saglit pa'y biglang nakaamoy ang kura ng usok.
Kinabahan siya.
"Amoy hinang," narinig niya mula sa driver ng bus.
"Amoy-welding," umayon naman ang konduktor.
Hindi kumibo si Felix. Nag-abang siya ng amoy-asupre.
At hindi siya nagkamali.
Ngunit saglit na saglit lang, tumirik ang bus sa gitna ng SLEX, at umusok ang makina.
BOOM!!
Bumangga sa hulihan ng bus ang mga kasunod na sasakyan.
Parang bombang sumabog ang pagsalpok.
Nayanig ang lahat ng pasahero. Ang iba sa kanila'y nalaglag sa upuan, sumubsob paunahan.
Nauntog si Felix sa likod ng upuang nasa harap niya.
Lahat ng pasahero ay natuliro.
Nang mahimasmasan si Felix, tumingin siya sa palibot at nakita niyang maitim ang usok na lumalabas mula sa makina ng bus.
At sa usok nito naaninag niya ang mukha ng demonyo.
Nagulat ang exorcist, pero hindi siya nagtaka.
Sapagkat para sa diyablo, hindi natatapos ang kanilang pagtutuos.
At ang diyablo ay nilalang na hinding-hindi magpapatalo.
ITUTULOY
Ang susunod na kapitulo ay ilalabas sa Linggo, 16 Enero 2022.
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.