KAPITULO V: DUMAYO SA SIRANG LUPA

1.2K 57 7
                                    

Hindi mabuti ang pakiramdam ng tiyan ni Felix habang nagmamaneho ng kanyang itim na sedan. Tila siya ay sinisikmura na hindi niya maintindihan. Nakatatlong balik siya sa banyo para dumumi, kahit ang kinain lang naman niya sa almusal ay kape't pandesal.

"Ako kasi'y bibisita sa isang hinihinalang sinasapian," ang tanging dahilan na naiisip ni Felix kaya sinasamaan siya ng tiyan.

Lulan ng kanyang kotse sa umagang iyon, mag-isa siyang bumiyahe mula Barangay Mayapa patungo sa lugar na tinatawag na Sirang Lupa.

Ang Sirang Lupa ay isa sa maraming barangay ng Calamba, Laguna.

Ang inaasahan ni Felix ay sira-sira't malubak na lansangan dahil sa pangalan ng lugar, subalit hindi gano'n ang nagisnan — sementado, buo't makinis ang kahabaan ng Don Bosco Street.

Disente ang mga kabahayan. Maespasyo ang kanilang mga bakuran, at napakaraming tanim na puno't halaman, pati na rin gulay. Mayroong alagang mga hayop na madalas lamang matatagpuan sa bukirin, gaya ng kambing at manok. Ang Sirang Lupa wari ay may hitsurang 'baryo' o 'nayon' o 'probinsya' kahit pa ito'y nakalagak sa siyudad ng Calamba.

Nuong kapanahunan ng mga Kastila — mga panahon na si Jose Rizal ay musmos pa lamang na lumalaki sa Calamba — ang Sirang Lupa ay nag-umpisa sa pangalang 'Kabiserang Lupa'. Nang lumao'y pinaiksi, at tinawag itong 'Serang Lupa, at nang lumipas pa ang halos kalahating siglo ay naging Sirang Lupa.

"Sinasapian nga kaya siya? Nasisiraan ng bait? Sakit sa pag-iisip? Mental illness? Anxiety? Depression? Posibleng guniguni o gutom lang?" Lahat ng katanungang ito'y tumatakbo sa utak ng kura.

Malinaw ang utos sa kanya ng Arsobispo — hawakan ang kaso ni Annalyn Narciso. Sapagkat ang Obispo ng San Pablo ay walang mahagilap na pari na marunong maghawak ng hinihinalang kaso ng 'sapi'.

Tumawag sa telepono ang Obispo ng San Pablo kay Felix upang mag-abisong kailangan nito ang tulong niya at pumayag na ang arsobispo. Habang tumawag naman ang Arsobispo ng Maynila kay Felix upang utusan siyang tanggapin ang kaso ng babaeng pinagsususpetsahang biktima ng 'sapi' sa Laguna — sapagkat hindi siya maaaring tumanggap ng kaso nang walang pahintulot ng kanyang Arsobispo.

Nuong nagdaang gabi, habang kasabay maghapunan si Father Tony, ikinuwento ni Felix ang pangyayaring pinuntahan siya sa sakristiya ni Andrea at tinawagan siya ng obispo ng San Pablo.

"Lumapit sa akin nu'ng nakaraang buwan ang nagpakilalang Jennalisa," lahad ni Tony. "Kasama n'ya 'yung anak na si Andrea. Humihingi ng tulong ang ina dahil nag-aalala na silang baka sinasapian ang anak na dalaga — 'yun ngang Annalyn."

"Sabi ko sa ina," patuloy niya. "Wala akong karanasan sa mga ganyang sapi-sapi. At wala akong kilalang pari na maalam sa ganyan dito sa Laguna."

"Pero inakyat ko pa rin kay bishop ang problema nila at nagkataon namang dumalo ka sa pagpupulong dito sa Calamba," sabi ni Tony kay Felix. "Kaya nasaktuhan ka ni bishop. Ipinagpaalam ka ba niya agad kay Archbishop?"

"Oo, ako ang hahawak ng kaso," tumango si Felix. Unti-unting naliliwanagan na siya sa mga naganap.

Hindi pa rin makapaniwala si Felix na nagkausap ang Obispo ng San Pablo at Arsobispo ng Maynila — at kanilang agarang napagkasunduan ang mga bagay. Idagdag pang nauna siyang lapitan ni Andrea kahapon ng umaga. Parang mayroong kamay na gumagalaw, nagtutulak at nagdudugtong sa mga pangyayari. Naisip ng kura na ito'y kanyang lalong aalamin at titignan nang masinsin.

Ilang minuto bago sumapit ang alas nuwebe ng umaga, humantong si Felix sa address na ibinigay sa kanya. Huminto siya sa gilid ng kalsada, malapit sa kinakalawang na tarangkahang rehas.

Humupa na rin sa wakas ang pananakit ng kanyang tiyan.

Umibis ng sinasakyang kotse si Felix, at napansin niyang tinitignan siya ng mangilan-ngilang kapitbahay — dalagita sa tindahan, manong na humihimas ng tandang na panabong at nanay na may kalong na sanggol.

Batid ng pari na tukoy nila agad na siya ay isang dayo.

Humakbang siya papunta sa harang na rehas, at tumanaw sa malawak na bakuran. Nahagip ng kanyang tingin ang isang pamilyar na mukha — si Andrea.

Nakaupo ang batang babae sa isang bangkito, hitsurang sadsad sa kalungkutan at tulalang parang natuka ng ahas, subalit dagliang nabuhayan ng pag-asa nang makita ang kura.


ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon