KAPITULO XXXVIII: SAKLOLO

643 30 0
                                    

Hawak ni Felix ang manibela ng minamanehong sedan sa kahabaan ng South Luzon Expressway.

Magaan ang tapak niya sa silinyador, nagpapatangay lamang sa agos ng trapiko. Hinahayaang paunahin ang ibang nagmamadaling mga sasakyan.

Ang araw na iyon ay Lunes, itinakda't nakalaan para sa pamamahinga ng pari.

Nagdiwang si Felix ng isang misa sa umaga. Pagkaraos nito'y bakante ang kanyang buong maghapon.

Walang anumang meeting, trabaho o gawain.

May rest day o day off din ang pari.

Malayang gawin kahit ano.

'Walang pasok,' ika nga ng mga estudyante.

Lumabas si Felix ilang minuto pagkalipas ng alas dos, katirikan pa ng tanghali, maneho ang kanyang itim na kotse, pero siya'y walang pupuntahan.

Walang tiyak na sasadyain.

Habang kanyang iniumang ang sedan sa lansangan, ang laman ng kanyang muni-muni ay ang kaso ni Annalyn at ang kalagayan ng ama nitong maysakit.

Kaya't inagos siya ng kanyang pag-iisip patungong timog, sa direksyong kinaroroonan ng Sirang Lupa.

Kinabig ni Felix ang manibela papuntang southbound lane ng EDSA, at tinalunton ito hanggang tumuloy sa SLEX.

"Saan ba ito patungo?" tanong niya sa sarili. "Ano bang kahahantungan ng lahat ng ito?"

Ang tinutukoy niya ay ang kaso ng dalagang Narciso. Sapagkat ito'y parang paglalakbay na walang patutunguhan.

Umaga ng Lunes na iyon, dumating ang mga liham na naglalaman ng rekomendasyon ng mga doktor tungkol sa sitwasyon ni Vic.

Halos dalawang buwan na ang nakakaraan, kumunsulta si Felix sa mga espesyalista mula sa iba't ibang ospital — Amang Rodriguez Memorial Medical Center sa Marikina, Santa Ana Hospital sa Maynila, Dr Jose N Rodriguez Memorial Hospital sa Caloocan, at Fe Del Mundo Medical Center sa Quezon City.

Ilang ulit bumisita ang kura sa kanila. Pinatignan ang mga resulta ng pagsusuri kay Vic mula sa pagpapagamot nito.

Itong mga kopya ng resulta mula sa pagpapagamot ay hiningi ni Felix kay Jennalisa nang matapos ang ikalawang exorcism nuong Hunyo 24.

Ang opinyon ng mga espesyalistang doktor sa kalagayan ni Vic ay iisa. "Wala siyang stroke, at hindi matukoy ang tunay niyang sakit."

Dahil dito'y tumibay ang paniwala ni Felix na kinulam nga ang tatay na Narciso.

Subalit may karugtong na rekomendasyon ang mga espesyalista. "Mahinang-mahina ang katawan ni Victor Narciso. Bumagsak nang husto ang kalusugan. Hindi ito mabuti. Huwag bigyan ng exorcism o anumang ritwal na katulad nito."

Alam na alam ni Felix, dokumentado't naiulat sa balita, mayroon nang namatay sa exorcism.

Kaya't sobrang nag-iingat ang mga katulad niyang exorcist. Inaalam nilang maigi, at binabantayan ang kalusugan ng tao — bago, habang at pagkatapos ng session.

Sa kaso ni Annalyn na bente dos anyos at walang sakit, madaling desisyunan na pagkalooban ng exorcism.

Pero kay Vic na mayroong malubhang karamdaman dulot ng hinihinalang kulam, mahirap pagpasyahan. Isaalang-alang pa ang sakit nito sa bato, altapresyon, atake sa puso at sepsis.

Baka ang tangkang sirain ang bisa ng kulam ay siya pang maging sanhi ng biglaang pagkamatay.

Hindi alam ni Felix kung paano ito sasabihin sa mag-asawang Narciso. Kailangan nila itong malaman.

"Tulungan N'yo po ako," dalangin ng pari sa langit. "Saklolo."

Habang kanyang tinatahak ang kahabaan ng landas patungong timog, paulit-ulit niyang sinasambit— "Magwika ka Panginoon, ang iyong lingkod ay nakikinig."

Biglang sumagi sa isip niya ang isang simbahan, Our Mother Of Perpetual Help Parish.

Ito'y nasa Santa Rosa, at kaibigan niya ang parish priest nito, si Father Edwin.

Ilang minuto lang din ang layo ng parokyang ito sa Santa Rosa Hospital and Medical Center — pagamutan kung saan nagtatrabaho si Jennalisa.

Si Felix ay nasa dakong Muntinlupa nang maisipang dalawin ang kaibigang pari para humingi ng payo.

Kaya't tinuloy-tuloy n'ya ang pagmamaneho hanggang sumapit siya sa Santa Rosa Exit.

Paglampas niya sa tollgate, ang tinumbok niya ay nagsangang daang hugis 'T'.

Ang kalsadang pakaliwa ay papunta sa ospital na pinapasukan ni Jennalisa, habang ang pakanan naman ay patungong Our Mother Of Perpetual Help Parish.

Kumanan ang sinasakyang sedan ng kura. Kanyang tinalunton ang lansangang iyon.

Dumating si Felix sa isang nagkrus na kalsada. Huminto siya sapagkat pula ang isinesenyas ng stoplight.

Tumanaw siyang bahagya sa kanan, at nasilayan ang isang binibining nakatayo sa bangketa, nasa lilim ng mayabong na punongkahoy.

Kaakit-akit ang mukha ng babae. Umaagos na itim ang mahabang buhok. Nakaunipormeng kulay rosas, seksi't namumutok sa laki ang hinaharap.

Minamasdan niya ang kagandahan ng dilag habang hinihintay magpalit ng kulay ang senyas. Hindi sinasadya, tinigasang bigla ang pari nang masulyapan ang masaganang dibdib.

Bumaling ang binibini sa kanya.

Nagtagpo ang kanilang mga tingin.

Napahiya't kinabahan ang pari dahil akala'y nahuli siyang sa dibdib sumisilay.

Ngunit mahinhing ngumiti ang babae kay Felix na parang sila'y matagal nang magkakilala.

Sa isang iglap, ang puso ng pari ay nabihag. Nabighani sa binibini. Lubhang nahumaling.

Nawala ang isip sa iniintinding kaso ng maysapi.

Umarangkada ang mga sasakyang nakatigil dahil ang pula'y pinaltan na ng berde, at sumabay na rin umandar ang kotse ni Felix.

Ayaw pa niyang bumitaw ng tingin, ngunit kailangan. Lumiko ang pari pakaliwa sa nagkrus na kalsada.

Sinundan siya ng tanaw ng binibining ngumiti sa kanya.

Kumurot sa puso ng kura ang napugtong pagkakataong pinagsaluhan nila ng magandang babae.

Ilang sandali lang, nakarating siya sa parokyang pinagsisilbihan ni Father Edwin.

Nagpakilala't nagtanong si Felix sa mga tauhan ng simbahan, at natuklasang umalis pala ang kanyang pakay.

Nadismaya siya nang kaunti, ngunit naunawaang bumisita siya nang hindi inaasahan at walang abiso.

Sa di kalayuan, mayroong tatlong dalagang nagbubungisngisan, at ang kanilang pinag-uusapa'y mga nilalanding lalaki.

"Wala ho sanang landas na magk-krus," sabi ng isa sa kanila.

Naulinigan ito ni Felix.

At sa pagkakataong iyon, napagtanto niya ang dapat gawin, kahit hindi niya nakausap at nahingan ng payo ang pakay na pari.


ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon