KAPITULO VI: MATANDANG KUBO

1.1K 52 0
                                    

Nagulantang si Felix nang biglang may isang lalaki na lumapit sa kanya at binulyawan siya sa mukha.

"AKO RAULO?! AKO RAULO?! PUTANG'NAMO!! SINO RAULO?!"

Dugyot at napopoot itong sumisigaw na lalaki, at mabalasik ang mga mata nito. At matindi ang amoy-putok. Hindi maipagkakailang palaboy, at hindi napapaliguan. Tila baliw ang tao na ito.

Kinabahan si Felix dahil ang lalaki ay wari mag-aamok. Ang anyo nito'y nakaambang gumawa ng marahas, huramentado, magwawala na lamang basta.

"PADREEEEEEEEEEEE!!! SINO RAULO?!! SABIHIN MO, TANGINA MO!!" sumigaw itong muli, pagkatapos ay dumura sa paanan ng pari.

Lalong nagulantang si Felix. "Pa'no niya nalaman na pari ako?"

Naalala niyang ang suot nga pala niya ay polo, black slacks at kuwerong sapatos. Nakasabit din sa kanyang leeg ay kuwintas na may krus — nakalahad ito sa dibdib ng kura.

"KILALA KITA!! Alam ko kung SINO KA!! Alam ko kung ANO KAAAA!!!" pinandidilatan ng lalaki si Felix habang sinasabi ito. "Ekksoooorsissssttkaaaaaaaa!!!"

Kumarimot ng takbo si Andrea sa tarangkahang rehas, at binuksan agad ito.

"Padre Felix," sabi ng bata. "Tara na po sa loob!"

Nagmadaling tumuloy ang naiskandalong pari, at isinara ni Andrea ang tarangkahan.

Takang-taka ang kura sa palaboy na parang nabubuwang. Iniwan nila itong mura pa rin nang mura.

"Kilala mo ang lalaking iyon?" tanong ni Felix kay Andrea.

"Hindi po, pero Raul po ang tawag sa kanya ng mga tao."

Tumanaw pabalik ang pari sa tarangkahan, at naro'n pa rin ang lalaki. Nakatitig ito sa kura, nanlilisik mga mata, bubulong-bulong ng kung anu-anong mura.

Nu'ng dumating si Felix, si Raul ay nakahandusay sa gilid ng kalsada at katabi ng bakod na pader. Sadyang nanlilimahid. Napagkamalan tuloy ng kura na sako ito ng basura.

Nasaksihan ng mga nakamasid na kapitbahay ang nangyari. Maya-maya ay ikukuwento nila sa mga kasama nila sa bahay ang natunghayan, at idadaldal sa ibang tao sa ibang pagkakataon. Sapagkat usap-usapan sa Sirang Lupa ang dalagang anak nina Victor at Jennalisa — kawawang tampulan ng tsismis.

Umiikot ang kuro-kuro na 'may sayad' si Annalyn, at parito't paruon ang palitan ng haka-haka na 'may sapi' rin daw ito.

Idagdag pang kakalat sa Sirang Lupa na mayroong lalaking dumalaw sa bahay ni Mang Vic. Posibleng doktor ito ng maysakit sa pag-iisip. Posibleng pari, ayon kay Raul na tumawag ng 'Padre' kay Felix. Depende sa nais paniwalaan.

Hindi naman talaga Raul ang pangalan ng lalaki. Bukambibig kasi nito ang 'Raulo' kaya't binigyan siya ng bansag na halos-katulad ng kanyang palaging sambit.

Sumulyap si Felix sa kaliwa't kanan. Luntian ang paligid. Malawak ang bakuran. Maraming punongkahoy at halaman. Mayroong malaking punong mangga at ito ay hitik na hitik sa bunga.

Sa dakong gitna, naro'n ay isang matandang kubo na niluma na ng panahon.

'Matandang kubo sa bukid,' sumagi sa isip ni Felix nang matanaw niya ito.

Ang malawak na bakuran na yaon ay katumbas ng 'kapirasong bukid', o 'munting bukid'.

Sa katunayan, 'bukid' ang tawag ni Andrea at ng mga kamag-anak niya sa bakurang iyon. Tinatawag din nila itong 'hacienda' tuwing nagbibiruan at nagyayabang.

Sa lupaing iyon ay may anim na bahay na tinitirhan nilang magkakamag-anak. Isang lumang bahay na nauna sa lahat, at lima pang bahay na pinatayong kasunod.

Anim na bahay at isang kubo ang kumasya sa bakuran, at kayluwag pa rin duon.

Kaaya-aya sa pakiramdam ang dulot ng bukid na kapaligiran, ngunit kinilabutan si Felix nang mapagmasdan niya ang kubo. Tila nakakita siya ng itim na tao. Parang anino. Tumindig ang kanyang balahibo.

Bumalik sa kanyang alaala ang lumilim na anino sa sakristiya at ang ikinuwento ni Andrea na taong itim na may sungay.

Bumaling si Felix sa batang babae. Napuna niyang diretso lamang ang tingin nito, hindi lumilingon sa dakong kinaroroonan ng kubo.

ITUTULOY

EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang LupaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon