Habang nagsasalita si Padre Felix, nagbago ang mga mata ni Annalyn.
Nanlilisik ang tingin. Malaahas. Masama ang titig sa exorcist.
"Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan," kasabihang binigkas ng kura. "At ang magtamo ng kabatiran sa Banal ay naghahatid ng pagkaunawa."
Kasunod nito'y itinutok niya ang hawak na krus sa maysapi.
Nanginig saglit ang dalaga, parang kiniliti't kinilig. Ramdam na ramdam niyang gising na gising na ang masasamang espiritu.
At akmang ididikit ng kura ang krus sa noo ni Annalyn, nang biglang ito'y tumiling kaylakas. Nakakabingi't napakatinis.
Sukdulan ang pagkamuhi't dusa't pasakit.
Wari tinatawag ng dalagang maysapi ang buong puwersa ng impyerno.
Napatakip ng tainga ang mga naro'n sa exorcism. Halos tumumba't tumalsik sila sa napakalakas na tiling makabasag pandinig.
Kinutuban ng hindi mabuti si Padre Felix. Sinidlan siya ng masamang paramdam.
Sa isip niya, "Wari ang tili ay hudyat o banta ng malaking sakunang parating. Parang babalang sasalantain ang bukid ng mga Narciso."
Umabot ang tili hanggang sa kadulu-duluhan at hangganan ng Sirang Lupa, lalong higit sa mga kapitbahay at mga nagsisipagdaang tao sa Don Bosco Street.
Dinig na dinig din ito ni Andrea na nakaantabay sa tinitirhan ni Inay Lourdes. Kinilabutan ang dalagita.
Naulinigan pa nga ang tili sa Crossing, Parian at Halang — na mga napakaabalang lugar. Wala lamang pumansin. Napagkamalan nilang ito'y sirena ng ambulansya, o wangwang ng pulis, o trak ng bumbero sa malayo.
Pagkuwa'y tumirik ang mga mata ni Annalyn. Ngumanga siya't lumawit ang dilang mahaba't manipis katulad ng sa ahas.
Tumindig ang balahibo ng kanyang ina't mga kamag-anak na naro'n sa exorcism. Mga nanigas sa kinatatayuan.
Pinagpawisan ng malamig si Felix, subalit pinilit pa rin niyang magsalita.
"Sa katapusan mga kapatid, magpakatibay kayo sa Panginoon at sa Kanyang makapangyarihang lakas. Taglayin n'yo ang buong baluti ng Diyos upang kayo ay makatayo laban sa mga lalang ng diyablo."
"Hhhsssssss—," tunog na nagmula kay Annalyn.
Nagpatuloy ang pari. "Ito ay sapagkat nakikipagtunggali tayo, hindi laban sa laman at dugo, subalit laban sa mga makapangyayari sa kadiliman sa kapanahunang ito at laban sa espirituwal na kasamaan sa mga dako ng himpapawid."
Lumitaw sa mga braso ni Annalyn ay mga kalmot, kahit wala namang nanakit sa kanya.
Nagwika ang exorcist. "Dahil dito, kunin n'yo ang buong baluti ng Diyos. Sa gayon, makalalaban kayo kapag dumating ang masamang araw na sumalakay ang kaaway, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo."
Gumawa muli ng tunog-ahas si Annalyn. "Hhhssssss!"
"Tumayo nga kayo na nabibigkisan ng katotohanan, nababalutan ng katuwiran at kapayapaan," dugtong ng kura. "Higit sa lahat, kunin ninyo ang kalasag ng pananampalataya. Sa pamamagitan nito ay maaapula ninyo ang mga nag-aapoy na palaso ng diyablo."
Sumunod na nakita kay Annalyn ay bakas ng pagkakatali sa leeg. Markang katulad sa nagbigti. Lumitaw ito kahit wala namang anumang nakapulupot sa sinasapian.
"Tanggapin din ninyo ang kaligtasan," sambit ng pari. "At tabak ng Espiritu na siyang Salita ng Diyos. Sa lahat ninyong pananalangin at pagdaing ay manalangin kayong lagi sa pamamagitan ng Espiritu. Sa bagay na ito ay magpuyat kayo na may buong pagtitiyaga at pagdaing para sa lahat ng mga banal."
Kumurap lang saglit si Felix, ang kasunod niyang nakita'y nalaglag na si Annalyn sa silya. Nakatumba't namamaluktot ito sa sahig. Kumikislot-kislot. Parang may epilepsy. Anyong lasog-lasog ang mga buto, at nabali ang leeg at likod.
ITUTULOY
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horor[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.