Inilagay ni Virginia sa nakabukas na palad ng matandang babae ang hiningi nito — litrato ni Vic Narciso at isang hibla ng buhok ni Annalyn.
Sinipat muna ng tumanggap ang maliit na larawan ng lalaki, bago niya ito kinapa.
Napakalabo na ng mata nitong matanda. Halos hindi na makakita.
Pagkuwa'y kanyang inamoy naman ang hibla ng buhok.
Napakabagal gumalaw ng halos otsenta anyos na matandang babae.
Manipis at uban na'ng lahat ng buhok niya, malalim ang bawat linya sa mukha, kulubot ang balat, sobrang payat, at nalagas nang karamihan sa mga ngipin.
Kakap'raso siyang tignan sapagkat yumuko't bumaluktot na'ng likod.
Ang kanyang mga daliri sa kamay ay bali-balikong parang ugat ng punongkahoy.
Tinatawag siyang Matandang Alita o Aling Alita, at dinayo pa ni Virginia sa liblib na bahagi ng Bundok Makiling.
Ito ang ikatlong dalaw ng dalaga sa tinitirhan ng matanda.
Sa bahay nito, duo'y may altar na nakakapukaw-pansin dahil may mga pambihirang bagay na nakalagay.
Nakalagak dito'y mga maliliit na rebulto o estatwa ng mga kakatwang tauhan — Dakilang Diyos-Anak, Inang Reina ng Sancatauhan, Maryang Makapangyarihan, Lelong Herodes, Ermitanyong Hudyo, Hubad na Niño, Alay na Birhen, Babaeng Taga-Babel, at Sinaunang Ahas.
Nakapatong din dito ay kandila, insenso, garapong may lamang langis, aspili't karayom, munting manikang hugis-tao, mga kapirasong papel ng orasyon, medalyon at iginuhit na larawan ng nag-iisang mata.
Mula sa sulok, nagmamasid ang pusang itim sa panauhin. Alagang hayop ito ni Alita, at ang tawag niya rito ay 'Lot'.
Nu'ng unang punta ni Virginia sa tahanan ng matanda, ikinuwento niya ang kataksilang ginawa sa kanya ng kasintahan.
"Inamin po sa akin ng boyfriend ko na nagloko siya, at nagkaroon sila ng relasyon ni Annalyn."
Lubhang nasaktan si Virginia nang malaman ito.
At dahil dito'y pansamantala silang naghiwalay ng kanyang nobyo.
Pero nagkabalikan na sila, at napatawad na niya ang kasintahang sising-sisi sa nagawa.
Ngunit hindi pa rin niya mabitawan ang pagkamuhi kay Annalyn.
Hinahangad pa rin niyang maghiganti rito, at ito ang kanyang pakay kay Alita.
"Napakalandi ni Annalyn! Mang-aagaw siya!" mangiyak-ngiyak sa galit si Virginia.
"Lintik lang ang walang ganti," ang madalas nilalaman ng kanyang isipan.
Nahabag naman ang matandang babae sa dalagang naglahad ng hinaing.
"Gusto ko saktan si Annalyn," ipinagtapat ni Virginia sa kausap. "Gusto kong iparamdam sa kanya lahat ng sakit na nararamdaman ko!"
Tumango ang matanda, nababatid ang pighating taglay ng dalagang pinagtaksilan.
"Bumalik ka rito sa isang linggo," sagot ni Alita. "Aalamin ko kung paano kita tutulungan."
Gayun nga ang ginawa ng dalaga.
Sa ikalawang pagbisita ni Virginia kay Alita, nagmungkahi ang matandang babae at inulat nito ang mga natuklasan tungkol kay Annalyn.
"Madali lang itumba ang kanyang tatay, sapagkat apat na taon na itong mayro'ng sakit sa bato," sabi ni Alita. "Malubha ang karamdaman nito, at napakadaling patumbahin."
"Dalawang beses sa isang linggo dalhin sa dialysis," dagdag ng matanda. "Pinakamainam na ang ama ang siyang pabagsakin natin."
"Kapag dumapa ang haligi, magigiba ang buong tahanan," paliwanag pa niya. "Higit mong sasaktan si Annalyn sa ganitong paraan."
Nalaman ito ni Alita sa tulong ng mahihiwagang espiritung nagpapahiram sa kanya ng kapangyarihan. Sapagkat tuwing pumipikit siya at umuusal ng dasal sa kanila, bumubukas ang kanyang pambihirang 'ikatlong mata' na tinatawag niyang 'banal na balintataw', at sumisilip ang kanyang isip sa mga bagay na nakatago't lihim.
Hindi lingid sa kaalaman ni Virginia na marami ngang kumukunsulta kay Alita upang alamin ang kapalaran.
Batid rin niyang tanyag sa buong bayan at sa ibang lugar ang mahiwagang kakayahan ng kanyang kausap.
Kaibigang matalik ni Virginia ang nag-udyok sa kanya na lumapit kay Alita. Dumulog ito nuon sa matandang babae, at lubos namang natulungan.
Tikom nga lang ang bibig ng mangilan-ngilang mga tao tuwing pinag-uusapan si Alita, dahil lahat ay nagkakaintindihang marami na itong kinulam.
Kung tatanungin ang matanda kung ilan, ang sasabihin nito'y 'hindi mabilang ang dami'.
Umiikot pa sa mga usap-usapan ang haka-hakang pinaslang ni Alita ang sariling anak upang ialay sa mga mahihiwagang espiritung nilalang ng kabundukan.
Kaya't ang lahat ay maingat makisalamuha sa mangkukulam. Ang iba pa nga'y tahasang umiiwas.
"Sa halip na padalhan natin si Annalyn ng malubha't pangmatagalang sakit, bibigyan natin siya ng pansamantala pero kapit-tukong sakit sa ulo," dugtong ng nagmumungkahi. "Sa loob ng siyam na araw, parang binibiyak ang kanyang ulo sa sakit, at hindi siya nito lubayan kahit uminom ng gamot. At sa ikasiyam na araw, papakabahin natin siya. Biglaang tataas ang presyon ng dugo. Kakabog ang kanyang puso na parang sasabog."
Napingiti ang dalagang ibig maghiganti.
Kumislap ang mata ni Alita, at nagpatuloy. "Habang ang tatay naman ni Annalyn ay tatanggalan natin ng kakayahang magsalita — at atin siyang lulumpuhin."
Lalong natuwa si Virginia sa narinig, at pumayag siyang ito ay isagawa.
"Pagdurusahin natin nang lubusan," nangako ang mangkukulam. "Makukuha mo ang gusto mo."
"Maraming salamat po!" nasambit ng dalaga sa kasabikan.
"Ang gusto ko lang ay makatulong sa nangangailangan," sagot ni Alita.
Kasunod nito'y nag-utos siya kay Virginia. "Ikuha mo ako ng litrato nu'ng ama at isang hibla ng buhok ni Annalyn."
Hindi nag-alintanang tumupad ang inutusan.
Sa ikatlong pagdalaw ng dalaga kay Alita, dala niya ang dalawang bagay na hiningi sa kanya, at walang atubiling ipinagkatiwala ang mga ito sa kamay ng mangkukulam.
Hawak na ni Alita ang mga sangkap upang singilin si Annalyn sa kasalanan nito.
Ang matandang babae ay pumikit, tumahimik at dumalangin nang taimtim. Uumpisahan na niyang ipaghiganti ang dalagang dumulog sa kanya.
Sa panig ni Virginia, tiwala siyang malapit nang makamit ang minimithi.
Kaunting hintay na lang.
Ganito gumanti ang inapi.
Ito ang ganti ni Virginia.
BINABASA MO ANG
EKSORSISMO: Annalyn ng Sirang Lupa
Horror[COMPLETED] The story follows the series of exorcisms performed by a Catholic priest on a possessed young woman, Annalyn, as hell was unleashed upon her family. This is written in Filipino language.