Kabanata 23

38 3 5
                                    

"Sa nangyari kagabi.. humihingi na ako ng tawad kahit na hindi ko pa maalala ang lahat ng sinabi ko. Pero alam kong tungkol 'yon sa iisang tao. Humihingi ako ng tawad, Ariella," sabi ni Jay at tumingin sa 'kin. Muntik ko na madura 'yong kape na iniinom ko dahil doon.

"Ha? Ayos lang," sabi ko at biglang pumasok lahat ng nangyari kagabi sa utak ko.

"Ang bigat naman nitong kasama mo, tao pa ba 'to?!" Reklamo ni Lion. Napahinga naman ako nang malalim. Bumukas na 'yong elevator kaya agad kaming lumabas.

"Pero ayos lang, ikinagagalak kong malapitan siya nang sobrang lapit. Ang ganda niya, gandang angkinin." Dahil doon agad ko siyang tinignan. Aba! Siraulo 'to ah!

"'Wag ka ngang ganiyan, babalian kita ng buto, sinasabi ko sa 'yo!" Sigaw ko. Kung kaya ko lang buhatin si Jay ay hindi ko na sana pinabuhat pa sa isang 'to. Malakas ang braso, eh.

"Nagbibiro lang ako, ito naman si Bunso. Ang 'yong Kuya ay maginoo, hindi ako nambabastos ng mga kababaihan. Matutuktukan ako ni Ama kung mangyari 'yon." Patuloy niya.

"Buti nga!" Sigaw ko at sinalpak 'yong susi sa kuwarto. Nahulog 'yon sa bulsa ni Jay kanina.

Binuksan ko nang todo 'yong pintuan pagkatapos ay pumasok, inayos ko 'yong kama ni Jay para doon ihiga ni Lion.

"Diyan na lang," sabi ko. Sinunod naman niya. Napatakip ako sa ilong ko nang amoy na amoy ko 'yong ininom niya. Babae pa ba 'to?!

"Grabe pala ang isang Lian Jay kung maglasing, ilang minuto pa lang naka-isang bote na." Umiling-iling na sabi niya.

"Naka-ilang bote siya?" Tanong ko.

"Tatlo." Nanlaki bigla ang mata ko.

"Ano?! Nando'n ka ba? Ba't hindi mo pinigilan?" Sunod-sunod na tanong ko.

"Nando'n ako, nag-aya kasi si Yeon na kumain tapos sakto naroon si Jay. Pagdating namin tumba na siya sa lamesa, eh. Naka-isang bote na tapos nakakalahati niya na 'yong pangalawa," sabi niya.

"Bakit hinayaan mong maka-tatlo?" Sigaw ko. Pumewang naman siya.

"Kapag malakas na ang tama, hindi na mapipigilan." Nasapo ko ang noo ko.

"Sige na, umalis kana," sabi ko at kumuha ng damit sa labahan para basahin.

"Alagaan mo ang mapapangasawa ko, ha? Babawi na lang ako sa susunod sa 'yo! Magandang gabi." Rinig kong sabi niya at sinarado na ang pintuan.

Binasa ko na 'yong damit na hawak ko at ayon ang pinangpunas sa lasing na mukha ni Jay. May problema na naman kaya 'to?

Binalik ko na ulit sa labahan bago humiga na sa kama ko. Pipikit na sana nang narinig kong nagsalita si Jay.

"Ariella, gising ka pa?" Rinig kong sabi niya.

"Hmm?"

"Alam mo ba katulad mo ang kapatid ko, si Sapira. 'Yong binigay ko sa 'yong dilaw na bestida ay sa kaniya 'yon. Ayon na lang 'yong damit niya na meron ako. Sa 'kin galing 'yon, eh. Pinapahalagahan ko 'yon, at sana Ariella, pahalagahan mo rin. Kahit na para sa 'kin na lang. Ayon na lang ang nagpaparamdam sa 'kin na kasama ko siya." Tumigil siya saglit.

"Bukas.. wala na. Mag-isa na naman ako," sabi niya. Sinilip ko siya at umiiyak na naman siya habang nakatitig sa dingding.

"Iiwan mo rin ba ako, Ariella? 'Wag mo akong iwan, ha? Ayoko nang napag-iiwanan ulit ako.."

"Pagsilang ko at pagsilang ng kapatid ko ay wala na kaming nadatnang Ama. Si Ina ang bumubuhay sa 'ming magkapatid. Aalis siya tuwing umaga kaya magluluto siya ng umagahan, babalik siya ng hapon galing sa palasyo. Trabahador si Ina roon, taga-linis at taga-hugas ng plato. Hindi kami makapasok ng palasyo at doon tumira dahil hinihintay pa naming magbunga ang kakayahan o kapangyarihan ni Sapira. Kaya mas pinili ni Ina na huwag na munang lumipat ng palasyo." Pagkwe-kwento niya.

The Cursed Book Where stories live. Discover now