"Hindi ka ba talaga mapagsabihan, ha? Bakit ka sumugod don tapos tinatawag-tawag mo pa akong Daddy Doc? Hindi mo ba naisip na maraming tao ang nakakarinig sa'yo?"
Kaagad na bungad ni Kaiden sa kasama niyang babae sa kanyang unit pagkapasok niya mula sa may pintuan. Para siyang tigreng galit na galit na umatake sa babaeng walang imik na nasa sofa. Nakuha kaagad niya ang atensyon ni Dreams na abalang nanonood ng cartoon sa telebisyon habang may hawak-hawak itong bowl ng popcorn. Pinagkunutan siya nito ng noo kaya naglakad palapit si Kaiden sa kanya't huminto ito sa kanyang harapan.
"'Yon lang galit na galit ka na? Hindi ba pwedeng magpasalamat ka lang kasi pinagluto kita ng makakain mo?" Angil ni Dreams saka nakanguso pagkatapos. "Ikaw na nga 'tong pinag-effort-tan e, magthank you ka nalang kaysa magreklamo."
Nasapo ni Kaiden ang kanyang noo't bahagya niya pa itong hinilot. "Anong 'yon lang? Pinagmukha mo akong katawa-tawa don."
"Alin don? 'Yong pagdala ko ng makakain tapos tinanggap mo o 'yong pagpapaalam mo kay baby saka mo hinalikan 'tong tyan ko?" Tanong ni Dreams saka pasimpleng gumuhit ang ngiti sa kanyang labi kaya nakaramdam ng inis si Kaiden.
"Huwag kang ngumiti ng ganyan, walang nakakangiti don." Masungit na suway nito kaya napahinto si Dreams sa pagngiti. "Tsk! Bakit ba 'ko nakikipag-usap sa buntis na baliw." Anito at nagmamartsang nagtungo sa kusina upang uminom ng tubig.
"Uy! Hindi ako baliw, hot mommy lang."
Kahit na sinuway na siya ni Kaiden, hindi pa rin maibsan ni Dreams ang tuwa dahil sa ginawa ng lalaki kanina. Preskong-presyo iyon sa kanyang utak at kahit nanonood siya ay iyon pa rin ang paulit-ulit na pumapasok sa utak niya. Napapangiti na lang siya na parang ewan kapag naaalala ang paghalik na ginawa ni Kaiden sa kanyang tiyan kanina. Hindi nga niya inaasahan na gagawin iyon ng lalaki. Ang inasahan niya lang ay magpapaalam ito sa kanilang baby, hindi pala. Sinamahan niya ito ng paghalik sa kanyang tiyan na bumabaliw sa kanyang buong sistema.
Inilapag ni Dreams ang hawak na bowl ng popcorn sa mesa at kinuha ang baso ng juice. Tumayo siya't sinundan ang doktor patungo sa kusina. Nakita niya kung paano magsalubong ang kilay ng lalaki at sapat lamang iyon para masabing galit na galit ito. Imbes na maguilty siya ay mas natuwa pa siya't naisipan pa itong asarin ng todo.
"Una sa lahat, hindi kita pinilit, Daddy Doc."
Sa sinabing iyon ni Dreams at napalingon kaagad si Kaiden sa gawi niya't pinagtaasan niya ito ng kilay. Umalingawngaw pa ang pagbagsak ng pwet ng baso sa lamesa nang padabog iyon na inilapag ni Kaiden.
"Anong hindi? Pinilit mo kaya ako, ginamit mo pa ngang excuse 'yang baby e. Ano 'to nagkaamnesia ka agad, ganon? Tsk!" Iritableng depensa ni Kaiden.
"Magkaiba ang pinilit sa pinakiusapan." Pagpapaliwanag ni Dreams dahilan para naningkit ang mga mata ng doktor na tumitig sa kanya. "Pinakiusapan kita, pumayag ka naman, 'di ba? Sobrang dali lang naman umayaw pero nagulat na lang ako, nakaluhod ka na sa harapan ko tapos hinalikan mo pa 'tong tiyan ko." Humagikgik ng mahina si Dreams pagkasabi non.
Doon natauhan si Kaiden, may punto naman ang babae. Pwede naman siyang umayaw at hindi pumayag sa gusto ni Dreams pero bakit hindi niya ginawa? Tama nga naman na pinakiusapan lang siya nito at hindi pinilit.
"Tsk! Lumayo ka nga! Lubayan mo 'ko. Nakakairita ka." Pagtataboy ng lalaki dito dahil napahiya siya. Tinalikuran niya ang babae at naglakad patungo sa kanyang kwarto pero mabilis siyang sinundan ni Dreams. Nakasunod siya na parang aso sa doktor.
"Sus! Ang sabihin mo, napahiya ka." Bahagyang nagkapawala ng nakakaasar na pagtawa si Dreams dahilan para lingunin siya ni Kaiden at tinignan ito ng masama. "Sa mata mo pa lang, kapansin-pansin na." Tinuro ni Dreams ang mga mata ng doktor. "Jusko! Wala ka naman dapat ikahiya e, kami lang 'to ni baby. Pero infairness ang cute mo kanina." Kinikilig na asik ni Dreams.
BINABASA MO ANG
HER UNEXPECTED PREGNANCY (COMPLETED) SELF-PUB UNDER IMMAC
Teen FictionDoc. Kayden, isang doktor na walang balak magkaroon ng pamilya dahil para sa kanya mas mahalaga ang trabaho. Sa pagmamahal niya sa kanyang propesyon, nakalimutan na niyang sumaya at planuhin ang pagkakaroon ng pamilya. Ngunit, isang pangyayari ang b...