El Último Capítulo (The Last Chapter)

1.3K 42 20
                                    




MANILA, 1895



"Paumanhin kung pinaghintay kita nang matagal, ayaw kasi akong paalisin ni Lorenzo."

Iniangat ni Vicente ang tingin sa kaibigan na kadarating lang. Halos isang oras na siyang naghihintay sa isang tanyag na kapihan sa Maynila.

"Ayos lang, naiintindihan ko naman." Sumimsim si Vicente sa ikalawang kapeng binili niya. Pinuyat kasi siya ng mga alaalang ginunita niya kagabi. "Kumusta pala ang panganay mo?"

Ipinatong ni Leonardo ang pulang abrigo sa silya at naupo sa tapat ng kaibigan. "Halos hindi mawalay sa'kin ang batang 'yon. Ako pa nga ang nagpapatulog sa kaniya sa gabi dahil palagi siyang umiiyak kapag si Angelita ang kasama niya," natatawang pagsasalaysay ni Leonardo.

"Mainam 'yan nang mayroon ka namang pinagkakaabalahan maliban sa alak," ani Vicente. "Masaya ako para sa'yo, amigo. Nawa'y hindi magmana ang anak mo sa pagiging lasinggero at babaero mo."

Napangisi si Leonardo sa komento ng kaibigan. Samantala, isang serbidora ang lumapit sa kaniya upang makuha ang listahan ng bibilhin niya. "Isang kapeng barako, Binibini," sabi niya rito. "At samahan mo na rin ng dalawang ensaymada."

Tumango ang babae na napatitig nang matagal kay Leonardo. Napapilig na lang si Vicente ng ulo. Kahit may asawa na ang kaibigan niya ay talagang lapitin pa rin ito ng babae.

"Ikaw, kumusta ka naman?" tanong ni Leonardo sa kaibigan. "Halos anim na taon na mula no'ng huli mo siyang makita..."

Natigilan si Vicente sa paghalo ng kape. Napatingin siya sa ibaba bago tiningnan sa mata ang kaibigan. "Anim na taon na pala ang nagdaan." Mapait siyang natawa. "Hindi naman yata mawawala ang pangungulila na nararamdaman ko, sadyang nakakayanan ko lang na mabuhay sa kalungkutan araw-araw, dahil iyon ang tanda na totoo siya at ang pagmamahalan namin."

"Huwag mo namang hayaan na mabuhay ka sa kalungkutan at pagdadalamhati sa paglipas ng panahon," payo ni Leonardo. "Maiksi lang ang buhay, kaibigan, turuan mo ang sarili mo na lumigaya muli."

"Masaya naman ako, Leo. Masaya ako sa naging desisyon ko. Wala akong pinagsisisihan dahil batid ko na walang katumbas na halaga ang sakripisyo naming dalawa."

Dumating na ang serbidora kaya pansamantalang natigil ang pag-uusap ng magkaibigan. Nang mailapag na ang kape at ensaymada, kagyat na sinimsim ni Leonardo ang nauna.

"Kung gayon, umaasa ako na tama nga ang naging desisyon mo," anang Leonardo. "Pero amigo, nakakapanibago pala talaga ang buhay may-asawa. Dati, sarili ko lang ang iniisip ko, pero ngayon, ang pamilya ko na ang palagi kong inuuna."

"Kaya nga hanga ako sa naging pagbabago mo," tugon ni Vicente. "Isa ka nang ganap na ama't asawa sa iyong pamilya."

"Hindi ko nga batid kung tama ba ang ginagawa ko sa t'wing nagkakatampuhan kami ni Angelita." Napabuntong-hininga si Leonardo. "Ilang beses na kaming nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan, at may mga pagkakataon na nararamdaman ko na gusto na niya akong sukuan."

"Gusto mo ba ng payo o puna ko?" natatawang tanong ni Vicente.

"Ang nauna, amigo."

"Hindi kailanman magiging madali ang pagsasama ng dalawang magkaibang tao. Sa huli, nasa inyo pa rin kung paano n'yo paninindigan ang ipinangako niyo sa isa't isa. Walang payo o komento ang makapagdidikta kung paano kayo liligaya."

"Sa tingin ko tuloy, mas mahusay kang asawa noon kay Dalia..." Napahawi si Leonardo sa buhok. Naubos na niya ang isang ensaymada at nang tinangka niyang kunin ang tinapay ni Vicente, pinalo siya nito sa kamay. "Alam na alam mo kasi kung ano'ng gagawin."

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon