Araw ng kasal.
Hindi ko nabilang ang araw simula noong huli kong makita si Vicente, napatitig ako sa kwintas na kaniyang binigay na sumisimbolo ng pangako niya sa akin.
Si tiya Marcella at Ina ang naatasan na mag-ayos sa akin para sa kasalan, napakaganda ng pagkakatahi sa trahe de boda na ako mismo ang gumuhit ng disenyo.
"Senda, saan mo nakuha ang inspirasyon para sa disenyo ng trahe de boda na ito? Ganito ang mga nakikita ko na kasuotan sa kasalan noon sa Pransya," nagtatakang tanong ni Tiya Marcella habang sinusuklay niya ang aking buhok.
"Naisip ko lang po iyan Tiya, para naman bago sa paningin ng tao," muli akong napatitig sa aking repleksyon, tunay na nakakahalina ang suot ko ngayon, mas maganda siguro kung isusuot ko ito sa kasal kung saan ang lalaking mahal ko ang maghihintay sa akin sa altar.
"Napakaganda mo, Anak." Naluluhang wika ni Ina, hinarap niya ako sa kaniya at hinawakan ako sa pisngi, "Mamaya lang ay hindi ka na namin makakasama rito sa tahanan."
Saka ko lang na-realize na hindi na ako uuwi kila ina mamaya dahil oo nga pala, ikakasal ako. Pero lingid sa kanilang kaalaman, pupuntahan ko si Vicente at hindi ko alam kung ano ang mangyayari matapos no'n. Ayoko umuwi sa mansiyon ni Javier dahil sigurado ako na hindi ko gugustuhin ang mangyayari kapag dalawa na lang kami.
Niyakap ako ni Ina at niyakap ko siya pabalik, "Ikaw talaga, Macaria, madali ka tumangis. Taga-riyan lang naman si G. Javier, batid ko na mapupuntahan mo si Senda kahit kailan." Natatawang saad ni Tiya Marcella na tinutukso ang kaniyang kapatid.
Inikot ni tiya Marcella ang aking buhok saka ito pinusod pababa, naglagay rin siya ng payneta kung saan may disenyo itong bulaklak sa gitna at ang suot kong hikaw ay perlas na bagay na bagay sa kasuotan ko ngayon.
"Anak, kanino galing ang kuwintas na iyan?" tanong ni Ina.
"Kay Vicente po, ito na lamang ang tanging alaala ko sa kaniya," nakita ko ang kalungkutan sa mga mata niya.
"Patawad anak, dahil wala akong magawa." Napailing ako.
"Hindi, Ina. wala kang kasalanan," hinalikan ko siya sa pisngi, panay naman ang kuwento ni tiya Marcella na gusto raw niya ng ganitong trahe de boda kapag sinuwerte raw siyang ikasal muli.
Matapos nila ako ayusan ay iniwan na nila ako para asikasuhin nila ang sarili. Nakatingin pa rin ako sa repleksyon ko hanggang sa makita ko si Ama na naka-uniporme; naka-pamada ang kaniyang buhok at maayos ang pagkakaahit ng kaniyang bigote. Hindi pa kami nag-uusap simula noong sinuway ko siya muli.
"Rosenda," pagtawag niya na tila bulong na lang.
Hinarap ko ito, "Bakit po, Ama?"
"Napakaganda mo ngayon, Anak," wika niya na labis kong ikinagulat. Ngayon ko lang narinig sa kaniya na puriin niya ako.
Ngumiti ako sa kaniya, "Salamat, Ama. Patawad din po dahil sinuway kita," kahit pa labag sa aking kalooban, alam ko na Ama pa rin siya ni Rosenda at hindi ko dapat pinapasakit ang ulo niya.
Tumango siya saka ako hinalikan sa noo, matapos noon ay nilisan na rin niya ang aking silid. Hindi masalita ang ama ni Rosenda, iyon na siguro ang paraan niya upang ipakita na masaya siya.
Dahan-dahan akong bumaba ng hagdan; nakita ko ang samu't-saring reaksiyon nila Angelita, Normita, Leonardo, kuya Antonio at ng iba pang tagapagsilbi namin sa mansiyon.
"Sinong mag-aakalang may katangi-tanging kagandahan ka palang taglay?" tanong ni Leonardo na ngayon ay nakasuot ng puting barong na bagay na bagay sa kaniya.
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...