Buong maghapon akong hindi lumabas ng aking silid. Narinig ko ang bahagyang pagbukas ng pinto at doon ko nasilayan si Ina. Napansin ko na parang mas tumanda siya ngayon, dahil na rin siguro sa nangyari kay Ama. Inilibing na si Manuel noong isang araw at nagawa na rin naming bisitahin ang puntod ni Ama sa sementeryo.
Ipinaramdaman ko kay Ina na nasa tabi niya ako noong kinuwento ko ang pagsasakripisyo ni Ama para sa'kin, nalaman din niya ang lihim ng kaniyang asawa kung saan minsan nitong minahal ang ina ni Vicente at nang dahil sa isang pagkakamali, nagawa niyang wakasan ang buhay nito. Gayunpaman, pinatawad niya si Ama kahit pa wala na ito sa tabi niya.
Nanirahan na sa amin sina Criselda at si Ingrid. Walang mapaglagyan ang kaligayahan ni Kuya Antonio noong mapag-alaman niya na buntis si Criselda, samantalang inaalalayan namin si Ingrid dahil hindi pa rin nito matanggap ang pagkawala ng kaniyang nag-iisang kapatid.
Unti-unti na ring bumabangon ang bayan ng De la Vega sa tulong ng bagong luklok na gobernadorcillo at sa gabay ng gabinete nito.
Hindi nagsalita si Ina noong pasukin niya ang silid, sa halip ay tinapik niya ang silya, senyales na umupo ako roon. Tumalima naman ako at tahimik na naupo. Napatingin ako sa salamin. Ilang araw ko nang hindi nakikita ang sarili ko. Pansin ko ang pamumula ng aking mata at ilong, magulo na rin ang aking buhok at maputla ang aking labi.
Kinuha ni Ina ang isang suklay at iniayos niya ang buhok ko bago ito sinuklayan. Habang nakatingin ako sa repleksyon ko sa salamin, mas lalo kong nakikita si Rosenda, hindi na si Dalia.
"Kahit marami nang nawala sa'yo, anak, nandito pa rin naman ako." Sambit ni Ina habang sinusuklayan ako. Hindi ko na napigilang humagulgol. Kahit ano'ng pilit ko, parang hindi nawawala 'yong sakit.
Niyakap ko nang mahigpit si Ina, at nang mga sandaling ito, hinayaan ko ang sarili ko na maging bata sa piling niya. Ito marahil ang bagay na sabik ako dulot ng maagang pagkamatay ni Mommy nang dahil sa panganganak kay Carlo. Hinayaan ko ang sarili ko na maging mahina, para kinabukasan ay maging malakas ako, at hinayaan ko ang sarili ko na masaktan, dahil alam ko na isa itong proseso na kailangan kong pagdaanan.
"Bunso..." nagising ako sa boses ni Kuya Antonio. Hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako.
"Kuya? Bakit?"
Napabangon ako sa kama. "Kumain ka," nakita ko ang isang tray sa ibabaw ng kama na naglalaman ng pagkain. Isang ngiti ang sumilay sa labi niya. "Nangangayayat ka na, bunso, baka puwede ka nang kumain? Kung hindi mo ito gagawin para sa iyo, gawin mo na lang para sa akin."
Pilit ko siyang nginitian. Niyakap ko si Kuya Antonio at hinalikan siya sa pisngi. Na-miss ko ang presensiya niya. "Salamat, Kuya." Para sa kaniya, pinilit ko ang kumain kahit papaano.
"Ukol kay Criselda," aniya. "Kung mamarapatin, sa Enero sana ang kasal namin."
Kagyat na nawala ang ngiting ipinakita ko noong maalala ko na wala na ako sa buwan ng Enero sa susunod na taon.
"Masaya ako para sa inyo, Kuya." Saad ko. "Kung sakaling hindi ako makapunta ng kasal niyo at kung sakaling hindi ko masilayan ang magiging pamangkin ko, puwede mo ba siyang pangalanang "Dalia"?"
Kumunot ang noo niya. "Saan ka naman magtutungo, at hindi ka makakadalo ng aming kasal? At ano ang sinasabi mong hindi mo masisilayan ang pamangkin mo?"
"Wala. Hula ko lang."
Napahawak siya sa kaniyang baba. "Dalia...magandang ngalan 'yon, Senda. Hindi ba't hango iyon sa bulaklak ng dalya?" tumango ako. "Sandali, paano ka nakakasiguro na babae ang magiging supling namin?"
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...