Nanginginig ang kamay ko habang hawak ang baril na nakatutok kay Vicente.
Inaasahan ko na galit ang masisilayan ko sa kaniyang mga mata, ngunit iba ang nakita ko: lungkot at awa.
Naririnig ko ulit ang boses ni Rosenda sa aking isipan na inuudyukan akong tapusin ang buhay ni Vicente. Ngayon, alam ko na ang lahat; naiintindihan ko na kung bakit ko siya isinumpa—kung bakit ganoon na lang ang galit ko sa kaniya noon.
Kasalanan mo ang lahat, Dalia. Kung pinili mo si Immanuel, hindi mauulit ang nakaraan.
Napapailing at napapapikit ako habang iwinawaksi ang boses ni Rosenda sa aking isipan.
Nawala si Immanuel sa akin, marapat na maglaho rin si Vicente na siyang iniibig mo.
"Hindi.." bulong ko sa sarili. Naglalaban na ang puso't isipan ko sa kung ano ba ang dapat na gawin.
Mas malakas si Rosenda ngayon. Masidhi ang galit sa kaniyang puso, habang ako naman ay nagluluksa sa pagkawala ng isang kaibigan.
Gawin mo, Dalia.
"Tama na!" sigaw ko sa aking sarili.
Nakita ko ang pagtulo ng luha ni Vicente. Lubusan din ang paghihirap na dinanas niya sa kamay ko noon at hindi ko kailanman maitatanggi kung gaano ko siya kamahal ngayon.
Bago ko kalabitin ang gatilyo, isang pamilyar na boses ang tumawag sa pangalan ko.
"ROSENDA!"
Natauhan ako sa boses ni Leonardo na papalapit sa gawi namin. Hindi ko inaasahan ang kaniyang pagdating gayong nasa Dagupan siya kasama sina Ina.
Maagap niyang naagaw ang hawak kong baril at inihagis iyon sa talahiban. Niyakap niya ako nang mahigpit na parang gusto niya akong protektahan.
"Labanan mo, Dalia," bulong niya sa tainga ko. "Labanan mo."
Habang yakap ako ni Leonardo, nakita ko na nakatitig lang sa akin si Vicente. Humakbang siya palapit sa katawan ni Manuel at saka, pinulot ang baril nito.
Sa pagkakataong ito, alam ko na ang gagawin ni Vicente.
Lumapit siya sa akin. "Ipinapangako ko sa'yo, Rosenda, makakamit ni Immanuel ang hustisya."
"Vicente! Huwag!" bago ko pa man siya pigilan ay nakalayo na siya sa amin ni Leonardo.
Hindi ko kakayanin kung sakaling si Vicente ang mawala sa akin.
Narinig ko na ang samot-saring pagputok ng mga baril sa 'di kalayuan—hudyat na lumaganap na ang balita na nandito ang mga taong pinapahanap ni Don Jaime sa bayan ng De la Vega.
Hahabulin ko sana si Vicente gamit ang natitira kong lakas, ngunit pinigilan ako ni Leonardo at sinabing nagbago na ang lahat at wala na kaming magagawa sa mga susunod pang mangyayari.
Naaninagan ko ang mga kawal ni Don Jaime na rumuronda malapit sa simbahan. Hindi ko alam kung paano makikipagsapalaran si Vicente sa muling pag-usbong ng giyera.
Sa pagkamatay ni Manuel, alam ko na muling lulusubin ng mga rebelde ang bayan na ito, sa pagbagsak ng kanilang pinuno ay muling uusbong ang rebolusyon.
"Kailangan na nating umalis," paanyaya ni Leonardo.
Napatingin ako sa katawan ni Manuel. Parang hindi pa rin totoo ang lahat. "P-Paano si Immanuel? Hindi ko siya puwedeng iwan nang ganito." Lumuhod ako sa tabi ng katawan niya bago hinawakan ang kaniyang kamay.
"Rosenda..." sa tono ng boses ni Leonardo ay bakas ang pag-mamakaawa niya. "Babalikan ko si Immanuel at bibigyan natin siya ng karampatan at wastong burol. Pangako ko iyan sa iyo."

BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...