"Tumayo ka na, Binibini. Gagamutin kita sa loob ng aming tirahan. Magagalit si Ama kapag nakita niyang ganiyan ang hitsura ng mapapangasawa ko," sambit ni Vicente. Paunti-unting namuo ang ngiti sa labi ko dahil sa sinabi niya, pero inagapan ko iyon.
Hawak pa rin niya ang kamay ko at dahan-dahan niya akong itinayo. Ang hapdi ng tuhod ko at medyo mangiyak-ngiyak din ako. Ipinasok niya ako sa mansiyon nila habang inaalalayan ako.
"Ano'ng kahibangan ba naman kasi ang iyong iniisip para tumalon ka sa kalesa nang walang pasabi?" tanong niya habang dinadampi ang tela na may tubig sa mga tuhod ko. Nasa silid niya kami at may dalawang bantay na tagapagsilbi nila sa labas ng kuwarto ni Vicente. Bawal daw kasi na may mangyaring kapusukan sa pagitan namin habang hindi pa kami mag-asawa.
"Ikaw, e. Inaaway mo ako," saad ko na parang bata. Ang sakit talaga ng sugat ko sa tuhod. "Aray ko naman! Dahan-dahan. Masakit."
"Ako ay lamang ay labis na nagtampo noong nakaraang gabi sa iyong sinabi na may bahid na ng dugo ang aking mga kamay. Nais ko lang ipaunawa na hindi ako masamang tao," sambit ni Vicente.
Tinalian niya ng benda ang tuhod ko at tinignan niya ako para ngumiti sa akin. Ang aliwalas ng mukha niya.
"Sige na. Pasensiya na sa nasabi ko."
Oh, my god! Nilunok ko na ang aking pride. First time kong mag-sorry sa isang lalaki.
"Wala 'yon. Hindi ko naman kayang tiisin na ganiyan ang sitwasyon mo kanina. Hindi ko akalaing tatalon ka sa kalesa para sa akin."
"Hindi ako tumalon. Na-excite lang akong bumaba. Ay, este, sinigurado ko na makakausap kita."
"Ihahatid kita sa inyo pauwi. Hindi ko hahayaang umuwi ka nang ganiyan ang tuhod mo. Hihingi na rin ako ng dispensa kina Don Fabio at Doña Macaria. Kasalanan ko ito."
"Hindi na. 'Wag ka nang umamin. Ako ang may kasalanan sa 'yo. Alam ko naman na mabuti kang tao. Naiintindihan ko na kung bakit ka nagtampo," saad ko.
Umupo siya sa gilid ng kama niya at naiwan naman akong nakaupo sa upuan niya kung saan may lamesa sa harap nito. "Pinigilan ko nga ang aking mga ngiti dahil sa nangyari kanina," saad ni Vicente.
"Nangyari na?"
"Iyong bubuyog na dumapo sa iyong mukha. Nakita ko kung gaano ka ka-takot dahil nakasampa na ang iyong mga paa sa upuan ng kalesa."
"Aywan ko sa 'yo," saad ko.
"Halos mabingi ako sa ingay ng iyong tinig at pagsigaw dahil sa bubuyog na iyon."
Napatingin ako sa painting na ginawa ko sa kaniya. Nasa taas pa rin ito ng kama niya. Natawa na lang ako bigla dahil nakita ko iyong stickman na ginawa ko na may smiling face. Isang heneral at may stickman siya na painting sa taas ng kaniyang kama. Hindi ko mapigilang tumawa.
"Ayos ka lang?" tanong niya. "Hindi ko maiwasan minsan na masindak sa 'yo. Kanina lang ay kung ano-anong lengguwahe ang naririnig ko mula sa iyong bibig at ngayon naman ay tumatawa ka sa iyong sarili."
"Takot ka? May sarili kasi akong lengguwahe na ako na lang ang nakakaalam."
"Hindi talaga kita maintindihan madalas, Rosenda."
Dumako ang paningin ko sa maliit na lamesa kung saan may nakapatong doon na notebook, nung mapansin ni Vicente na nakatingin ako doon ay hinarang niya ang katawan niya.
"Ano iyon?" tinuro ko ang kuwaderno.
"W-wala 'yon."
Gumilid ako para mas makita iyon lalo at muli siyang humarang. "Kuwaderno lang naman iyon, a? siguro, doon mo sinusulat mga hinanakit mo sa akin, ano?"
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...