Kabanata 37

2.2K 142 137
                                    



Hinalikan ng isang lalaki ang kamay ko habang bumubuhos ang malakas na ulan.

"Hasta que nos encontremos de nuevo. Recuerda esto. Recuérdame," sambit niya sa akin.

"Ano'ng ibig mo sabihin?" tanong ko sa kaniya. Ngunit tanging ngiti ang binigay niya sa akin—ngiti na parang namamaalam.

Hindi ko maintindihan ang gusto niyang iparating. Ngunit nananabik ako makita muli ang mga tingin na iyon, gusto ko ulit maramdaman ang mainit na pagdampi ng labi niya sa kamay ko.

"Maiintindihan mo rin. Kailangan ko nang umalis, Dalia."

Iyon ang huli niyang sinabi sa akin bago siya tuluyang naglaho sa dilim. Gusto ko tawagin ang pangalan niya—pero bakit hindi ko na ito maalala? Gusto kong alalahahin ang hitsura niya—ngunit hindi na ito bumabalik sa aking isipan.

Habang lumalayo siya ay nakakalimutan ko ang pangalan niya. Hindi ko maisigaw ang ngalan ng lalaking ito. Naiwan ako sa dilim. Sabay sa pagbuhos ng ulan ay ang aking pagdadalamhati sa lalaking minahal ko na tila isang multo.

"Aray!" sigaw ko nang maramdaman ko na tumama ang mukha ko sa sahig. Nasaan ba ako? Ay, nasa bahay-tuluyan pala ako.

Inayos ko ang sarili ko at gulat akong napatingin sa isang pamilyar na lalaki na natutulog sa banig. "Manuel? Ano'ng ginagawa niya rito?" tanong ko sa sarili.

Napalingon ako sa paligid ko. Hala! Nagkamali ako ng tinulugan kagabi dulot ng kalasingan. Napasapo ako sa ulo ko na masakit. Sigurado ako na magkakapasa itong pisngi ko, solid 'yung pagkahulog ko sa kama!

Pinagpagan ko 'yung saya ko at lalabas na sana ako sa silid ni Manuel nang marinig ko siyang magsalita. "Napaka-ingay mo, binibini," saad nito habang nakatakip ang mata gamit ng braso. "Nagbayad ako sa silid na ito para lang matulog lang sa sahig. Sa susunod na maglasing ka, baka naman ibig mong magyaya?"

Hindi ko na lang binigyan ng atensiyon ang pabungad niya. Dumiretso na ako sa silid ko na katabi lang din pala ng silid ni Manuel. Napaupo ako sa kama ko. Sariwang-sariwa sa aking alaala ang panaginip ko, pero hindi ko man lang maalala ang mukha niya, tanging naalala ko lang ay ang mga salitang sinabi niya.

Bumaba ako sa salas ng bahay-tuluyan at pinaghandaan ako ng nangangasiwa rito ng kape at ensaymada bilang almusal. Ikatlong araw ko na ngayon sa Maynila at nakakabuti naman sa akin ang paglayo ko kay Vicente.

'Di nagtagal ay bumaba rin si Manuel na kinukusot pa ang mata niya't pahikab-hikab pa. Magulo rin ang buhok niya at mamula-mula ang labi nito. Napaiwas naman ako ng tingin.

Kumuha siya ng diyaryo na nakapatong sa mesa at umupo sa katapat kong silya. Dumekuwatro pa siya saka binuklat 'yung diyaryo.

"Kain," pagyaya ko sa kaniya.

Binaba niya nang kaunti 'yung diyaryo kaya tanging nakikita ko lang ay ang mata niya, "Busog pa ako," sagot niya at muling itinaas ang hawak na diyaryo.

"Busog pa ako. Okay. Whatever." Pag-gaya ko sa sinabi niya habang sumisimsim ng kape.

"Ako ay uuwi na mamayang tanghali, ibig mo bang sumabay sa akin?" tanong niya.

Umiling ako. "Ayoko, mamamalagi ako ng limang araw dito. Mayroon pa akong dalawang araw." Tugon ko.

Tahimik lang kami hanggang sa isang babaeng tagapangasiwa ang dumaan, at aksidenteng nahulog niya ang hawak na babasaging plato at mga kubyertos. Tumaginting ito sa sahig.

Tatayo sana ako para tulungan siya ngunit mas maagap si Manuel, lumuhod siya sa harap ng babae at tinulungan niyang pulutin ang mga nabasag na piraso ng pinggan.

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon