PAALALA: Ang kabanatang ito ay maglalaman ng karahasan. Magiging mahaba rin ang kabanata 46 (12k words) kaya sana ay ma-enjoy n'yo ito.
••••
Malamig ang selda kung nasaan ako ngayon. Basa ang sahig, madumi ang paligid, at samot-saring mga iyak at pagmamakaawa ang aking naririnig.
Sinestensyahan ako ng kamatayan ni Don Jaime sa pamamagitan ng pagbitay. Walang kahit anong paglilitis ang gagawin dahil harapan akong umamin sa kaniya ng aking kasalanan.
Pansamantala ako ngayong nakasandal sa malamig na dingding sa bilangguan, nakatulala sa pagkaing ibinigay sa akin na hindi ko maintindihan kung ito ba talaga ay matatawag na pagkain.
Suot ko muli ang kuwintas na binigay sa akin ni Vicente. Masaya ako na tumatakbo pa ang orasan nito; iyon ang senyales na buhay pa ang taong mahal ko.
Nakahawak ako sa rehas ng selda ko habang patuloy na inaalala ang kahahantungan ng buhay ko sa panahon na ito. Siguro nga ay marapat na mangyari sa akin 'to, dahil habang nabubuhay pa ako ay nasa panganib ang mga taong malapit sa akin.
Wala na akong luhang mai-iyak. Sa sobrang pagod ay wala na akong maramdaman, gutom man iyan o uhaw. Unti-unti ko nang nararamdaman ang panghihina ng aking katawan at ilang sandali na lamang ay yayakapin na ako ng kamatayan.
"Nagagalak ka ba sa iyong pananatili rito?" agad na uminit ang ulo ko sa boses ni Don Jaime.
Umupo siya malapit sa akin at tanging rehas lang ang pagitan naming dalawa. Nakasuot ito ng pang-gobernador-heneral na uniporme na hindi naman bagay sa kaniya. Hindi ko siya sinagot.
"Mayroon ka na lamang dalawang araw para mabuhay, kung ako sa iyo ay gamitin mo ang iyong boses dahil sa susunod ay hindi mo na magagamit 'yan 'pag sinasakal ka na ng taling dulot ng iyong kasalanan."
"Mamamatay akong payapa at nagsisisi sa mga kasalanan ko, habang ikaw ay mabubuhay ngunit para ka na ring namatay dahil hindi ka patutulugin ng konsensiya mo." Angil ko.
Natawa siya. Dahilan para umalingawngaw ito sa buong bilangguan. Mga sulo lamang ang nagbibigay liwanag sa lugar na ito na nakasabit sa dingding. Ni hindi ko batid kung umaga na ba o gabi.
"Ang paborito kong pamangkin, kahit kailan talaga ay sobrang tapang mo. Huwag kang mag-aalala, malapit na rin kayong magsama ni ginoong Vicente sa langit," humithit siya mula sa pipa at saka, ibinuga ang usok sa mukha ko. "Sinibak ko na rin sa puwesto ang iyong ama at si Antonio. Kasalanan mo itong lahat, Rosenda, wala kang dulot kun'di pahirap sa pamilya mo."
At marahil ay iyon ang totoo.
"Napakarami mong sinasabi. Oras na mamatay ka, puwede mo nang palitan si Satanas sa kaniyang trono sa impyerno. Doon, puwede kayong maghari at mamuno ng anak mo na si Marco."
Nawala ang ngiti sa kaniyang labi. Nagulat ako nang hilahin niya ang braso ko nang madiin kaya puwersahang napadikit ang pisngi ko sa malamig na rehas. "Lapastangan ka talaga!" hiyaw niya. Mukhang nasagad ko ang pasensiya niya. "Matapos kitang ipapatay, ipapatapon ko ang pamilya mo sa lugar kung saan wala nang makakakilala sa inyo. Maging ang yaman ng pamilya mo ay uubusin ko!"
Panay ang hila niya sa akin kaya naman naiipit na ang mukha ko sa pagitan ng rehas. Sinipa ko siya sa paa kaya nabitiwan niya ako.
Bago ako makalayo ay hinila niya ang buhok ko kaya tumama ang ulo ko sa rehas at napa-aray ako sa sakit. Kinagat ko ang pulsuhan niya kung saan hawak niya ang buhok ko at dinuraan siya mukha. Dahil do'n ay nahablot niya akong muli at sinampal sa pisngi. Sobrang pula na ng mukha niya nang dahil sa inis.
"Puñeta kang bata ka! Huwag mong hintayin na ipapatay ko pati ang buong pamilya mo!" inihagis niya ang hawak na pipa sa semento at tuluyan niyang nilisan ang selda ko.
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...