Kabanata 14

2.6K 158 173
                                    



"Hayaan mo, Adelina, aayusin ko ito," sambit ko. "A-Ano ang ibig mong sabihin?" Dahan-dahan niyang iniangat ang mukha niya para tingnan ako.

"Hindi ko muna sasabihin ngayon pero malalaman mo na lang 'yon."

Napangiti naman siya. "Talaga palang may taglay kang kabutihan. Naulinigan ko sa ibang binibini roon sa kumbento sa Dagupan na isa kang babaeng walang mahal, maliban sa kaniyang sarili."

Naalala ko na naman iyong mga babae roon sa kumbento. Those bitches!

"Hindi 'yon totoo," sabi ko.

"Masaya ako na hindi mo ibig humadlang sa aming pagmamahalan. Ngunit.." nagbago ang tono ng boses ni Adelina na napabuntong hininga. "Sa katunayan n'yan, Rosenda, mukhang nakalimutan na ni Vicente ang aking mga hilig."

"Ano ang ibig mong sabihin?" tanong ko.

"Noong nakita ko siya noong araw na iyon ay bihis na bihis siya at papalabas siya sa kanilang tahanan na tila may ibang pupuntahan. May hawak siya na mga pulang rosas at noong nakita niya ako ay ibinigay niya ito sa akin, ngunit alam niyang hindi ako mahilig sa mga bulaklak."

Naalala ko ang pulang rosas na hawak ni Adelina noon sa pamilihan. Hindi kaya sa akin talaga iyon ibibigay ni Vicente at hindi kay Adelina? Ayaw ko naman mag-isip ng ganoon.

"'Tapos?"

"Ngunit tinanggap ko na lamang iyon," pagpapatuloy niya, "Labis nga akong nagtataka dahil kinuha niya ang bagay na ibinigay mo sa akin na sinabi mong nagpapapasok ng magandang panaginip."

"Ganoon ba?" usisa ko. Ayaw kong isipin na para sa akin dapat ang rosas na hawak ni Adelina noon.

"Ikaw, Binibini, nasaan ang iyong sinisinta?" tanong ni Adelina.

"Ha?" Nagulat naman ako dahil bigla akong napasalang sa hotseat. Dalia, retreat!

"Hindi ba't may dala ka ring bulaklak noon? Nasaan ang iyong minamahal? Nasasabik din akong makilala ang taong nasa likod ng iyong mga ngiti."

"E, sikreto na muna 'yon. 'Wag kang maingay, a." Tumayo na ako at saka, nag-bow sa kanya. "Mauuna na ako, Adelina. Salamat sa 'yo."

"Ganoon din ako, Rosenda. Nawa'y sumaya ka sa piling ng iyong nobyo."

Hindi na ako sumagot at kumaripas na ako ng takbo papalabas sa simbahan bago pa niya ako bombahin ng mga tanong tungkol sa kasintahan ko na hindi naman talaga nag-e-exist.



HINDI AKO MAPAKALI habang nakatitig sa liham na isinulat ko para kay Vicente.

Abril 1, 1889

Vicente,

Punta ka ngayon dito. Magkita tayo sa may ilog. May tsika ako sa 'yo.

-Boss Rosenda

Ginaya ko pa talaga iyong pirma ni Rosenda na nakita ko sa diary niya para mukhang makatotohanan iyong sulat ko.

Ibinigay ko na ito kay Normita at parang kinikilig pa siya. "Senyora, mukhang mapapaaga ang kasal ninyong dalawa dahil sa pagpapalitan n'yo ng liham ni Heneral."

"Ha? Hindi. Mali ang iniisip mo," sabi ko pa.

Mukhang hindi naniwala si Normita dahil nakangiti pa rin siya sabay talikod sa akin. Nandito na ulit ako ulit sa mansiyon. Bumalik ako bago pa man ang pa-one hour curfew ni Ina.

Pasado alas-nuebe na ng umaga. Ipinadala ko na ang liham kay Vicente at sigurado ako na maya-maya lang ay narito na siya.

Naghihintay na ako sa ilog namin sa likuran ng mansiyon. Nakaupo ako sa lupa habang nakatingin sa napakagandang view sa harap ko. Napa-buntonghininga naman ako nang dahil sa gagawin kong desisyon.

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon