Sabay naming pinagmasdan ni Vicente ang paglubog ng araw. Nakaupo kami sa buhangin habang nakasandal ako sa balikat niya. Ang kaninang kulay kahel at lilang kalangitan ay napapalitan na ng kadiliman.
"Mahaba-haba pa ang preparasyon bago ang kasalan natin sa ika-24 ng Disyembre." Si Vicente ang bumasag ng katahimikan.
"Ika-24 ng Disyembre?" tanong ko sa kaniya.
Tumango siya at hinalikan ako sa noo. "Opo, mahal ko, hindi ba't iyon naman ang nakatakdang araw ng kasal natin?"
Napahawak ako sa kuwintas ko, saka lang bumalik sa akin ang lahat; na sa ika-24 ng Disyembre, lilisanin ko na si Vicente. Nanuyo agad ang lalamunan ko at sinubukan kong pigilan ang luha na nagbabadya.
"Mahal ko," sambit ko. "Puwede bang ganapin na lang ang ating kasal sa unang araw ng Disyembre?"
"Sabik kang mapangasawa ako, a?" pagbibiro niya. Siniko ko siya. "Bakit nais mo itong mapaaga?"
"Kasi..." napahinga ako nang malalim. "Kasi hindi na ako makapaghintay na maging asawa mo."
"Bueno, kung ano ang ninanais ng aking prinsesa ay doon ako." Hinalikan niya ang kamay ko.
"Kaya pala nitong nakaraan ay ubod ka nang lambing, lalo na noong nagpunta tayo sa pamilihan sa Maynila, at bakit mo pala 'ko iniwan malapit sa patahian?"
"Kasi, nagpatahi na ako ng barong." Aniya.
"A, tapos 'yong niyaya ako nina Kuya Antonio at Leonardo sa plaza, ano'ng mayro'n?"
"Dahil nagtungo ako sa inyong tahanan upang pormal na hingiin ang iyong kamay sa'yong ina," paliwanag niya. "Ilang oras din kaming nag-usap, Senda. Sinabi niya ang mga bilin sa akin lalo pa't ikaw ang nag-iisa niyang anak na babae."
"Kaya pala mangiyak-ngiyak si Ina kanina bago ako umalis, hindi ko alam na may pinaplano na kayo."
"Sayang nga at hindi matutunghayan ni Manuel ang pag-iisang dibdib natin," napatango ako. "Pero batid ko naman na masaya siya para sa atin."
"Oo naman, wala naman siyang ibang hangad kun'di ang kaligayahan nating dalawa."
"Senda?"
"Inte?"
"I lab-yu," natawa ako sa tono ng Ingles niya. Napasingasing pa ako.
"I love you too."
"Bakit sa'yo, magandang pakinggan? Ang hina ko talaga sa wikang Ingles," napakamot siya sa ulo. "Dibale, kapag asawa na kita, mas marami na tayong oras para maturuan mo naman ako ng mga bagong kaalaman. Ano sa Ingles ang 'hindi kita iiwan?'" tanong niya.
"I won't leave you."
"Ay wot liv yu..." paggagaya niya, panay naman ang pagtawa ko. "Ano ba, Senda?" nahiya tuloy siya bigla.
"Biro lang, kasi naman, ayusin mo, Inte."
"Inaayos ko naman, Binibini." Napatikhim pa siya.
Tumayo na lang ako at inilahad ang kamay ko sa kaniya. "Tara na, Inte, kumagat na ang dilim," wika ko. "Baka ikaw pa ang kagatin ko riyan." Bulong ko.
"Ano kamo?"
"Wala, sabi ko, ang guwapo mo."
"Batid ko iyon." Tugon niya.
"Aba, at yumabang ka na, a? Kailangan mo na yatang dumistansya kay Leonardo."
"Ganoon talaga kapag mapapangasawa mo ang isang napakaganda at napakabait na babae," kumindat pa siya saka, hinawakan ang kamay ko. "Tara na."
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...