Kabanata 15

2.9K 162 81
                                    



Third Person's Point Of View

BINONDO, MANILA, 2005

Tatlong taon na rin simula nang magtrabaho ang binata na si Tope sa hacienda Lafuente. Maganda ang pakikitungo sa kaniya ng pamilya na ito at pati na rin ang kaniyang mga ka-trabaho. Sa paglipas ng tatlong taon na iyon sa kaniyang buhay ay kahit papaano nawaglit sa kaniyang isipan ang plano na tapusin ang kaniyang buhay.

Kasalukuyang binasbasan ng isang pari ang kabaong ng yumaong lolo ni Dalia na si Fernando. Umiiyak sa gilid ang ina at ama ni Dalia na magkayakap, at lalo na ang lola ni Dalia na si Leonora.

Napansin ni Tope ang batang si Dalia na nakaupo lang habang itinataas at ibinababa ang kaniyang mga paa dahil nakalutang ito sa ere mula sa kaniyang kinauupuan. May hawak din siyang kendi na masaya niyang ninanamnam. Tila ba ay hindi niya batid ang lungkot na nangyayari sa kaniyang paligid. Naisip ng binata na ang suwerte ng bata, sapagkat hindi pa nito naiintindihan ang nangyayari sa paligid.

Nakasuot ng kulay itim na polo si Tope, pati na rin ang kaniyang mga kasamahang magsasaka at lahat sila ay nakayuko lamang habang nakikinig sa dasal ng isang pari bago ilibing si Fernando bukas nang umaga.

Isang iyak ng bata ang umalingangaw sa paligid nila at napatingin ang mga tao kay Dalia na hinihila sa damit ang kaniyang ina at ama na para bang gusto niyang magpapansin.

"Mommy, Daddy, why are you crying?" tanong ng bata habang patuloy na umiiyak. Pinatahimik siya ng kaniyang ama dahil may pari na nagdarasal.

Anim na taon na si Dalia, at tatlong taon na rin ang nakalipas simula nang iligtas siya ni Tope mula sa tulay.

Hindi napansin ng kaniyang mga magulang si Dalia, sa dahilan na rin na okupado sila sa sakit na kanilang nararamdaman. Umupo na lamang si Dalia at ibinaon ang mukha sa kaniyang mga palad dahil sa lungkot at hindi siya binibigyan ng atensiyon ng kaniyang magulang.

Natapos na ang misa at naiwan ang batang si Dalia sa kaniyang kinauupuan.

Kinausap naman niya ang kanyang pink na teddy bear at iyon na lamang ang nagsilbing kaibigan niya. Abala ang kaniyang mga magulang at lola sa pagbati sa mga bisita na dumalo sa lamay. Ang kaniyang nakababatang kapatid na si Delilah ay maagang natulog.

Nahabag ang loob ng binata sa hitsura ni Dalia, kaya dahan-dahan niyang nilapitan ito.

"Dalia," pagtawag ng binata.

"Bakit po?" tanong ng bata habang abala pa rin sa paglalaro at sa pag-iyak.

"Wala ka bang kalaro?" mahinahong tanong ng binata. Tinabihan niya si Dalia at binigyan siya nito ng isang Barbie na manika.

"Wala po. Si Mommy at Daddy ay kanina pa umiiyak. Hindi na ba nila ako mahal?" tanong ng bata. At saka nito kinamot ang kaniyang mga namumulang mata.

"Halika rito," inialok ni Tope ang kamay sa bata at hinawakan naman ito ni Dalia.

Kinarga ni Tope ang bata at inilapit sa kabaong ng kaniyang yumao na lolo na si Fernando. "That's lolo. Kanina pa siya natutulog. Lolo, wake up!" Hinampas pa ng bata ang salamin nang mahina.

"Dalia, si lolo Fernando mo, habambuhay na siyang matutulog," tugon ng binata. Nais niyang ipaintindi sa bata ang nangyayari upang maalala nito ang kaniyang lolo kahit pa tumanda na ito.

"Why?" tanong nito. Iniayos ni Tope ang pagkakabuhat kay Dalia.

"Makakasama na niya si God sa Heaven at doon sasaya siya at gagabayan ka niya hanggang sa lumaki ka. Nakita mo mukhang masaya si lolo mo, hindi ba? Umiiyak sina Mommy at Daddy mo dahil malungkot sila pero masaya rin sila kasi hindi na mapapagod si lolo Fernando mo."

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon