Kabanata 49

2.8K 134 180
                                    



Kinaumagahan, sabay kaming nagdilig ni Vicente ng mga halaman ni Don Adolfo sa hardin. Matapos no'n, magkatabi kaming naupo sa marmol na upuan. Pinunasan ko ang pawis niya sa leeg gamit ang panyong dala ko at natigilan ako noong mapansin ko ang bahaging 'yon ng katawan niya na may sugat.

"Nakatingin ka na naman sa leeg ko," puna niya saka, iniwas ang leeg sa akin.

"Sino ba ang gumawa sa'yo niyan?"

"Hindi ba't sinabi ko na sa iyo na tinamo ko ang sugat na 'to noong gabing hinanap kita sa bayan?"

Kahit iniiwas niya, sinalat ko pa rin ang leeg niya at marahang hinaplos ang sugat no'n. At kahit hindi niya aminin, ang sariling alaala ko na ang nagpaalala sa akin kung ano ba talaga ang nangyari noong gabing 'yon.

Ala-una ng madaling araw noong kinuha ko ang isang punyal mula sa dampa na tinitirhan ko pansamantala sa kampo ng mga rebelde. Humarap ako sa salamin at ngumiti sa aking sarili.

"Ngayong gabi, ika'y mapapasa'kin, Immanuel, at wala nang hahadlang pa. Kahit ikaw, Dalia." Wika ko sa sarili at inikot-ikot ko pa sa buhok ko ang dulo ng patalim.

Isang nakakakilabot na ngiti ang sumilay sa labi ko. Matapos noon ay nagtungo ako sa kabilang dampa kung saan natutulog si Vicente. Inialis ko ang kumot na nakataklob sa kaniyang mukha at sinugatan ang kaniyang leeg gamit ang patalim na hawak ko.

Dagling nagising si Vicente na idinilat ang kaniyang mga mata.

"R-Rosenda?" Nagtataka niyang sambit habang hawak ang leeg niya na nagdurugo. Hindi ko naisakatuparan ang balak ko na wakasan nang tuluyan ang buhay niya. Bumangon siya sa kama kahit napapaimpit sa sakit. "Ano'ng nangyari? Halika rito." Wika niya.

Bakit hindi sumasama ang loob niya sa akin? Isa ba siyang manhid o hibang?

Hindi na ako nagsalita pa, sa halip ay tumakbo ako palayo at mag-isa kong tinahak ang masukal na kagubatan ng San Isidro hanggang sa matanaw ko ang lagusan na kumukonekta sa dalawang bayan.

Hawak ang punyal at isang lampara, buong-buo na ang loob ko na gawin ang inaasam. Sa kasamaang palad, mas malakas ang isipan at diwa ni Dalia kaysa sa akin dahil ito ay katawan niya.

At noong marating ko ang bayan ng De la Vega, madilim, maingay, at nakakatakot na paligid ang tumambad sa aking harapan...

Napatakip ako sa aking bibig nang dahil sa nalaman ko. Ang patalim na hawak ko noong gabing 'yon, iyon pala ang ginamit ko noong pinagtangkaan ko ang buhay ni Vicente.

Napatitig ako kay Vicente. Paano niya nasisikmura na tanggapin ang ginawa ko sa kaniya? Bakit itinatago niya ang katotohanan na 'yon sa akin?

"Bakit?" tanong ko sa kaniya, "bakit itinatago mo ang lahat?"

Hinaplos ko ang leeg niya gamit ang hinlalaki. "Wala ito, mahal ko. Malayo sa bituka."

Napailing ako at bigla na lang tumulo ang luha ko sa pisngi. Hindi ko alam kung bakit nakakayanan ni Vicente na pagtakpan ang ginawa ko na parang wala siyang alam.

Napansin ko na unti-unting naghihilom ang sugat niya, ngunit ang nararamdaman kong konsensiya ay hindi na mawawala.

"Sabihin mo sa akin, Vicente, sino ang gumawa nito? Hindi ba't ako? Huwag kang magsisinungaling sa'kin."

Pakiusap, Vicente, sabihin mo ang totoo.

"Paanong ikaw? Habang hinahanap kita noong gabing yaon, may isang guwardiya sibil ang sumugat sa aking leeg gamit ang patalim."

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon