PAALALA: HUWAG ninyong babasahin ang kabanata na ito kung hindi niyo pa nababasa ang mga naunang kabanata.
Ito ay maglalaman ng storya nina Lihima at Victor na una niyong nabasa sa ika-27 na kabanata ng nobelang ito.
Ito ang katotohanan sa likod ng nobelang pinamagatang 'Ang Aking Lihim'.
••••
ANG AKING LIHIM
LAS ISLAS FILIPINAS, 1665
Malakas na ihip ng hangin ang dumampi sa katawan ni Lihima. "Lihima, nangangako ka bang magagampanan mo ang misyong nakaatang sa'yo?"
"Ang katapatan ko'y inyong asahan, Inang Diwata..." Yumuko ang dalaga bilang pag-galang sa reyna ng mga diwata na nakatataas sa kaniya. Misyon niya ang tumuntong sa mundo ng mga tao upang parusahan ang binatang nagngangalang Victor na siyang pumutol sa puno na minsan nilang tinirhan at iningatan sa loob ng ilang daang taon. Imortal kung ituring ang mga diwatang kagaya ni Lihima. May kakayahan din silang magpagaling ng sinumang may malalang karamdaman at mayroon din silang napakagandang tinig na tiyak na kahit sino ang makarinig noon ay mahahalina.
Sa mundo ng mga diwata, si Lihima ang namumukod-tangi sa kanila. Madalas siyang laman ng usapan ng mga kapwa niya diwatang dalaga na nakakaramdam ng inggit sa kagandahang taglay niya. Ang mga kalalakihan naman ay pilit na ipinaglalaban ang pag-ibig nila sa dalaga ngunit ni minsan ay hindi nagawang magmahal ni Lihima sa kapwa diwata niya.
Noong marating niya ang mundo ng mga tao ay napatingin siya sa kaniyang sarili; hindi na napapalibutan ng liwanag ang kaniyang katawan at ramdam niya kaagad ang panghihina dala ng pagiging mortal niya pansamantala.
Ngunit kahit mortal ang kaniyang katawan ay may kakayahan pa rin siyang magpagaling ng mga tao.
Nakayapak ang dalaga habang binabaybay ang bayan ng De la Vega. Mahaba ang kaniyang suot na bestidang puti at naaapakan na niya ito habang siya ay naglalakad at sinusuri ang paligid niya.
Ibang-iba ang mundo ng mga tao sa kanilang mundo. Kung sa kanilang mundo ay napakaraming mga puno, bulaklak, at mga taong palaging masaya, sa mundong inaapakan niya ngayon ay tila ba abala ang lahat. Hindi pangkaraniwan ang mga tahanan na kaniyang nakikita dahil ang tahanan ni Lihima ay isang malaking puno at doon ay maraming mga makukulay na bulaklak.
Lagpas beywang ang kaniyang itim na buhok—nililipad ito habang mabagal siyang naglalakad dahil sa malakas na ihip ng hangin.
Isang kutsero ang napasigaw kung kaya't dagling nilingon iyon ni Lihima. "Tabi!" hiyaw nito kaya nagitla ang dalaga dahilan para bumagsak ito sa lupa. "Dios mio! Hindi ka ba marunong tumingin sa dinaraanan mo, Hija?" tanong ng matandang kutsero na ngayon ay nakahinto na ang kalesa dahil sa nangyari.
Hindi nakapagsalita si Lihima. Nagtataka siya kung bakit ginagawang sakayan ang mga kabayo na kaibigan niya sa kanilang mundo.
Anong klaseng pamumuhay ang mayroon ang mga mortal na tao? Bakit ginagamit nila ang kabayo sa ganoong paraan? Sa isip-isip niya.
Nanatiling nakasalampak sa lupa si Lihima, hanggang sa bumaba ang isang lalaki na kung huhulaan niya ay nasa treinta anyos na ang edad o higit pa. Mestizo, maamo ang mukha, at maganda ang postura maging ang tindig nito. Sa pananamit pa lang niya ay hindi mapagkakaila na respetado sa bayan na 'yon ang lulan ng kalesa.
Nilahad niya ang kamay sa dalaga na ngayon ay balisa. "Ikaw naman, Narding, masiyadong mainit ang iyong ulo," tinignan niya ang dalaga na ngayon ay tahimik pa rin. "Tumayo ka riyan, Binibini, baka isipin ng mga tao rito na lapastangan ako sa kababaihan." Kalmadong saad nito.
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...