Nanginginig ang aking mga tuhod dahil sa parusang binigay sa akin ni ama. Nakaluhod ako ngayon sa mga asin na inilagay sa isang bilao habang naka-diretso ang aking dalawang kamay, at may dalawang libro ang nakapatong dito.
"Isang kahihiyan ang ginawa mo, Rosenda! Harap-harapan mong ipinakita na ipinagtanggol mo ang taksil na Vicente na iyon!" sigaw ni ama. Nandito ako ngayon sa opisina niya, pilit siyang pinapakalma ni Ina at ni kuya Antonio.
"Ama, kanina pa si Senda nakaluhod sa bilao, baka nais mo naman pagpahingahin--"
"Tumigil ka, Antonio, ibig mo ba pumalit sa kapatid mo?" tanong ni ama. Nangingilid na ang luha sa mata ko.
"Kung iyon ang natatanging paraan upang mabawasan ang sakit na nararamdaman ng aking kapatid, marapat na ako na lang ang inyong parusahan," wika ni kuya Antonio.
"Bueno, Rosenda, tumayo ka d'yan. Hayaan mo ang Kuya mo ang mag-sakripisyo sa sariling kahibangan na ginawa mo. Ipinahiya mo ang ating pamilya, harapan mong ipinagtanggol si Vicente sa harap ng madla at sa harap ng opisyales. Wala ka nang itinirang kahihiyan sa pamilyang ito," buwelta ni Ama.
Lumapit si kuya Antonio para pumalit sa akin, "Bunso, hayaan mong si Kuya na lang ang lumuhod diyan. Hindi ko maatim na makita kang ganiyan." Bumuhos na ang luha ko sa sinabi ni kuya Antonio. Gusto ko siyang akapin, pero ayoko na madamay siya sa kagagawan ko.
"H-hindi na, Kuya. May isang oras na lang ako dito..kakayanin ko," nanginginig kong sinabi.
Ni minsan hindi ako naparusahan ng ganito ni Daddy, ni minsan hindi niya ako sinaktan. Kung ano ang buhay na dinanas ni Rosenda, dinadanas ko ito ngayon.
Lumuhod si Kuya sa harap ko at inalis ang dalawang libro sa aking dalawang kamay. Hinalikan niya rin ako sa noo at niyakap. "Magpahinga ka na, bunso. Marahil ay pagod na ang iyong katawan," niyakap ko nang mahigpit si kuya Antonio at doon ay humikbi sa kaniya.
"Kuya, patawad." Saad ko.
"Hayaan mo, kantahan mo na lang ako ng nakakagiliw bilang bawi," tugon niya.
Hindi ko akalain na magsasakripisyo si kuya Antonio para sa akin kahit na hindi niya ako tunay na kapatid. Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal niya para sa akin.
Samantala, umiiyak si Ina sa isang sulok at pilit na kinakausap si Ama na matalim ang mga tingin sa akin. Si Angelita naman at Normita ay magkayakap na pinapanood ang eksena na nangyayari sa akin. Kinuha ko muli ang dalawang libro at ipinatong iyon sa magkabilang kamay ko.
"Hindi ko hahayaan na maparusahan ka Kuya, kasalanan ko ito," sabi ko sa kanita.
"Senda--" hindi na niya natuloy ang kaniyang sinabi dahil naramdaman ko ang paninikip ng aking dibdib, dahilan para mabitiwan ko ang dalawang libro at tuluyan na akong bumagsak sa sahig.
Isang sampal ang natanggap ni Rosenda mula sa kaniyang Ama sa kadahilanang napuno na ito sa kaniyang kasutilan. Nakaluhod ito sa bilao na may laman na asin at nakapatong ang dalawang libro sa magkabila niyang kamay.
"Mierda! Hindi ba't binawalan na kitang dumayo sa bayan ng San Isidro?!" sigaw ng kaniyang Ama.
Napakagat na lamang sa labi si Rosenda, hindi batid ng kaniyang ama na pilit niyang hinahanap ang binata na kaniyang napupusuan..si Immanuel Ballesteros.
"Ama, pakiusap, huwag mo saktan ang aking kapatid!" pagsusumamo ni Antonio na hawak ang kamay ng Ama na akmang sasampalin muli si Rosenda.
"Kung gayon, ibig mo bang pumalit sa katayuan ng iyong kapatid?" Tanong ni don Fabio. Umiiyak naman ang kanilang Ina na si Macaria sa isang sulok, marahil ay alam niya na wala siyang karapatan pigilan ang asawa sa mga ganitong pagkakataon.
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...