Kabanata 13

2.6K 158 139
                                    

"Rosenda, siya ang ginoong tinutukoy ko sa 'yo sa kumbento," masayang paglalahad ni Adelina. "Siya ang táong iniibig ko, si Vicente."

"S-Siya?" mahina kong saad. Parang walang salitang lumalabas sa bibig ko.

Saglit akong napatingin kay Vicente. Halatang siya ay gulat din. Alam niya na magkikita dapat kami, at alam niya ring naghintay ako.

"Vicente, siya ang babaeng tinutukoy ko sa 'yo na naging kaibigan ko bago ko lisanin ang kumbento."

Hindi nagsalita si Vicente. Nakatingin lang ito sa ibaba. "Masama ba ang iyong pakiramdam, Vicente?" tanong ni Adelina.

Napatingin ako nang akmang hahawakan ni Adelina ang kamay ni Vicente pero nagulat siya nang hindi niya ito hinawakan pabalik. Nakita ko rin ang pulang rosas na hawak ni Adelina.

Wala pa ring imik si Vicente. Pati ako ay parang na-istatwa sa kinatatayuan ko.

"M-Masaya ako para sa inyo." Inayos ko ang sarili ko at saka, ngumiti. "Masayang-masaya," dagdag ko pa.

"Kanino galing ang mga bulaklak na 'yan?" tanong ni Adelina. Itinuro niya ang hawak kong mga bulaklak. "Sa iyong sinisinta ba nanggaling 'yan? Hindi ba't may liham siya sa iyo sa kumbento? Sana ay makilala ko rin ang iyong kasintahan."

"Oo, sa aking mahal nanggaling ang mga ito," sabi ko.

Napatingin bigla si Vicente sa akin na kanina pa nakatingin sa ibaba. Punò ng pagtataka ang mga mata niya. Iniwas ko naman kaagad ang tingin ko.

"Kasama mo ba siya? Bakit ka nag-iisa, Rosenda?" tanong pa ni Adelina. Gusto ko nang umalis. Parang ang bigat ng pakiramdam ko.

"Kasama ko siya. Sa totoo niyan, hinihintay na niya ako sa labas," pagpapalusot ko.

Inilabas ko galing sa bulsa ng baro't saya ko ang dream catcher na ginawa ko para kay Vicente. Ito ang ginawa ko at pinabili ko pa kay Angelita ang mga kagamitan para magawa ito.

Ito sana ang ibibigay ko para kay Vicente kung nagkita kami sa karagatan.

"Ano 'yan?" tanong ni Adelina. Iniangat ko ang dream catcher gamit ang kamay ko.

"Ang bagay na ito ang sumasalo ng masasamang panaginip, at pinapapasok nito ang mabubuting panaginip. Para sana sa isang kaibigan ito pero mas bagay ito sa 'yo. Sa 'yo na lang, Adelina." Iniabot ko sa kaniya ang dream catcher na ginawa ko at napangiti siya. Alam kong hindi pa uso ang ganoon sa panahon nila ngayon. "Gawa ko 'yan," sabi ko.

"Maraming salamat. Napakaganda ano, Vicente?" Napatingin siya kay Vicente at pinakita niya ang gawa ko. Tumango lang si Vicente. "Napakabait mo talaga, Rosenda. Sigurado akong mahal na mahal ka ng lalaking pumukaw sa iyong puso."

"Mahal na mahal talaga ako no'n," tinignan ko si Vicente, "Mauuna na ako," ani ko. Hindi ko alam ang pumasok sa isip ko at nasabi ko iyon.

Tumalikod na ako para umalis. Pilit akong lumulunok dahil may mga nagbabadyang luha sa aking mga mata.

Malayo na ako sa kanila, at hindi ko alam pero naglakad lang ako. Ayaw kong sumakay ng kalesa. Hindi ko alam kung ano itong nararamdaman ko. Kaya pala ay hindi niya ako sinipot kasi bumalik na ang datì niyang kasintahan. Ni minsan ay hindi siya sa akin nabanggit ni Vicente.

Pero, wala naman akong karapatan, 'di ba? Tutal naman, may misyon ako rito at wala ako rito para umibig. Hindi na dapat ako nakikisawsaw sa ganito. Dapat ay alam ko ang lugar ko.

Huminga ako nang malalim habang naglalakad. May nadaanan ako na lugawan at doon ay umupo ako sa pahabang kahoy na upuan. Kakain na lang ako.

"Binibining Lafuente, hindi ko inaasahan ang iyong presensiya sa aking lugawan," sabi ng isang babae na medyo mataba. Hindi siguro niya in-expect na ang kagaya ni Rosenda na mayaman ay kakain sa lugawan.

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon