"Sa wakas, nagkita rin tayo." Wika ng isang babae na nakaitim na belo. Nandito kami ngayon sa karagatan ng hangganan.
"Sino ka?" tanong ko. "Ikaw ba ang taong kumokontrol sa pagkatao ko?"
Nasilayan ko ang ngiti sa labi niya kahit hindi iyon gaanong kita. May hawak siyang isang pulang rosas, nagdurugo na rin ang daliri niya dahil sa tinik nito.
"A-Ang kamay mo," tinuro ko ang kamay niya na nagdurugo na. Tumawa siya bigla dahilan para magtaasan ang balahibo ko.
Parang hindi alintana sa kaniya ang kamay niyang nagdurugo na, hawak pa rin niya ang pulang rosas at tuloy pa ring umaalingawngaw ang tawa niyang nakakakilabot.
Lumapit siya sa akin at napako ako sa kinatatayuan ko. Nilapit niya ang kaniyang bibig at binulong sa tainga ko ang salitang:
"Tú y yo somos uno."
Napabangon ako sa hinihigaan ko at naramdaman ko agad ang pananakit ng dibdib, ulo, at ng katawan ko. Napahawak ako sa sentido ko na pumipintig. Panaginip lang ba ang lahat?
Agad kong inalala ang nangyari. Nalugmok naman ako dahil inakala ko na totoong buhay si Vicente. Talaga ngang nagdedeliryo na ako.
Napatingin ako sa paligid ko, nandito pa rin ako sa lugar kung saan nanaginip ako. Maraming rebulto ng mga santo at rosaryo na nakasabit sa kubo na ito. Pumapalagaspas din ang pawid dahil malakas ang hangin.
Nakaramdam ako agad na parang may kulang at may butas sa puso ko. Kahit papano ay masaya ako dahil napanaginipan ko si Vicente. Kahit sa ilang minuto na pag-uusap namin ay alam ko na dinalaw niya ako.
Hinawakan ko ang kuwintas ko. "Vicente, pinaasa mo ako dun, a." Hinalikan ko ang palawit nito at itinago na iyon sa loob ng saya ko.
'Di nagtagal ay nakarinig ako ng mga yabag mula sa loob ng kubo. Gawa lang sa kawayan ang tahanan na ito kaya bawat yabag mo ay rinig ang langitngit ng kawayan.
May dalang mga kahoy pang-gatong ang lalaking nakikita ko at wala itong saplot pang-itaas. Nakatalikod siya at ibinaba niya ang mga kahoy sa sahig. Pinagpagan niya ang pantalon niyang kulay itim. Saka ko lang naamoy ang masarap na putahe ng nilagang baka mula sa pugon. Abala ang lalaki na magluto habang maingat niyang hinahalo ang mga rekados.
Naramdaman ko na biglang nanuyo ang lalamunan ko dahilan para mapa-ubo ako nang malakas. Nanginig pa ang balikat ko dahil sa tindi ng pag-ubo ko.
Nakuha ko ang atensiyon ng lalaki dahil do'n. Hinarap niya ako at habang papalapit siya ay mas nakikita ko nang maayos ang mukha niya.
Imposible.
Si Vicente?!
"Gising ka na pala," wika niya.
Sa pagkakataong ito, hindi ako nakagalaw. Nanlaki lang ang mga mata ko habang nakakapit sa kumot.
Pinagmasdan ko siya at umupo siya sa gilid ng kamang hinihigaan ko. Nanatili akong nakatitig sa kaniya.
"Ayos ka lang ba? Hindi ka na kumukurap." Dinampi niya ang kamay sa noo ko. "Kagabi ka pa nilalagnat." Aniya.
Tila isa akong estatwa ngayon na walang kurap na nakatitig sa kaniya. Pakiramdam ko ay hihimatayin ulit ako. Parang sasabog ako sa kasiyahan, gulat, at pagtataka.
Nandito si Vicente. Nandito siya.
Kinuha niya ang puting kamiso at sinuot ito nang mapansin niya na wala siyang saplot pang-itaas. Umupo ulit siya sa gilid ng kama at tinignan ako na parang nababahala na siya sa nangyayari sa'kin.
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...