Kabanata 33

2.6K 160 131
                                    

Unang pagkakataon na magkakaron ng point of view mula kay ginoong Vicente. Enjoy!

VICENTE DE LA VEGA

Mag-isa akong nakatayo habang nakatingin sa magandang tanawin sa karagatan ng hangganan. Napabuntong-hininga na lamang ako habang iniisip ang mga bagay na bumabagabag sa aking isipan.

Alas-sais na ng gabi ngayon, lumubog na ang araw at mala-rosas at kulay kahel na langit ang aking natutunghayan.

Nakarinig ako ng papalapit sa akin kaya agaran akong tumalikod upang harapin kung sino iyon—isa itong babae na kulay itim ang kasuotan maging ang belong nakatakip sa mukha, tila nagluluksa ito. Tanging mata lang niya ang naaaninagan ko.

"Ikaw..." panimula niya noong magkatama ang tingin namin.

"Binibini, ikaw ba ay naliligaw?" tanong ko sa babae na ngayon ay walang imik. May galit sa kaniyang mga mata na hindi ko maipinta.

Nagitla ako nang humakbang siya papalapit sa akin. Kinikilabutan ako sa presensiya niya ngayon. Hindi ako madaling masindak ngunit iba ang awra na bumabalot sa babaeng nasa harap ko ngayon.

"Higit pa sa kamatayan ang kabayaran sa bagay na iyong nagawa," humihikbi na ang babae ngayon dahilan para kumunot ang noo ko sa sinasabi niya.

"H-Hindi kita maintindihan, binibini. Masama ba ang iyong pakiramdam? Sasamahan kita sa pagamutan—"

"Isusumpa kita Vicente, sinusumpa kita." Wika ng babae at ang kaninang mga pagtangis at hikbi niya ay napalitan na ng pagtawa, tawa na nagpataas sa lahat ng balahibo sa aking katawan. "Magsisisi ka sa iyong ginawa. Isa-isa mong matutunghayan ang pagkamatay ng iyong mga mahal sa buhay." Aniya.

"Sino ka? Ano ang ngalan mo?" nilabas ko ang rebolber mula sa aking bulsa at itinapat ito sa kaniyang dibdib.

Hindi umimik ang babae. Sa halip ay dahan-dahan niyang inangat ang kaniyang itim na belo upang ipakita ang kaniyang mukha.
"Kuya!" napabalikwas ako ng pagbangon sa boses ni Julieta.

Masamang panaginip lang pala ito. Napahawak ako sa binigay ni Rosenda na regalo kung saan tinatawag niya itong 'dream catcher'. Mukhang hindi gumana ang bagay na ito sa masama at nakakatakot na panaginip na iyon.

"Mamaya mo na ako abalahin, Julieta, por favor," saad ko sa aking kapatid. Wala naman na siyang nagawa kun'di ang umalis at tigilan ang kaniyang pagkatok sa aking silid.

Napansin ko ang pawis na tumutulo ngayon sa sentido ko, bumangon ako mula sa aking kama at binuksan ang malalaking bintana. Napatingin ako sa salamin at tinitigan ko ang sarili kong repleksyon.

Ano ang ibig sabihin ng panaginip na iyon at sino ang babae sa likod ng itim na belo?

Naalala ko ang kuwintas na binigay sa akin ni padre Alvaro. Iyon ang kuwintas na binigay ko kay Rosenda. Sinabi sa akin ni padre Alvaro na ang kuwintas na 'yon ay may laman na isang kahilingan lamang. Kung may nais ako hilingin, marapat daw na malaman niya kung ano ito.

Gamitin ko raw ang kahilingan na 'yon upang isalba ang aking sarili sa kapahamakan. Kapahamakan na magpapabago sa aking kapalaran.

Noong siya ay aking tanungin ay hindi raw niya marapat na isiwalat ang kaniyang nalalaman, dahil oras na gawin niya iyon, hindi magkakaron ng bisa ang kaisa-isang kahilingan na taglay ng kuwintas.

Ibig ko ito ibigay sa aking magiging anak hanggang sa maipasa niya ito sa susunod na henerasyon. Ngunit alam kong mas kailangan ito ni Rosenda. Mas pipiliin ko ang sarili niyang kaligtasan kaysa sa akin. Siya ang aking uunahin sa lahat ng bagay, kahit pa isakripisyo ko ang sarili kong buhay para sa kaniyang kapakanan.

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon