Kabanata 30

2.3K 144 94
                                    



"Hindi mo ba ibig galawin ang agahan mo?" tanong ni Ama habang kami ay nasa hapag-kainan. Napansin niya siguro na kanina pa ako nakayuko.

"Kasalukuyang nagpapagaling si Koronel Hidalgo sa pagamutan dito sa ating bayan. Nagtamo siya ng dalawang tama ng baril sa kaniyang magkabilang binti," sabi pa niya.

"Nais din niya paunlakan ko ang kaniyang mungkahi na dalhin ka sa Inglatera at doon na lamang ganapin ang sagradong matrimonyo sa pagitan ninyo." Dagdag pa nito.

Napabitaw ako sa hawak kong kubyertos, "At pumayag ka?" Sabay-sabay na napatingin sa amin sina kuya Antonio, Leonardo, tiya Marcella, at si Ina.

Hinawakan ni kuya Antonio ang kamay ko na nasa ilalim ng mesa at nabasa ko kaagad sa kaniyang mukha na nais niya akong pigilan sa paraan ng pananalita ko.

"Rosenda, masiyado yatang matabil ang dila mo," seryosong wika na Ama na ngayon ay hindi na ginagalaw ang pagkain niya, "Hindi ko pa napagdedesisyunan ang inihain na preposisyon sa akin ni Hidalgo, at huwag mo ako pwersahin na gawin ang desisyon na hindi mo nanaisin." At tinuon niya na ang atensiyon sa kinakain.

Hinaplos naman ni kuya Antonio ang aking kamay, hindi ko magawang galawin ang nakahandang putahe ngayon kahit pa masarap ito.

"Bueno, tayo ay kumain na at hindi tayo matutunawan kung puro nakabusangot ang narito sa hapag-kainan. Kumain na tayo, por favor." Sabad ni Leonardo na pilit pinapagaan ang mabigat na atmospera sa pagitan namin ni Ama.

"Sino ba ang nagluto ng baka na ito? Ubod ng sarap!" wika niya sabay subo sa pagkain.

"Si Angelita nagluto n'yan, Leo." Sagot ni Kuya.

"Talaga ba?" napatingin siya kay Angelita na abala sa pagpupunas ng mga muebles, "Kung gayon, suwerte ang mapapangsawa ni binibining Angelita."

Napansin ko na napatingin si Angelita kay Leonardo at agad na umiwas, pero nahuli ko ang kaniyang mukha na bakas ang saya at kilig. Napangiti naman ako sa tagpo na iyon dahil masaya ako para kay Angelita kung sakaling mapunta siya sa piling ng isang Leonardo Valiente.

Nagkatinginan naman kami ni kuya Antonio, "Batid mo ba ang nangyayari?" tanong niya. Tumango ako.

"May namumuo yatang pagtingin si Leonardo kay Angelita." Bulong ko.

Natawa si kuya Antonio, "Ay! nalintikan na. Pag tinamaan pa naman ng kupido ang pinsan natin na 'yan ay handa niyang sungkitin ang mga bituin."

"Weh? Ay—talaga?" usisa ko.

Tumango si kuya Antonio, "Natatandaan mo ba ang tagpo nila ni Marco Montemayor sa mansiyon ni Koronel Hidalgo? May nabanggit si Marco tungkol sa dating nobya ni Leonardo na si Maribel at---"

"Nais niyo bang ikuwento ang inyong makabuluhang usapan? Prima't Primo?" natigilan kami sa tsismisan namin ni kuya Antonio noong sumabat na si Leonardo na katabi lang ni Kuya.

Natawa na lang kami ni kuya Antonio kasi halata naman na defensive si Leonardo.

"Tiyo Fabio, kung inyong mamarapatin, nais ko sana pawiin ang kapanglawan na dinadanas ni Rosenda. Ibig ko sana siya ipasyal sa lugar kung saan mararamdaman niya ang sukdulang pagkagiliw at matatamasa ang kasiyahang nais matamo." Napanganga naman ako sa makatang paraan ng pananalita ni Leo. Ano na naman ang balak niya?

Napatingin si Ama kay Leonardo, "At saan mo naman siya ibig dalhin? Sa lahat ng aking pamangkin, ikaw ang pinakapilyo, Leonardo. Paano ako nakatitiyak na hindi mapapahamak ang aking unica hija?" tanong ni Ama.

"Sasama ako," sabat ni kuya Antonio.

"'Wag na pinsan, ikaw na lang ay magwalis dito sa mansiyon at magdilig ng mga halaman," pang-aasar pa niya kay Kuya, "Tiyo Fabio, isipin niyo na lamang na isa itong paraan upang maibalik sa katinuan si Rosenda. Malay ninyo, kapag nakapag-isip-isip siya ay manumbalik ang kaniyang mga ngiti." Saad ni Leonardo.

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon