Kabanata 39

2K 125 77
                                    



Buwan ng Agosto, makalipas ang halos dalawang buwan ng kamatayan ni Vicente, nakatakda ang inagurasyon ni Jaime Montemayor bilang bagong gobernardor-heneral ng bayan.

Nakamit na nila ang ninanais nila—na palitan ang mga De la Vega sa kanilang puwesto sa pamahalaan at bayan na ilang taon nilang inalagaan at iningatan.

Narito kami ngayon sa plaza De la Vega. Ayaw ko man sumama, inudyukan ako ni Ama na manood sa inagurasyon ng kaniyang kapatid. Itinaas niya si Ama sa posisyong Koronel kapalit sa posisyon ni Javier Hidalgo. Habang si kuya Antonio naman ay ang pumalit bilang Kapitan ng bayan.

Nabalitaan ko na ipinatapon ang natitirang pamilya ni Vicente sa lugar na hindi ko batid. Labis na kumirot ang puso ko para kay Julieta at Miguel. Pangarap pa naman ni Miguel na maging isang heneral kagaya ng kuya niya.

May ilang guardia civil ang nagkalat sa plaza. Napansin ko na tinakpan na rin nila ng itim na tela ang rebulto ni Filimon De la Vega na siyang nakadiskubre sa bayan na ito. Nais talagang yurakan ni Jaime ang pagkatao nila.

Napansin ko ang mga tao sa paligid. Lahat ay suot ngayon ang magaganda nilang mga saya, baro at kamisadentro na halatang isinusuot lang t'wing may espesyal na okasyon.

Hindi ko alam kung masaya sila sa mangyayari ngayon. Hindi ko alam kung ano ang naiisip nila tungkol sa bagong gobernador-heneral ng bayan na ito. Samu't-saring mga reaksyon ang natutunghayan ko; mayroong saya, gulat, lungkot, o di kaya'y galit.

Pinagmasdan ko si don Jaime habang umaakyat sa entablado na gawa sa tabla. Sa gilid ng entablado ay ang magkapatid na sina Jovita at Jacinta na ngiting-ngiti ngayon na parang hindi alintana na nawalan sila ng kapatid dalawang buwan ang makalipas.

Pumwesto si Jaime sa gitna ng entablado na posturang-postura ngayon. Bago ang lahat ng kaniyang kasuotan at hindi mapagkakailang pinaghandaan niya ang araw na ito. Maging ang bigote't balbas niya ay bagong ahit at ang buhok ay maayos ang pagkakapamada.

"Magandang umaga sa inyong lahat," pagbati niya.

Tahimik ang lahat.

"Batid nating lahat ang namayapang sina Lucio De la Vega at ang kaniyang panganay na si Vicente. Mahigit dalawang daang taon din namuno ang kanilang salinlahi sa bayan na ito ngunit kagaya ng pag-usad ng ating ekonomiya, at sa paglipas ng panahon, normal lang ang isang pagbabago sa isang bayan." Saad nito.

Nagpalakpakan ang lahat. Ang ilan naman ay nagbulungan, habang ako naman ay pinipigilan ang luha sa pagbanggit niya sa pangalan ni Vicente.

"Pinaslang ng ama ni Vicente ang aking panganay na si Marco sa dahilan na sinisi niya ito sa pagkamatay ni Hidalgo na isa ring taksil sa bayan na ito. Tumalon naman sa tulay si Vicente nang malaman niyang wala na ang kaniyang ama."

Nag-sign of the cross pa ito. Gusto ko siyang sugurin pero hinawakan ako sa kamay ni Leonardo.

"Bilang bago ninyong gobernadorcillo, ibig kong maghigpit ng patakaran bilang pag-iingat sa mga rebelde at tulisan. Alas-nuebe ng gabi ang nakatakdang oras ng paghihigpit, at simula ngayon, magkakaroon na ng harang sa pagitan ng ating bayan at sa bayan ng San Isidro. Babantayan ng mga guardia civil ang tulay na nagdurugtong sa dalawang bayan."

Muling nagsimula ang mga bulungan.

"Hindi na tayo puwedeng magtungo sa bayan ng San Isidro?"

"Paano ang aming negosyo na naroon?"

"Kaya mas maunlad ang bayan nila, marahil ay mas mabisang gobernador-heneral si don Adolfo Isidro."

Ilan lang iyon sa mga bulungan na naulinigan ko.

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon