Tumingin ako sa aking repleksyon sa salamin. Nakasuot ako ng pulang saya ngayong umaga. Sa totoo lang, mas gusto ko kapag matching colors ang suot ko. Pinusod ko ang aking buhok at sinuksok dito ang isang payneta na may disenyong puting bulaklak sa gitna.
Nagsuot din ako ng pearl earrings para naman sosyal na sosyal ang datingan ko sa Maynila. Naglagay din ako ng atsuete sa aking labi at naglagay din ako nang kaunti sa aking pisngi.
"Ayan, sobrang pretty mo na girl. Kung makikita ka lang ng totoong Rosenda ngayon, sasabihin niya na 'Wow! Mas maganda ka pala talaga kaysa sa akin!' " sabi ko sa sarili habang manghang-mangha sa hitsura ko.
Parang mas kursunada ko na ang ganitong pananamit. Ano kayang iisipin nila Daddy kung mga ganitong pananamit na ang susuotin ko sa modernong panahon?
'Di nagtagal ay tinawag na ako ni kuya Antonio. Nagpaalam na ako kay Ina na nasa mansiyon at wala naman si Ama ngayong umaga. Nagmamadali akong bumaba ng hagdan.
"Bakit kailangan natin sunduin ang pinsan natin?" tanong ko kay kuya Antonio na naka-asul na polo at hanggang braso ang manggas.
"Hindi mo ba natatandaan? Galing Europa si Leonardo at doon nagtapos ng pag-aaral bilang abogado. Ako'y nagagalak na makita ang pinsan natin na iyon." Halata nga sa mukha ni Kuya na na-eexcite siya.
Hinawakan niya ako bigla sa pulso noong makalabas kami sa gate ng mansiyon, "Sila ay pansamantalang titira sa ating tahanan dahil ibig ni Ina na makasama ang kaniyang panganay na kapatid na si Tiya Marcella," ani kuya Antonio.
A, so galing sa Mother's side itong pinsan na ito. Sana naman mabait itong 'Leonardo' na ito dahil mapapanot na talaga ako kung matapobre rin ito kagaya ng mga Montemayor.
Napansin ko na malayo na ang narating namin ni kuya Antonio pero wala pa ring kutsero, "Ano na, Kuya? Ako na ba ang magtatawag ng kutsero o balak mo lakarin hanggang Maynila?" naiirita kong tanong.
"Kung iyan ang iyong nais, hindi kita pipigilan." Sarkastikong sagot ni Kuya. Aba!
Ilang saglit pa ay may pumarada na kalesa sa harapan namin. Si Mang Renato ang kutsero nito. Nanlaki ang mata ko kung sino ang lulan ng kalesa na iyon.
Si Vicente.
"Anong—" bago pa man ako makapagsalita ay tinulak ako ni kuya Antonio.
"Pumasok ka na, baka may makakita sa atin," dali-dali naman ako humakbang sa kalesa at tinulungan ako ni Vicente makasampa.
Katabi ko ngayon si Vicente dahil nakapuwesto ako ngayon sa tabi ng bintana. Medyo masikip ang kalesa para sa tatlong tao. Dagdag mo pa itong si kuya Antonio na akala mo ay upong bente sa hitsura niya. Kung nasa jeep lang ito malamang nasita na siya dahil nakabukaka pa ito.
"Kuya, umusog ka nga. Napipipi na kami ni Vicente dito. Nakabukaka ka masiyado e." Reklamo ko.
Umusog naman si Kuya. "Ayan, masaya ka na, Senda?" pang-aasar pa nito. Dumila ako sa paraang nang-aasar bilang ganti.
"Teka nga, saan ba talaga tayo pupunta? Inte, bakit kasama ka? Ano nangyayari?" paghihinala kong tanong.
"Batid ko na may galit si Ama kay ginoong Vicente kaya naman naisipan ko na lamang na isama siya sa daungan sa Maynila para sunduin si Tiya Marcella at Leonardo. Hindi ba't pabor din ito para sa iyo?"
"Ha? Paanong naging pabor?"
"Huwag ka na nga magpanggap pa, Senda. Hindi ka naman gumagamit ng atsuete noon at kolorete sa iyong mukha. Mapula pa sa kamatis ang iyong nguso," sasabunutan ko na sana si Kuya pero nakapagitna sa amin si Vicente.
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...