Nagising ako dahil sa samu't-saring mga boses na narinig ko galing sa ibaba. Dahil sa biglaan kong pagbangon, nanakit kaagad ang leeg kong nakabalot ng benda.
Paglabas ko ng silid, napansin ko si kuya Antonio na nakadungaw malapit sa may hagdan. Tila may tinatanaw siya mula sa ibaba.
"Ano'ng nangyari, Kuya?" tanong ko sa kaniya.
"Isang babae ang nagtangkang pagnakawan ang anak ko kagabi, may kasama itong isang lalaki at binaril siya nito sa balikat at binti. Buong akala ko ay mawawala na si Marco dahil sa tinamo niyang mga sugat. Mga hayup na iyon!" galit na saad ni don Jaime.
"Marahil ay mga rebelde ito." Saad ni Ama. Nagkatinginan kami ni kuya Antonio.
"Imposible. Nasabi sa akin ng aking anak na mestiza at marunong mag-Ingles ang babaeng nakita niya. Sa kasamaang palad, hindi niya namukhaan ang babae't lalaki kung kaya't hindi niya ito matukoy sa akin." Ani don Jaime.
"'Yong nabuntis ng anak mo na si Marco? Adelina ba ang ngalan no'n? Kumusta ang lagay niya?" tanong ni Ama na hindi ko inaasahan. Napatango si don Jaime. "Naulinigan ko na nanuluyan siya sa inyong tahanan." Dagdag pa nito.
"Pag-gising namin kanina ay wala na itong buhay. Batid namin na pinaslang siya nung lalaki at babae na sinaktan ang aking anak kagabi. Nakakapanghinayang, apo ko pa naman sana ang supling na iyon." Pagbabalita ni don Jaime.
Napatakip ako sa bibig. Parang kailan lang ay nakikiusap sa amin si Adelina. Naalala ko ang una naming pagkikita sa kumbento sa Dagupan. Pero ngayon...wala na siya.
Hindi ko labis na maisip ang supling sa tiyan ni Adelina. Tumulo na ang luha ko nang dahil sa nalaman.
Babalik na sana ako silid ko nang marinig ko muli si Ama na magsalita. Tumingala siya't daglian naming itinago ang sarili namin ni kuya Antonio. "Antonio! Pakigising nga ng kapatid mo r'yan sa silid. Magmano kamo siya sa tiyuhin niya," utos nito.
Nagkatinginan kami ni Kuya, humudyat siya na bumaba na ako at tumalima naman ako.
Bumaba ako ng hagdan at nanginginig akong lumapit kay don Jaime. Nagmano ako sa kaniya. "Magandang umaga po," pagbati ko.
"Napano ang leeg mo, hija?" tinuro niya ang leeg ko na may benda.
"N-Natusok lang po ng karayom." Saad ko.
Tinignan ako nang maiigi ni don Jaime. Bakas ang paghihinala sa mata niya. "Nasabi rin sa akin ni Marco na nahiwa niya sa leeg ang babaeng tulisan," nakatingin siya kay ama pero alam kong ako ang pinaparinggan niya. "Marahil ay buhay pa ito at malayang nakakaikot ng bayan. Ano sa tingin mo, Rosenda?" tudyo nito.
Napalunok ako sa sinabi niya. Mabuti na lang ay sinunog ko lahat ng kagamitan na sinuot ko kagabi. Maging ang gown, peluka, at sapatos. Na kay Vicente na ang liham ni Javier at Marco na nakuha ko kagabi. Kapag nabasa iyon ng ama ni Vicente, tiyak ako na ipapatapon nila ang pamilyang Montemayor malayo sa lugar na ito. Bakit pa kasi kalahi siya ni Rosenda? E 'di sana, mas madaling makumbinsi si Ama na taksil ang kapatid niya.
NAUPO AKO SA may fountain at napatitig sa magandang hardin namin. "Anak," napalingon ako sa boses na iyon. Si Ina pala.
"Magandang umaga po," pagbati ko sa kaniya.
"Malalim yata ang iyong iniisip," tinabihan niya ako at ipinatong ang kamay niya sa binti ko. "Napano ang leeg mo?" nag-aalala niyang tanong.
"Sa ano po, sa karayom. Nagtatahi po kasi ako kagabi." Napatango si Ina. Sobrang ganda talaga ng ina ni Rosenda.
"Naalala ko ang sinabi mo na ayaw mong ikasal kay ginoong Vicente. May gusot ba sa inyong samahan?"
"Wala, Ina. Maayos na po kami ngayon. Pero hindi ko lang magawang sumaya kahit ikakasal kami sa Disyembre. Pakiramdam ko, maraming mangyayaring masama," hinawakan niya ako sa kamay. "Kailangan kong maghanda sa sakuna na darating, Ina." Saad ko.
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...