Third Person's Point of View
MANILA, 2016
Isang buwan na ang lumipas simula nang iwan ni Tope si Dalia. Araw-araw, gumigising si Dalia na may mabigat na pakiramdam sa kaniyang dibdib. Tila ba ay may hinahanap ito na hindi niya mabatid kung ano.
Tuluyan na nga niyang nakalimutan si Tope—tuluyan nang nabura sa alaala niya ang binatang minahal niya.
Naisakatuparan ng binatilyo ang kaniyang hiling sa pamamagitan ng kuwintas at ngayon ay buhay at ligtas si Dalia.
Sabado ng gabi, naisipan ni Dalia magtungo sa isang bar sa Quezon City. Nang madaanan niya ang isang condo roon ay naging pamilyar sa kaniya ang lugar, na parang nakapunta na siya roon.
Itim na bestida ang suot niya na sumusunod sa hulma ng kaniyang katawan. Nakalugay naman ang mahaba niyang buhok at mataas ang takong ng kaniyang sapatos. Balak niyang maglasing ngayong gabi. Ano ang dahilan? Hindi niya alam. Basta ang alam niya ay malungkot siya.
Pumasok siya sa isang bar at umorder ng isang alak. Kahit hindi pa siya legal, ay malakas ang kaniyang loob. Maingay, magulo, amoy sigarilyo, at halo-halong pabango ang naaamoy ni Dalia sa loob ng bar. Pagpasok niya ay nakuha niya ang atensiyon ng marami, marahil ay dahil sa kaakit-akit niyang kasuotan at natatangi niyang kagandahan.
Umupo siya sa isang silya na gawa sa metal. "Isang vodka, please." Tinaas niya ang daliri at sumenyas sa bartender. Nakakabingi ang tugtugan na naririnig niya pero sa ganoong paraan ay maiibsan ang kalungkutan na kaniyang nararamdaman. Nilapag na ng bartender ang isang baso ng alak at ininom kaagad ito ni Dalia ng isang lagukan lang. "One more," sumenyas siya ulit. "Again," aniya. Walang habas niyang iniinom ang vodka na parang tubig lang ito.
Lapag. Lagok. Hingi. Iyon lamang ang ginawa ni Dalia. Ngunit pakiramdam niya ay hindi pa rin siya tinatamaan ng kalasingan. Napapapikit na ang mata niya sa makukulay na ilaw sa loob ng bar. Sa paligid niya ay mayroong mga kabataan na naghahalikan at panay ang indak nito sa nakakahalinang tugtugan.
"Easy," narinig ni Dalia ang boses ng isang binata na nasa tabi na niya pala. "Magtira ka ng pang-uwi mo." Sabi nito.
Tumingin si Dalia sa lalaki; matangkad, mestizo, matangos ang ilong at kulay brown ang buhok nito.
Umupo ang binata sa tabi niya at kinuha ang baso na pinag-iinuman ni Dalia ng alak. "Hey! What the hell? Pakielamero!" singhal niya sabay kuha sa baso na inagaw ng katabi.
"Kuya, wala ba kayong lambanog diyan?" tanong ng binata sa bartender.
"Nako sir! we only serve high-end cocktails here," sagot ng bartender na abala rin sa pag-aasikaso sa iba pang customer.
"Gano'n ba? Isang red horse na lang, pare." Sagot ng binata. "High-end. Mas high-end ang lambanog, 'no." bulong pa niya sa sarili.
Inobserbahan (o hinusgahan) ulit ni Dalia ang lalaking katabi; nakasuot ito ng itim na polo't pantalon na ipinares sa puting sapatos, at kapansin-pansin din dito ang silver na orasan niya na mukhang mamahalin. Sa hitsura pa lang nito ay alam na ni Dalia na may kaya ang lalaking kinaiinisan niya agad.
"Ano, miss? Suko ka na?" tanong ng binata sabay lagok sa isang baso ng alkohol.
"Feeling close?" inirapan niya 'yung lalaki na nakasalong- baba na ngayon.
"Bakit ka nandito?" tanong ng lalaki sa kaniya.
"Obvious ba? Why do people go to bars or clubs? Siyempre, para makalimot." Tugon ni Dalia.
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...