Isang nakakabulag na liwanag ang gumising sa akin.
Sa una ay malabo at hindi pa klaro ang lahat, kinusot ko ang aking mata para makita ang paligid ko. Nasa langit na ba ako?
Pero kung nasa langit na ako, bakit may malaking bintana sa dingding? Tapos, may dextrose ako at nakasuot ako ng pang-ospital na damit.
Hindi kaya bumalik na ako sa taong 2020?
Napahawak ako sa tiyan ko; wala akong tama ng baril, maging sa aking dibdib wala rin. Ano'ng nangyari? Bakit nandito ako sa kuwarto kung saan ako na-confine noong nabaril ako sa dibdib?
Natauhan ako noong may biglang pumasok na babaeng nurse. Puti ang kaniyang damit at nakapusod ang kaniyang buhok.
"Goodmorning," pagbati niya na may ngiti sa labi. Napahawak ako sa ulo kong pumipintig sa sakit, "I am nurse Jane," aniya.
"A-Anong petsa na?" tanong ko.
"March 11 po," sagot niya. Bakas sa mukha niya na labis siyang nagtataka. "Kukunan ko lang po kayo ng dugo—"
"Anong taon ito?"
"2020 po, ma'am. Okay lang po ba kayo? Do you want me to call a doctor?" nanibago ako sa naririnig kong Ingles, parang hindi na ako sanay.
"Teka, si daddy? 'Yung kapatid ko? Si lola?" akmang tatayo na ako pero pinigilan niya ako. "Nananaginip ba ako?"
"Unfortunately, there were no records ng family mo sa ospital na ito, wala ka ring dalang i.d sabi nung taong nagdala sa'yo rito," paliwanag niya.
"Ano? Pero si daddy ang nagdala sa akin dito, nakita ko pa nga 'yung katawan ko na wala nang malay sa sahig malapit Manila Hotel—" hindi ko na tinuloy ang sinasabi ko dahil sa hitsura ng nurse ay para niyang iniisip na baliw na ako.
"What's your name, miss?" tanong niya at pilit na itinago ang pagtataka sa mukha.
"Dalia, Dalia Erasquin." Sagot ko. Sinulat niya ang pangalan ko sa isang papel. "Teka, sino 'yung taong nagdala sa akin dito?" usisa ko.
"He didn't mention his name, ma'am, natagpuan ka niya malapit sa Manila Hotel last night,"
"Ano'ng nangyari? Nabaril ba ako sa puso?"
Natawa 'yung nurse, "No, Miss Dalia, Hinimatay lang kayo due to an excessive intake of alcohol," napabangon ako sa kama nang dahil sa gulat.
"Ano?!" hiyaw ko, "Nabaril ako sa dibdib, sigurado ako roon." Pinakita ko pa 'yung parte ng dibdib ko kung saan ko natatandaang nabaril ako.
"I-I think I should go call a doctor," ani nurse. Nasindak yata siya sa inaasta ko at lumabas siya bigla ng kuwarto. Hinawakan ko ang leeg ko, wala rito ang kuwintas ni Vicente.
Bakit nandito na ako? Hindi ko naman natapos ang misyon ko.
Bago dumating ang doktor ay tinanggal ko ang dextrose injection na nakatusok sa ugat ng kamay ko, sinuot ko rin ang nakita kong tsinelas pang-ospital. Kakabog-kabog ang aking dibdib noong palihim ako na lumabas ng kuwarto.
Pumunta ako sa ward kung nasaan naka-confine si lola. Kung bumalik ako sa taong 2020, sigurado ako na narito siya dahil inatake siya sa puso noong gabing nabaril ako. Pero, nadismaya lang ako dahil hindi ko siya nakita roon.
Pilit akong nagtago sa mga nurse at doktor na nakakasalubong ko, baka akalain nila na tumakas ako galing mental.
Pagkalabas ko ng San Lazaro Hospital, naisipan kong lumakad papunta sa bahay namin sa Binondo, Manila. Panay ang tingin sa akin ng mga tao na akala mo ay nakakita sila ng isang siraulo sa kalsada. Hindi ko na lang ito pinansin.
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...