Third Person's Point of View
Binondo Manila, 2002
Malalim na ang gabi, at halos lahat ay nasa kani-kanilang tahanan na. Nagmatiyag ang binata sa bawat bahay na kaniyang madadaanan. Malaki man o maliit ang kanilang tirahan ay bakas dito ang masasayang pagsasalu-salo ng bawat pamilya nito sa loob.
Napailing na lang ang binata at napahinga nang malalim. Tila ba ay napakabigat ng kaniyang dinadala sa kaniyang buhay at habang naghahari ang dilim, ito ay patuloy siyang inuudyukan na gawin ang hindi dapat.
Marami na rin siyang pinagdaanan, at kahit pa binata ito ay dala niya ang suliranin at hirap ng kaniyang dinanas. Nakayukong naglalakad ang binata at sinisipa nito ang bato na nasa unahan niya.
Ang daming bumabagabag sa kaniyang isipan. Hindi niya alam kung kailan pa ito matatapos o kung matatapos pa ito.
At doon niya naisip na buo na ang kaniyang desisyon. Nakakita siya ng tulay kung saan ilang daan din ang layo nito sa tubig sa ibaba. Napahawak siya sa tulay at tumungtong siya roon nang dahan-dahan.
Nanginginig ang binata sa takot, subalit ipinikit niya ang kaniyang mga mata. Sa pagpikit niya ng kaniyang mata ay inalala niya ang lahat ng hirap na naranasan niya sa kaniyang buhay.
Ito lamang ang paraan upang mawakasan na ang kaniyang paghihirap sa mundong ito.
Kaagad na naudlot ang kaniyang plano nang siya ay makarinig ng isang paslit na kumakanta. Idinilat niya ang kaniyang mata at tumambad sa kaniya ang batang sumasampa na rin sa tulay na tila ba ginagaya ang kaniyang ginagawa.
"'Wag!" sigaw ng binatilyo at hinawakan niya ang bata sa kamay at binuhat ito para maibaba.
Pinagmasdan niya ang batang babae na mestisa, matangos at ilong at mahaba ang buhok. Kung tamà ang kaniyang hula ay nasa edad tatlong taon pa lang ito. Hawak pa rin niya ito sa kamay upang hindi na ito mapahamak pa.
"Ano po ang gawa n'yo ro'n? Gusto ko po tingin," wika ng bata. Hawak niya ang isang kulay pink na teddy bear.
"Ano'ng pangalan mo?" tanong ng binata.
"Sabi ni mommy, bawal ko sabihin pangalan ko sa strangers."
"Nasaan ang mga magulang mo?"
Napa-kibit-balikat lamang ang batang babae at halatang ayaw nitong sagutin ang binata. Naudlot tuloy ang kaniyang plano na wakasan ang kaniyang buhay. Nagtataka naman siya kung ano ang ginagawa ng isang bata sa ganitong oras ng gabi. Hindi naman ito mukhang palaboy at bakas sa kaniyang hitsura na may-kaya ang kaniyang pamilya.
"Bakit mag-isa ka? Nasaan ba ang magulang mo?" pilît na tanong ng binata.
"Nag-aaway kasi si mommy at daddy 'tapos... 'tapos... alis ako ng bahay kasi sad ako. 'Tapos kita ko ikaw. May tingin ka r'yan tapos tingin din ako," inosenteng sagot ng bata.
Napakamot na lang sa ulo ang binata. Wala na rin siyang magawa dahil alam niyang responsibilidad na niya ang batang ito at makokonsensiya siya, kung sakaling iwan niya ito.
Binuhat at dinala niya ang bata sa pinakamalapit na istasyon ng pulis sa Binondo, Manila.
Nasa tapat ng batang babae ay nakaupo ang binata at napagitnaan sila ng lamesa kung saan nakaupo roon ang punong tagapagbantay na pulis.
Nakikinig ang binata sa usapan nila dahil inaamo ng pulis ang bata para magsabi ng impormasyon tungkol sa kaniya.
"Hija, kailangan mong sabihin ang iyong pangalan para makauwi ka na kila mommy mo," sambit ng pulis na nasa edad 30 pataas pa lang.
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Ficción históricaDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...