Napaatras ako sa sinabi ni Ama at napailing.
"Hindi.." bulong ko sa sarili. Hindi ko labis na kilala si Javier Hidalgo at unang beses ko lamang siya nakita sa plaza. Marahas si Hidalgo at base sa aking nakita, ay wala itong patawad sa tao. Ayoko maikasal sa taong malupit at masama.
"Ano'ng sinabi mo?" tanong ni Ama.
Nagbabadya na naman tumulo ang aking luha. Sinabi ko na gagawin ko ang lahat pero hindi ko alam na hahantong sa ganito.
"Kung pumayag po ako, babalik pa ba sa posisyon si Vicente bilang heneral maging ang kaayusan ng kanilang pamilya?"
Tumango si Ama. "Masususpende si Vicente ng isang buwan sa kaniyang posisyon ngunit babalik din sa normal ang lahat matapos no'n." Paninigurado ni Ama.
Napakagat ako sa aking labi. Gagawin ko ito para kay Vicente. "Naubos na rin ang aking pasensiya kay ginoong Vicente. Kapag pinahintulutan ko muli ang pag-iisang dibdib ninyo, batid ko na gagantihan ako ni Lucio." Saad ni ama.
"Ulilang lubos si Javier, at bago mamatay ang kaniyang ama ay pinamanahan siya nito ng ilang libong salapi. Nag-iisang anak siya ng namayapang si Luis at Maria Hidalgo. Siguro nama'y mabibigyan ka niya ng masaganang buhay, katumbas ng kayang ibigay ni Vicente sa iyo." Pagpapatuloy niya.
"Kailan po ang kasal?" tanong ko.
"Nais ni koronel Hidalgo na mapaaga ang kasal. Gaganapin ito sa susunod na buwan,"
Hindi ako makapaniwala na kung kani-kanino na lang ako ipagtataboy ni Ama. Nagmistulang akong isang palamuti na walang magawa sa mga nangyayari. Walang boses. Walang karapatan. Ganito ba talaga ang karanasan sa panahon na ito?
Maaaring lumaki nga ang totoong Rosenda sa yaman—kumakain ng tatlong beses sa isang araw, may magagarbong kasuotan, at hindi nararanasan ang kumayod para sa araw-araw. Pero ito, ito ang mga bagay na dapat niyang gampanan.
Nangyari ba sa totoong Rosenda ang lahat ng ito? O nagbago ang ihip ng hangin dahil ako ang nasa katauhan niya?
ISANG LINGGO NA ANG lumipas ngunit hindi ko pa rin nakikita si Vicente. Balita ko ay nakalabas na siya ng bilangguan apat na araw na ang nakalipas.
Wala pang nakakaalam sa balak ni Ama na ikasal ako kay Javier kun'di kami lang. Nais rin kasi niya na magkaroon ng okasyon sa mansiyon upang pormal na i-anunsyo ang panibagong kasalan na magaganap sa pagitan namin ni Javier Hidalgo.
Narito ako ngayon sa tapat ng mansiyon nina Vicentenakapusod ang aking buhok at kulay rosas ang baro't saya na abot hanggang talampakan. Bitbit ko ang isang basket ng prutas na ibibigay ko para sa kanila. Sigurado ako na masama ang loob ni Don Lucio dahil sa ginawa ni Ama, pero maglalakas loob ako na kitain si Vicente bago ako ikasal.
Hindi ko na rin alam kung san ako dadalhin ng buhay ko dito. Hindi ko alam kung dapat pa ako magpatuloy.
Kumatok ako sa malaking pinto nila. Isang tagapagsilbi nila ang nagbukas. "Magandang umaga po, Señorita Rosenda." Bati niya.
"Magandang umaga rin," sagot ko.
"Minda, nais ko kausapin ang ating panauhin," kinabahan ako sa boses na narinig ko mula sa loob. Si Don Lucio.
Umalis na si ate Minda at niyaya ako ni Don Lucio na umupo sa sofa. Naupo siya sa tapat ko. "Alak?" alok niya. Umiling ako.
"Nabalitaan ko ang pagtanggol mo sa aking anak noong gabing dinakip siya ni Hidalgo sa plaza, pati na rin ang pagbisita mo sa kaniya sa bilangguan," sinalin niya sa isang baso ang alak saka, uminom.
BINABASA MO ANG
131 Years (PUBLISHED)
Historical FictionDalia Erasquin, isang babae mula sa modernong panahon ay napatay ng hindi niya kilalang salarin. Upang matukoy ang dahilan ng kaniyang pagkamatay, kailangan niyang bumalik sa taong 1889. Buhat ng isang misyon at pag-asang malaman ang katotohanan, sa...