Kabanata 36

2.2K 134 92
                                    



"Halika, Senda, sigurado akong matutuwa ka sa balitang hatid ni Ama," saad ni kuya Antonio habang hila-hila ako.

Kinusot ko pa ang mata ko habang naglalakad pababa ng salas, wala kasi akong tulog gawa ng nalaman ko kagabi. Humihikab pa ako't nang mapadaan kami sa salamin ay pansin ko na magulo pa ang buhok ko.

Nang makita naman ako ni Leonardo at tiya Marcella, agad silang natawa sa hitsura ko. Parehas silang nag-aalmusal ng sinangag na kanin at liempo.

"Magandang umaga," pagbati ni Leonardo sa amin.

Hindi naman ako nagsalita at umupo na rin sa hapag-kainan. Nakapagitna ako kay kuya Antonio't Ina habang si Ama naman ay nakapuwesto sa kabisera. Kapansin-pansin na magiliw silang lahat ngayong umaga.

Nag-umpisa na kami magdasal at matapos no'n ay kumain kami agad ng almusal. "Bago ako umalis ay may balita akong hatid," ulat ni Ama ngunit nanatili akong nakatingin sa plato ko. "Nagkausap kami ni Lucio. Kami ay nagkaunawaan at nagkapatawaran na rin, kaya naman batid ko na mapapasaya ko ang aking unica hija kapag malaman niya na maaari siyang muli ikasal kay ginoong Vicente sa takdang panahon." Masayang pagbabalita nito.

Sadyang mapaglaro ang tadhana, hindi ba? Kung kailan ninanais kong ikasal kay Vicente noon, naging imposible ito dahil sa mga dagok na dumating sa aming buhay. At ngayon namang malaya na ako ikasal sa taong mahal ko, hindi ko magawang maging masaya dahil sa natuklasan ko.

"Ano'ng masasabi mo, Anak?" natauhan ako sa boses ni Ama. Lahat ng atensiyon ay nasa akin na.

"A-Ayoko, Ama. Ayokong ikasal kay Vicente," nakarinig ako ng samu't-saring reaksyon sa pahayag ko.

"Pero siya ang ibig mo, hindi ba?" pagsingit ni Ina na ngayon ay nagitla sa kaniyang narinig.

"Batid ko na masama ang iyong loob lalo na nang parusahan kita noong malaman ko na kasama mo si Vicente sa daungan sa Maynila, ngunit isinantabi ko ang hinanakit ko kay Lucio at naisip ko na magandang regalo ito para sa iyo," ani Ama.

Hindi ko mapigilang mahabag sa sinabi ni Ama. Pilit siyang bumabawi sa akin pero hindi ko magawang sumaya. Buong akala ko e hahadlangan niya ang pag-ibig namin ni Vicente hanggang dulo ngunit nagkamali ako roon.

"Maraming salamat po, alam ko naman na gusto mo akong pasiyahin pero..." napahinga ako nang malalim, "Ibig ko po muna makapag-isip-isip."

"Ano ang iyong iminumungkahi?" tanong ni Ama.

"Kung inyo pong mamarapatin, nais kong magbakasyon sa Maynila panandalian. Ako lang po sana, Ama. Kung kailangan po magtrabaho ako upang kumita ng salapi para sa aking tutuluyan doon, gagawin ko."

Nagkatinginan si Ama't Ina. "Mas mainam na iyon, mahal ko, kaysa sa layasan na naman tayo ni Rosenda nang walang paalam," wika ni Ina at hinaplos niya ang kamay ng asawa.

Naalala ko na pala-layas ang totoong Rosenda. Ngunit hindi ko magagawa sa kanila iyon, kahit pa may lungkot sa aking puso ay mahal ko ang pamilya ko sa panahon na ito.

Napatango si Ama, bagay na labis kong ikinagulat. "Leonardo, Antonio, ihatid niyo si Rosenda sa Maynila kinabukasan. Sunduin niyo siya matapos ang limang araw." Atas niya.

Napatayo naman ako at hinalikan si Ama sa pisngi, "Maraming salamat po," saad ko. Ginawa ko rin ito kay Ina.

Matapos ng almusal ay umakyat na ako sa aking silid. Nasa gitna ako ng pag-iisip nang biglang nakita ko si kuya Antonio sa may pintuan. "Maaari ba akong pumasok?" tanong niya.

"Sige, Kuya."

Lumibot ang kaniyang paningin sa aking silid. "Ano'ng nangyari rito? Bakit ang gulo ng silid mo?" usisa niya. Tumabi siya sa akin at umupo sa kama ko. "Senda, ano'ng nangyari sa inyo ni Vicente?"

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon