Kabanata 22

2.6K 135 52
                                    



Madaling araw na at hindi pa rin ako makatulog dahil naalala ko iyong gabíng magkatabi kami ni Vicente. Sobrang himbing ng tulog ko noon, dahil na rin siguro katabi ko siya kahit hindi ko alam.

Pagulong-gulong ako sa kama ko ngayon. Alas-diyes pa lang pero tulog na ang mga tao rito. Kung nasa modern world ako, alas-diyes ng gabí ay kumakain pa lang ako.

Napatingin ako sa litrato ni Rosenda na nakasabit sa dingding. Maliwanag ang lampara sa silid ko kaya malinaw na malinaw ang kaniyang mukha. Nakatingin ito sa malayo at bakas sa hitsura niya ang isang babae na mahinhin at mabait. Malayo sa akin na parang amazona kung kumilos.

Madaling araw na at hindi makatulog si Rosenda sa dahilang naiisip niya ang binata na si Immanuel na nakita niya sa pista sa kanilang bayan. Matipuno ang binata at maginoo kahit hindi pa niya ito nakikilala nang lubusan. Nalaman niya ang pangalan ng lalaki dahil kusang lumapit ang kaniyang pinsan na si Jovita upang malaman ang pangalan ng binata.

Nginitian siya nito, ngunit batid niyang hindi nahuhumaling sa kaniya ang binata. Hindi alintana kay Rosenda ang estado ng binatang ito kahit pa siya ay isang 'indio'.

Paulit-ulit na naglalaro sa isipan ni Rosenda ang pangalang 'Immanuel Ballesteros' na animo'y isa itong panata na nararapat niyang tandaan. Kasabay ng pagpikit ng kaniyang mga mata ay ang pangako na mapapa-ibig niya ang napupusuang binata.

"Senda! Ay, tingnan mo nga naman ang batang 'to!" hiyaw ng isang babae habang inaalog ako. Ungol lang ang isinagot ko.

"Dios mio, Rosenda! Nasa ibaba ang iyong nobyo. Ay, hindi ko labis maisip kung paano ka magiging asawa sa isang ginoo kung ganiyan ang oras ng iyong gising. Natapos na ang manok sa pagtilaok, pero nandiyan ka pa rin at nahihimbing," pagbubunganga ni ina.

Idinilat ko ang isa kong mata at napakamot sa ulo. "Masakit ulo ko mommy--- Ay, este, ina pala. Mayroon ba kayong Biogesic? Nilalagnat yata ako. O, kahit Neozep na lang. Sisipunin yata ako, e," saad ko sabay pikit ulit.

Nararamdaman kong pabalik na naman ako sa pagtulog nang bigla kong maramdaman na hinampas ako ni Ina sa braso, dahilan para mapaupo ako sa kama.

"Hindi ko maarok ang mga pinagsasasabi mong bata ka. Anong baygesic? Nuzep? Nais mo na naman bang magpatawag ako ng esperitista o albularyo?" pananakot niya.

Kaagad naman akong nagising sa sinabi niya. "Huwag, Ina! Masakit lang talaga ang ulo ko—parang minamartilyo." Hinawakan ni Ina ang noo ko.

"Mainit ka, Senda. Sinisinat ka yata," saad niya. Dali-dali naman niyang pinatawag si Angelita para dalhan ako ng labakara at batsa na may laman na tubig. Hinawakan ko naman ang sarili ko. Hala! Ang init ko nga!

Saka ko lang naramdaman na ang bigat din pati ng mga mata ko at sobrang init nito. Sumabay pa ang sipon at ang sakit ng ulo ko. Diyusko! Huwag naman sana akong mamatay nang dahil sa lagnat. Hindi pa advance ang mga ospital dito at paniguradong panay halamang-gamot ang ibibigay sa akin.

"Binibini, ipinatawag po pala ng inyong ama sina heneral Immanuel at Vicente, kaya naroon sila pareho sa salas. Ukol po yata ito sa nakatakas na bilanggo noong nakaraan."

Parang umakyat ang dugo sa ulo ko nang dahil sa narinig ko. What? Parehong nasa ibaba sina Vicente at Immanuel? Nakakaloka!

Binanyusan na ako ni Angelita at sobrang gaan ng kamay niya. Maingat niyang pinipiga ang labakara bago ito ipunas sa mainit kong katawan. Maya-maya pa ay pumasok muli si Ina kasama sina Vicente at Immanuel. Nagtakip naman ako kaagad ng mukha gamit ang kumot dahil ang awkward na nakahilata ako rito at may dalawang lalaki na nakatingin.

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon