Kabanata 35

2.3K 140 158
                                    



Isang panaginip ang dumalaw sa akin.

Sa panaginip ko, isang binatilyo ang nagligtas sa akin noong ako ay bata pa lamang.

Habang naglalakad ako sa madilim na kalsada, nakita ko ang isang lalaking nakatayo sa may tulay, nakapikit ang kaniyang mga mata at tila malalim ang iniisip. Hindi ko alam noon kung bakit nakatayo siya sa tulay, kaya naman ginaya ko ang kaniyang ginagawa. Pinigilan niya ako't dinala ako sa estasyon ng pulis at muli kong nasilayan ang mukha ng aking mga magulang na labis ang pag-aalala dahil sa pagkawala ko.

Naalala kong sinabi sa akin ni daddy at mommy na tagapagligtas ko ang lalaking iyon—na siya ang dahilan kung bakit buhay pa ako ngayon. Ngunit hindi ko na maalala ang kaniyang mukha, maging ang kaniyang pangalan na nais kong matandaan.
Naramdaman ko ang pagpatak ng aking luha habang nakatingin sa kabaong kung saan nakahimlay si Javier. Nakasarado ito at may mga bulaklak na nasa ibabaw. Binabasbasan ito ng pari habang siya ay dinadasalan.

Labis kong ikinalungkot dahil kaunting tao lang ang dumalo sa kaniyang libing, halos bilang sa daliri kung sino lang ang mga tao na narito.

Hanggang sa kaniyang kamatayan ay nanatili siyang nag-iisa.

Nandito ang buong pamilya ni Vicente at ang pamilya namin. Panandaliang isinantabi ni don Lucio at Ama ang kanilang alitan upang magbigay respeto sa yumaong si Javier Hidalgo.

Dinaos ang kaniyang burol sa hardin sa kaniyang mansiyon na ngayon ay mas lalong tahimik dahil namayapa na ang nag-iisang nakatira rito.

Malakas ang buhos ng ulan ngayon animo'y sumasabay ito sa emosyon ng mga taong nandito. Pala-isipan pa rin kung sino ang gumawa sa kaniya nito ngunit malakas ang aking kutob na may kinalaman ang pamilya ng Montemayor sa nangyari.

Naka-itim ang lahat ngayon, may suot rin akong itim na belo upang ipakita ang aking pakikiramay.

Hawak ni Vicente sa kamay si Tauro habang ang isa kong kamay ay hawak niya. Nasa likod ko naman sina Ama, Ina, kuya Antonio, Leonardo, at tiya Marcella. Nakaupo naman ang pamilya ni Vicente sa 'di kalayuan.

Hindi ko inaksaya ang pagkakataon na isalaysay ang kabayanihang ginawa ni Javier para sa amin. Sa ganoong paraan, nagbago ang pananaw ng mga taong hindi lubusang nakilala at nakasalamuha si Javier.

Napansin ko si Don Lucio na namumula ang mga mata. Kahit itago niya ay alam ko na minahal niya si Javier. Sa lahat ng tao rito, siya ang may pinakamabigat na nararamdaman dahil siya ang responsable sa pagkamatay ng magulang ni Javier at siya rin ang rason kung bakit naging masamang tao siya. At ngayon, wala na ito upang humingi pa siya ng tawad. Marahil ay buhay si don Lucio pero tiyak ako na mumultuhin siya ng kaniyang konsensiya.

"Ano'ng gagawin natin kay Tauro?" tanong ko kay Vicente na nakatingin sa kabaong ni Javier.

"Pupunta ako ng Maynila ngayong araw sa bahay-ampunan. Mas ligtas si Tauro roon kaysa sa napakagulong sitwasyon dito." Tumango ako sa plano ni Vicente.

"Mag-iingat ka," paalala ko.

Minasahe niya ang palad ko gamit ng hinlalaki niya. "Ginagawa ito ng aking ina sa tuwing ako ay kinakabahan o nalulungkot," sambit niya. Hinayaan ko na lang siya na masahihin ang palad ko at malaking tulong ito dahil kumakalma ang aking isipan.

Lumapit si Vicente sa kaniyang pamilya kaya naman naiwan ako sa harapan. 'Di nagtagal ay nilapitan ako ni Leonardo na naka-itim na abrigo ngayon. Naramdaman ko ang kaniyang dalawang kamay sa aking balikat. "Ayos ka lang, Senda?" tanong niya. Umiling ako bilang tugon.

"Gusto ko malaman kung sino ang pumatay kay Javier. Dapat siyang maparusahan," pinunasan ko ang luha ko sa pisngi. Nanatili sa likuran ko si Leonardo na nakadantay pa rin ang kamay sa balikat ko.

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon