Kabanata 34

2.6K 145 375
                                    

PAALALA: Ang kabanata na ito ay maglalaman ng SPG/matured content. 





Tanghali na nang bumaba ako at maisipang magdilig ng mga halaman sa hardin. Matapos ang pangyayari kagabi ay hindi ako nakatulog. Mabuti na lang at walang nakarinig ng mga sigaw ni Vicente dulot ng kaniyang galit sa akin at kay Javier.

"Mabuti pa kayo, ano? Tamang hintay lang sa araw at ulan at okay na kayo," sambit ko sa mga halaman habang isa-isa ko silang dinidiligan. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung sino ang nagsabi kay Vicente ukol sa lalaking yumakap sa akin sa likod ng simbahan.

Matapos ko magdilig ng halaman ay naupo ako malapit sa fountain. Naalala ko ang sinabi ni Ina kung saan ito ang simbolo ng aming apelyido. Pinunasan ko ang butil ng pawis na tumulo sa aking mukha.

"Magandang tanghali," nagitla ako sa boses na narinig ko.

"Javier? Ano'ng ginagawa mo rito?" Tanong ko. May hawak siyang dalawang piraso ng pulang rosas. Nag-aalangan ko naman na kinuha iyon.

"Ipinaalam ko sa iyong ama na ikaw ay aking bibisitahin, sasabihin ko rin sa kaniya ngayon na hindi na muna matutuloy ang kasalan," aniya.

Umupo siya sa tabi ko. Isang dipa ang kaniyang layo sa akin. Maaliwalas ang mukha ni Javier ngayon—naka puting kamiso siya at itim na pantalon.

"Bibitiw na ako sa aking puwesto bilang Koronel. Kinausap ko na ang ama ni Vicente," napatingin ako sa kaniya, "Ako ay napapagod na makipag-digmaan, naisip ko na gugulin na lang ang aking panahon na kasama ka. Hindi na rin kita ibig isama sa Inglatera. Dito na lang tayo."

"A-Ano? Javier—"

"Batid ko na may ibang laman ang iyong puso, pero hindi ako agad na susuko," pagpapatuloy niya.

Kumunot ang aking noo. Nangyari ba ito sa totoong Rosenda? Bakit ngayon e tatlong lalaki ang nais ilaban ang kanilang karapatan para sa aking puso? Ganda mo talaga, Dalia!

"Naisip ko na lamang na patawarin si Don Lucio, sa ganoong paraan ay makakalaya ako," wika niya.

"Paano si don Jaime? Hindi ba ikakasama ng loob niya kapag malaman niya na umaklas ka na sa pamahalaan?" nag-aalala kong tanong.

"Hindi ko alam. Mahirap kalaban ang mga Montemayor, Rosenda. Ang totoo niyan ay minsan na akong pinagbantaan ni don Jaime kung sakaling bumitiw ako sa puwesto ko bilang koronel."

"Hindi ka ba natatakot?" umiling siya, "Makapangyarihan si don Jaime. Malaki ang impluwensiya niya sa ating bayan. Nasabi sa akin noon ng anak niya na si Jovita na ibig pumalit ni don Jaime bilang gobernador-heneral ng bayan na ito," paliwanag ko.

Napapikit siya na tila may winawaksi sa isipan saka dumilat. "Ayoko na munang isipin ang mga bagay na iyan lalo na't nasa tabi ko ang kaligayahan ko," masaya niyang sambit.

Napatingin ako sa mga rosas na binigay niya. Hindi ko na rin talaga alam ang dapat kong sabihin kay Javier. Kahit ano ang aking gawin e nakakasakit ako ng tao.

"Ayaw kita paasahin, Javier," saad ko, "Ayaw din kita saktan kaya didiretsahin na kita, iba ang iniibig ko." Pag-amin ko.

Napalunok ako matapos ko sabihin iyon. Nakita ko na nasaktan siya, "Alam ko," tipid niyang sagot.

"Kaya itigil mo na ang panunuyo, puwede tayo maging magkaibigan. Hanggang doon lang," paglilinaw ko.

"Kung gayon, mamahalin kita sa malayo, tatanawin ko ang iyong mga ngiti kahit nasa iba kang bisig," sumilay ang ngiti sa labi niya.

"Ginugulo ka ba niya, Senda?" kapwa kami nasorpresa ni Javier sa boses ni Leonardo na narito rin pala sa hardin.

"Hindi Leo, 'wag ka mag-alala." Tugon ko.

131 Years (PUBLISHED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon