Iniiwasan ako ni Phillip. Hindi ko alam kung dahil kay Luigi o doon sa sinabi niya noong huli kaming nagkita. Halos isang buwan na lumipas pero hindi ko siya magawang makausap at nagsisimula na akong mairita sa mga nangyayari.
Maraming tanong sa utak ko at alam kong may masasagot ni Phillip ang mga iyon pero iniiwasan niya ako. Idagdag mo pa na para akong bata na anumang oras ay pwedeng mawala dahil palit-palit si Jerume, Brian at Luigi sa pagsama sa akin kapag wala akong klase. Ang masaklap pa ay kasama namin minsan si Gianne kaya hindi ko maiwasang masaktan lalo na kapag naglalambingan sila sa harap ko. Minsan nga ang sarap manaksak gamit ang kutsara.
Naiinis din ako kay Luigi dahil noong kinompronta ko siya tungkol sa ginawa niya kay Phillip ay siya pa ang nagalit sa akin dahil pinagtatanggol ko daw iyong mapagsamantalang kano. Hindi ko na rin maintindihan ang mga kinikilos niya dahil naiirita siya kapag binabalak kong kausapin si Phillip.
“Jerrah, lalo ka atang pumapangit?” tanong ni Caroline kaya tiningnan ko siya ng masama. “Easy relax lang kasi. Masyado kang namomroblema sa mga boys baka nakakalimutan mo may girlfriend si Luigi.” sabi pa niya kaya tinaasan ko siya ng kilay.
“Bakit kasi kailangan mo pang kausapin 'yon?” tanong ni Rai kaya napatingin ako sa kanya. Halatang pati siya ay ayaw kay Phillip.
“Bakit ba kasi ang bitter ninyo kay Phillip.” kontrang tanong ni Caroline.
Napailing na ang ako sa kanila dahil siguradong magtatalo na naman sila. Lagi silang ganito kapag ipinapagtanggol ni Caroline si Phillip.
“Mga insecure! Tara na nga Jerrah, hanapin natin si Phillip.” talagang idiniin pa niya ang pangalan ni Phillip.
“Bahala nga kayo sa buhay ninyo.” iritadong reklamo ni Rai at umalis. Napansin ko namang napabuntong hininga si Caroline.
Sa ilang buwan na pagkakalapit namin ni Caroline ay masasabi kong hindi ko inaasahan na ganito siya. Noong nasa probinsya kami ay sobrang maldita niya, laging nagtataray, maarte din siya sa mga damit at gusto lahat ng atensyon nasa kanya. Pero ngayon ang laki ng pinag-iba, may pagka-isip bata siya dahil bigla na lang niya kaming dinadamba o nilulundagan. Clingy siya lagi siyang kumakapit sa akin, lagi niyang sinasabi na kaya siya dumidikit sa akin ay para hindi makita ng iba ang flaws niya pero pansin ko na halos wala naman siyang pakialam sa sinasabi ng iba. At habang tumatagal na kasama ko siya ay napaisip ako. Naging mabait siya sa akin kahit na minsan ay pabiro niya akong nilalait.
“Caroline, gusto mo bang gumaling?” tanong ko dahilan para matigilan siya at ngumiti.
“Oo naman pero ayoko muna.” napakunot-noo ako sa sagot niya. “Medyo weird pero mas gusto ko na itong ganito. Kahit ipaliwanag ko hindi mo rin maiintindihan.” sabi pa niya at tumayo na.
“B-bakit? Bakit mas gusto mo na ganyan na lang?” gulat na tanong ko.
Matagal ko nang pinag-iisipan na gawan ng gamot si Caroline para gumaling siya. Madalas niya akong ipagtanggol sa mga nanlalait sa akin at lagi niya rin akong sinasamahan nitong nakakaraan kapag ayokong sumama kila Luigi.
“Gusto mo ba talagang malaman?” tanong niya kaya tumango ako, napansin ko ang pagngisi niya kaya parang hindi maganda ang kutob ko. “May isang klase pa ako. Ikaw?” tanong niya ulit.
“Dalawa pa ang klase ko.” sagot ko kaya napatango siya.
“Then, I'll call you later. Sama ka sa bahay namin.” nakangiting anyaya niya kaya nagulat ako.
“Ha?” tanging nasabi ko.
“Magpapaalam ako kay Luigi kaya don't worry. Basta pupuntahan kita mamaya.” nakangiting sabi niya at umalis.
BINABASA MO ANG
Under her spell
FantasiaThank you sa napakagandang cover by CG/Three3Na. Noon, Jerrah, is living a simple life, nag-aaral ng mabuti at masunuring anak. Mahaba ang pasensiya niya sa mga nambubully sa kanya kahit na ilang beses na siyang ipinahiya ng mga ito. Pero nagbago an...