UHS-46

287 15 1
                                        

Mabilis akong napahawak sa ulo ko dahil sa biglang pagsakit nito kasabay noon ay ang biglaang paninikip ang dibdib ko.

“Alam kong hindi ka agad maniniwala sa sasabihin ko pero tulad ng sinabi ko kanina ay planado ng kanong hilaw na iyon lahat. Binura niya ang alaala mo at ginayuma ka rin ni— wait… are you okay?” tanong niya at akmang lalapit muli sa akin pero pinigilan ko siya.

Ilang segundo bago ko napagtanto ang mga sinabi niya.

“G-ginayuma?” tanong ko habang kinakalma ang sarili ko.

Bago pa siya makapagsalitang muli ay narinig kong tumunog ang cellphone na ibinigay sa akin ni Tita Mildred kanina. Lumayo ako kay Luigi upang sagutin ang tawag.

“Hello? Jerrah, nasaan ka? Ayos ka lang ba?” sunod-sunod na tanong ni Tita. Hindi agad ako nakasagot dahil hindi ko pwedeng sabihin na nandito ako sa bahay nila nanay.

“N-nasa bahay po ng kaibigan ni Arweine. Dumaan kami kasi may kukunin daw siya.” sabi ko na lang.

“Pwede bang bumalik na kayo, hinahanap ka na kasi ni Phillip.” sabi niya, bakas sa tinig ni Tita ang pag-aalala.

“Sige po. Sasabihan ko si Arweine na ihatid na ako.” sabi ko at tinapos ang tawag.

Hindi na ako bumaling kay Luigi at bumalik na sa sala kung saan namin iniwan sila Lewis. Agad kong sinabihan si Arweine na kailangan na naming umuwi.

“Aalis na kayo?” natigilan ako at napatingin kay Nanay.

“Opo, may sakit kasi ang boyfriend ko at hinahanap na niya ako.” magalang na sabi ko.

“May boyfriend ka?” tanong niya at napatingin sandali sa gilid ko kung nasaan si Luigi. “Sandali may kukunin lang ako. Huwag muna kayo umalis.” sabi niya at umalis.

Napatingin ako kay Luigi na agad nag-iwas tingin sa akin. Pagbalik ni Nanay ay may dala siyang plastic container.

“Hindi na po sana kayo nag-abala.” sabi ko pero inabot niya pa rin sa akin ang baunan at niyakap ako.

Hindi ko na alam kung ilang beses akong natutuliro ngayon araw pero habang nakayakap sa akin si Nanay ay may kung anong saya ang naramdaman ko. Medyo nagtagal siya sa pagkakayakap at noong humiwalay ay nakita ko na naggigilid ang luha sa mga mata niya.

“Kung may oras ka sana ay dalawin mo ulit ako.” sabi pa niya.

“B-bakit po?” natanong ko na lang.

“Wala naman… Ang totoo niyan kakaiba ang pakiramdam ko noong makita kita parang pamilyar na at kaboses mo rin ang anak ko.” sabi niya.

Nagulat ako sa sinabi niya at ngumiti na lang ng alanganin. Tumayo na sila Arweine at nagpaalam. Paalis na kami nang muli akong bumaling kay Nanay.

“Babalik po ako para dalawin kayo. Sana po magpagaling ka at alagaan mo ang sarili mo.” sabi ko, tumango siya at ngumiti.

Mabilis akong lumakad upang unahan sila Arweine sa paglabas, ngunit pagbukas ko ng pinto ay saktong may tao sa pinto pero nilagpasan ko lang siya at hinintay ko na lang sila Lewis sa tabi ng sasakyan niya.

Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko, halos isang oras pa lang kaming nananatili sa bahay na ito ay halo-halong emosyon ang nararamdaman ko. Idagdag mo pa ang natuklasan ko tungkol kay Phillip na hindi ko alam kung papaniwalaan ko.

“Ayos ka lang ba?” napatingin ako kay Arweine at napailing.

“B-bumalik na tayo. Hinahanap na ko ni Phil.” sabi ko na lang at sumakay sa kotse ni Lewis.

Under her spellTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon