“N-nay!” mabilis akong napatayo at lumapit kay nanay. Tinapik-tapik ko siya sa pisngi pero hindi siya nagigising. Nataranta na ako at hindi ko alam ang gagawin. Wala kaming ibang kasama sa bahay kaya tumayo na ako para sana tumawag ng tulong sa mga kapit-bahay pero pagbukas ko ng pinto ay bumungad si Mary sa akin. Nakataas pa ang kamay niya na parang kakatok pa lang.
“A-ano—” hindi ko na siya pinatapos sa sasabihin niya at hinila siya papunta kay nanay. Nursing student siya kaya siguradong may maitutulong siya. “Anong nangyari kay Tita Cora?” gulat na tanong niya at agad na lumapit kay nanay. Sinuri niya ito, pinulsuhan at tiningnan ang mga mata. Pakiramdam ko ay naubusan ako ng lakas at nanginginig ang laman ko. Hindi ko alam kung anong nangyari kay nanay. Natatakot ako.
“Dadalhin na ba natin sa ospital si Nanay?” tanong ko, umiling si Mary. Pinagtulungan naming buhatin si Nanay papasok sa loob ng bahay. Ihiniga namin siya papag. May inilabas na kung ano si Mary at ipinaamoy iyon kay Nanay. Ilang saglit lang ay nagmulat na ng mata si Nanay. “Nay! Okay ka lang? Anong masakit?” tanong ko agad.
“Tita, ano pong nararamdaman mo?” tanong ni Mary pero hindi ito sumagot. Inilibot niya ang tingin at nang mahinto sa akin ay saka palang siya nagsalita.
“J-jerrah, okay ka lang ba?” tanong ni Nanay at agad na bumangon. Hinaplos niya ang braso ko at mukha ko. Napatingin ako kay Mary na nagtataka rin.
“Nay, ako dapat ang nagtatanong niyan sa'yo. Hinimatay ka. Anong masakit?” tanong ko.
“Ayos lang ako. Masyado lang akong natakot at nagulat sa ginawa mo. Anak, paano mo nagawa iyon?” tanong pa niya dahilan para matigilan ako.
**
“Jerrah? Ayos ka lang ba?” tanong ni Nanay mula sa labas ng kwarto. Napapikit ako ng mariin at huminga ng malalim, mainit ang pakiramdam ko at mukhang lalagnatin na naman ako.
Ilang araw na ang lumipas simula nang malaman ni Nanay ang tungkol sa kapangyarihan ko. Wala akong nagawa kundi sabihin sa kanya ang totoo. Hindi siya nagalit o ano pa man pero binalaan niya akong huwag nang gamitin o aralin ang libro.
Maraming nagbago sa paligid ko simula nang kumalat sa buong unibersidad ang tungkol sa sakit ni Caroline. Madami ang lumalapit at nakikipagkaibigan sa akin. Karamihan sa mga iyon ay mga naging kaibigan ni Caroline dati. Biglang sikat ako at sinasabi rin nila na ako na daw ang pumalit kay Caroline bilang Campus queen kuno. Wala naman akong pakialam pero ang ganda sa pakiramdam na hindi na ako inaapi o nabubully.
Minsan may mga inggitera na gumugulo sa akin at para matahimik ako, pasimple akong gumagamit ng mga orasyon para itaboy sila. Samantalang si Mary ay hindi ko na nakakausap, hindi ko alam kung galit ba siya pero parang iniiwasan niya ako.
“Jerrah, dinalhan kita ng lugaw. Hindi ka pa kumakain simula kanina.” rinig kong sabi ni Nanay at binuksan ang pinto. Hinihintay kong lumapit siya pero ilang saglit na ang lumipas ay wala pa rin siya kaya iminulat ko ang mga mata ko. Kitang kita ko ang gulat sa mukha niya habang nakatayo pa rin sa may pinto.
“N-nay, pahinging tubig.” sabi ko dahilan para matauhan siya.
“Anak, tigilan mo na muna ang paggamit diyan sa kapangyarihan mo.” sabi niya kaya natigilan ako. Hindi ako gumagamit ng kahit anong orasyon ngayong araw dahil masama ang pakiramdam ko.
“Hind—” hindi ko na nadugtungan ang sasabihin ko nang mapansin ko ang salamin sa tabi ng pintuan. Mula roon ay kita ko ang mga gamit namin sa likod ko na nakalutang ere.
Pumikit akong muli at huminga ng malalim, pilit kong pinakalma ang sarili ko. Ilang sandali pa ay nakaramdaman kong may humaplos sa noo ko. Nagmulat ako at tumingin sa paligid, bumalik na sa ayos ang mga gamit. Napatingin tuloy ako sa librong nasa tabi ko, iyong puting kristal ay unti-unting napupuno ng itim na tubig.
![](https://img.wattpad.com/cover/13196785-288-k552820.jpg)
BINABASA MO ANG
Under her spell
FantasyThank you sa napakagandang cover by CG/Three3Na. Noon, Jerrah, is living a simple life, nag-aaral ng mabuti at masunuring anak. Mahaba ang pasensiya niya sa mga nambubully sa kanya kahit na ilang beses na siyang ipinahiya ng mga ito. Pero nagbago an...