*Ean
Humihikab akong umupo sa metal na silya habang namumungay ang aking mga mata. Pakiramdam ko ba ay napakabigat ng mata ko at gusto na lang nito manatiling nakapikit. Tinatamad ako. Inaantok ako. In englishining, I'm slippery. Pero hindi ko alam kung alin sa dalawa nga ba ang naradamdaman ko. Baka bought. I'm filling bought at the same momention.
Inalog ko ang aking ulo upang labanan ang antok ko. Nakatingala akong dumilat at namataan ang maliit at nag-iisang ilaw dito sa loob ng kwarto. Dahil nga sa maliit lamang ang ilaw ay dito lamang sa gitna ng kwarto umaabot ang liwanag. Sa paligid ay halos wala na akong maaninag. Eto na naman. Nandito na naman ako sa kwartong 'to. Napaismid na lang ako dahil sa pagkabugnot ko.
Nang ibaba ko ang aking tingin ay bumungad sa akin ang nasa tapat na upuan na tanging maliit na mesa lang ang pumapagitna sa amin, isang napakapanget na lalake na akala mo gusto na ako patayin, ngunit imbis na matakot ay pinamungayan ko lang siya ng mata. Ano kaya problema nito sa akin? Ang sama talaga ng tingin.
Pinagsawalang bahala ko na lang ang katapat ko saka tumingin sa lalakeng prenteng nakatayo sa gilid ng kwarto. Sa dilim ay pang-ibaba at sapatos niya lang ang nakikita ko. "Nasaan 'yung partnerings in crime ko? Nandito ba siya?"
Isang hakbang ang ginawa ng lalake dahilan para makita ko ang mukha niya. Umiling siya na may bahid ng pagkailang. Siguro dahil sa napagsabihan ko ang buong unit kanina. Hanep ba naman kasi-- sa akin na inasa lahat ng trabaho dito sa interrogation unit. "Wala po siya ngayon, sir. Balita ko po ay nasa isang misyon siya."
"Ahh, sige," nasabi ko na lang. See? Ako na naman mag-isa gagawa ng trabaho ko. Ayaw ko ng ganito, hindi masaya. Walang ano... 'yung grill ba? O insightment? Ah, basta nalalapit diyan ang gusto kong iparating, tch.
Binalik ko ang atensyon ko sa katapat ko at kung kanina ay parang pinapatay niya na ako sa tingin, ngayon ay halos sumpain niya na ako. Sinubukan niyang gumalaw ngunit umalingawngaw lang sa buong silid ang pagtama ng posas sa kanyang inuupuan.
"Wala kayong mapapala sa akin! Kung ako sa inyo, pakawalan niyo na lang ako!" Paghuhuramentado niya habang pilit na kumakawala.
"Eh bakit naninigaw? Nag-uutos na nga lang," walang gana kong sagot habang kinakamot ang aking tainga. Grabe kasi 'tong kausap ko, akala mo ang layo ko. "Tsaka wala pa akong tinatanong, you come yourself in there, ok?"
Tinukod ko ang dalawang braso ko sa mesa saka bahagyang lumapit sa kanya. "Para matapos na 'to, saan niyo dinala ang mga smuggled weapons?"
Umuyam ito at ngumisi pa nang nakakaloko. Aaminin ko, nakakabanas 'yung ngisi niya. "Sinasabi ko na sa inyo, wala akong sasabihin sa inyo!"
Tinitigan ko siya na para bang nagtatanong na seryoso ba siya sa sinabi niya. Ang labo kasi eh. "Ano ba talaga? May sasabihin ka o wala?"
"Wala akong sasabihin," tila nang-aasar niyang tugon.
"Huh? Eh ano 'yang sinabi mo?" Pagtataka ko naman.
"A-ang alin? Ano sinabi ko?" Naguguluhan niyang tanong.
"Ayan oh! May sinabi ka eh."
"Ano nga sinabi ko?" Medyo naaasar niyang sabi.
"Oh ayan, may sinabi ka na naman!" Bulalas ko sabay turo pa sa kanya.
"Wala nga akong sinabi!" Bahagya nang tumataas ang boses niya, senyales na mas naaasar na ito. Ang engot ng loko, hindi makuha ang gusto kong iparating.
"Niloloko mo 'ko, may sinasabi ka eh!" Pang-aasar ko pa sa kanya.
"P*tang ina mo! Hindi ako nakikipagbiruan!" Bulyaw niya sa akin at sinubukan akong sugurin, ngunit dahil nga sa posas niya ay napaupo lang ulit siya.
BINABASA MO ANG
Lakserf's Obscure: Heresy [Book 2]
FantasyTulad ng naibahagi noon ng isang Nelheim ay ang Diyos Amang Laksen Erfus ang Tigapaglikha ng Lakserf. Ito ang pinaniwalaan ng nakararami. Siya ang nagbigay ng buhay sa lahat. Ang Diyos ding ito ang nagbiyaya sa kanila ng mga mahikang taglay ng bawat...